Saturday, February 26, 2005

PILA SA LOTERYA

Nang ako'y magpunta nitong nagdaang linggo lamang sa suki kong arkilahan ng mga VCD at VHS tape, nakita ko ang isang tanawing matagal kong di nakikita roon.

Katabi niyong video rental shop ang isang outlet ng Philippine Lotto. Kayhirap pong pumasok sa video rental shop sapagkat ang pila sa lotto, ay! ang pila sa lotto ay kayhaba po. Sa pagtantiya namin, kung yaong paliku-likong pila ay itutuwid, masasakop nito ang distansiya mula Ramon Magsaysay High School sa EspaƱa hanggang sa panulukan ng Nicanor Reyes Street (lalong kilala bilang Morayta, ang luma nitong pangalan).

Samantala'y kung araw-araw tayong nanonood ng Eat! Bulaga, baka mapansin nating tila parami nang parami ang sumasali sa kanilang mga promo at pakontes. Ay akong ngang hindi naman sadyang nanonood ng Eat! Bulaga kundi nakapapanood lamang nito sa telebisyon ng mga sinasakyan kong bus ay nakapapansin na nito, di lalo na marahil yaong mga suki ng naturang programa.

Madaling hanapin ang pangunahing dahilan ng mga pangyayari: dumarami ang nagtataya sa pag-asang sila'y pagpalain ng kapalaran at biglang yumaman.

At hindi natin sila masisisi. Ang mga pangyayaring ito'y repleksiyon ng kalagayan ngayon ng kabuhayan sa ating bansa.

Ang antas ng disempleyo, bagama't bumababa raw ayon sa mga henyong sina Gloria Macapagal-Arroyo at Patricia Sto. Tomas, ay wala pa ring pagbaba sa double-digit na antas na unang naitala sa Pilipinas noong 1957 at lumitaw na lamang muli noong 2003.

Nasa 10 sa araw-araw, ayon sa pagtataya ng IBON Foundation, ang nagsasarang small- at medium-scale enterprise sa Pilipinas dahil sa matinding kumpetisyong dulot ng mga korporasyong transnasyunal. Mahigit sa 200 manggagawa tuloy ang araw-araw ay nawawalan ng trabaho.

Samantala, ang halaga ng mga pangunahing bilihin at serbisyo ay patuloy na tumataas, dahil sa tuluy-tuloy na pagsadsad ng halaga ng piso laban sa dolyar na dulot naman ng globalisasyon katulad ng aaminin maging ng negosyanteng si Raul Concepcion, datapwat walang kakabit na pagtaas sa kita ng mga mamamayan.

Mula sa P455.94 noong 2003, ang pang-araw-araw na gastusin sa pamumuhay para sa isang pamilyang may dalawang magulang at apat na anak--ang karaniwang pamilyang Pilipino--ay nasa P492.19 na ngayon, batay sa datos mula mismo sa National Statistics Office (NSO). Samantala, ang pangkalahatang minimum na sahod ay nasa P202.59 lamang, batay sa datos mula sa National Wages and Productivity Commission (NWPC).

Kung tutuusin natin ang katumbas ng P492.19 sa isang buwan, ito'y aabot sa P14,190. Maging sa hanay ng mga empleyado sa mga opisina ay marami ang hindi aabot sa ganito ang buwanang kinikita.

Yaon namang mga magsasakang palay ang itinatanim ay umaabot lamang sa P2,000 ang karaniwang kinikita matapos na magbenta ng ani, at ito'y kailangan nilang papagkasyahin sa loob ng tatlong buwan--hanggang sa susunod na anihan. Ito'y katumbas ng P22.22 lamang sa bawat araw.

Sa ganitong desperadong kalagayan ng bansa, dumarami ang nakaiisip na mangapit sa kapalaran sa pag-asang biglang mahango mula sa putikan.

6 comments:

angelo said...

Mahirap talaga kapag iisipin natin kung paanong sadlak-na-sadlak sa dusa't kahirapan ang bayan. Sa aking pananaw [na hindi naman orihinal], maaari itong tignan sa dalawang punto-de-bista, yong macro at microeconomics. Sa parehong aspeto, harinawa'y yumabong ang pagiging malikhain natin sa pagtuklas ng [ampat na] solusyon sa ikauunlad ng sarili, at ng [kinabibilangang] lipunan. Marahil hindi ito simple sapagkat nangangailangan ng masusing pag-aaral ng mga teorya at praktika upang matugunan at mabigyan ng kaukulang pansin ang mga samut-saring suliranin ng lipunan.

Maaaring isa itong hiling at dasal.

Alexander Martin Remollino said...

Salamat, G. Ancheta. Sang-ayon ako sa lahat ng sinabi mo. Magkaisa nga nawa ang sambayanang Pilipino sa pagtuklas at pagsasakatuparan ng mga kalutasan sa maraming problema ng ating bansa.

Suyin said...

ang hirap na nga ng buhay, tataas pa ang bilihin dahil sa vat. kainis!!!!

Alexander Martin Remollino said...

Oo nga, Suyin, e. Sabi nga n'ong isang tambay rito sa amin, "Hirap ng buhay dito sa 'tin. Lagi na lang tayong kawawa."

Pero sabi nga ni Koyang Jess Santiago, "Hindi tayo magtitiis habambuhay."

Apol said...

ay, ibig sabihin pala kailangang tumaya sa lotto para tumama? anak ng... kaya pala hindi ako tumatama. hehe!

hirap na talaga ng buhay dito sa atin. kaya nga medyo nag-iisip na akong makipagsapalaran sa ibang bansa. hindi ito selling out, ha? ;)

Alexander Martin Remollino said...

Naku, e talaga namang kasama na y'ong makipagsapalaran sa maiisip ng tao pag ganito kahirap ang buhay. 'Yan naman e ibang kaso do'n sa mayayaman na may magagawa rito pero gusto sa ibang bansa dahil ikinahihiya nila ang Pilipinas.

Iba y'ong umaalis kahit kayang-kaya pa nila rito, iba y'ong sa tulad n'yo na gipit na kaya naghahanap ng kaalwanan sa ibang bansa.

Bakit e may mga kaibigan akong nasa ibang bansa na involved pa rin sa social causes ng Pinas kahit nasa malayo sila. Aba'y sila ang mga tagapagmana ni Carlos Bulosan! :)