Friday, December 24, 2004

INGAY

Dalawa sa mga blogger na madalas kong bisitahin ang mga blog--sina Ederic at Apol the Great--ang kamakaila'y kapwa may entry hinggil sa maiingay sa mga pampublikong sasakyan.

Mapanudyo si Ederic doon sa taong nakasakay niya minsan sa isang bus, na kay-ingay raw magpatugtog ng kanyang Walkman. "Kung inaakala mong sobrang ok pare ang tingin sa ‘yo ng iba dahil may libreng radyo kang dala," aniya, "sorry nagkakamali ka. Di lahat ng tao ay adik sa music mo! At nga pala, alam mo bang pwede kang gumamit ng bagay na isinasaksak sa tainga nang ikaw lang ang makarinig sa music mo? Earphones ang tawag dun!"

Samantala, ikinukuwento naman ni Apol ang nakasakay niyang mag-asawa sa dyip, na wala raw ginawa sa lahat ng sandaling kasakay niya sila kundi magbungangaan. Partikular niyang inasinta ng kanyang pangungutya yaong ale, na kaipala'y sa labis niyang pagkainis ay napagdiskitahan tuloy niya pati ang amoy.

Ang kanilang mga interesanteng kuwento ay nakapagpapagunita sa akin ng kamakailan din lamang ay sarili kong karanasan sa mga taong nasa pampublikong sasakyan ay walang kapaki-pakialam sa kalagayan ng kanilang mga kapwa pasahero.

Lampas na sa ikasiyam ng gabi noon at ako'y galing sa isang partikular na nakapapagod na coverage. Ipinasya kong samantalahin ang mahaba-haba rin namang biyahe ng bus mula sa may Taft-Gil Puyat hanggang sa aming tinitirhan sa labas ng Kamaynilaan upang matulog.

Aba'y nakatutulug-tulog na ako nang may bigla akong marinig na ingay sa bandang likuran ko. Sa simula'y hindi ko mahanap ang pinagmumulan ng ingay. Muli akong nagsandal ng ulo sa salamin ng bintana at pumikit, naiisip ko'y wala na ang ingay maya-maya lamang.

At doon ko naalaalang hindi magaling ang basta na lamang magpapala-palagay. Ang akala ko'y agad na pinabulaanan ng pagpapatuloy ng walang-katuturang ingay mula sa dalawang mukhang binatilyo dalawang upuan ang layo sa akin, na tila ginagaya ang ilang cartoon character sa telebisyon at sa bawat limang segundo'y pumapatid sa aking pagtapak sa mundo ng mga panaginip (ganoon kalalim ang aking antok noon).

Taglay ang pagkakakumbinsi sa pangangatwirang lahat kaming pasahero'y magbabayad kaya't nauna man sila (nakita ko na silang nakaupo nang ako'y sumakay) ay may karapatan kaming lahat sa isang biyaheng walang istorbo, ipinasya kong gumawa na ng hakbang.

Sa simula'y dinaan ko sa pagtitig. May limang minuto ko silang tinitigan ngunit nahulo ko ring hindi uubra ang taktikang ito, pagkat nakita na nila akong nakatingin sa kanila'y para bang walang anuman sa kanila.

Hanggang sa binigkas ko na lamang, habang nakatitig pa rin sa kanila, ang: "May problema kayo, 'tol? 'Tang ina n'yo, parang kayo lang ang tao rito, a."

(Sa yugtong ito'y hinubad ko na ang aking relo at ethnic bracelet, handang gamitin ang mga kamao kung hihingin ng mga pagkakataon.)

At naging maayos ang biyahe sapul sa sandaling iyon.

1 comment:

Danny Haszard said...

Delightful dynamic site a touch of class i like your content,stand tall and strong shine on.Best regards,Danny Haszard Bangor Maine USA