Monday, May 02, 2005

HINDI NATATAPOS SA HULING TULDOK ANG PAGSUSULAT

Ang pagsusulat ay di natatapos sa huling tuldok. Hindi ito tulad ng pagtae na sa sandaling maideposito mo ang iyong tae sa inudoro ay masasabi mong “ayos na ang butu-buto,” sa lokal na islang.

Kailanma’y hinding-hindi maaaring sabihin ng isang manunulat na siya’y “isang manunulat lamang,” liban na lamang kung siya’y may talinong tulad ng sa isang kuto at kahit na nag-aral siya hanggang sa duktorado (at nakatapos ng ganito kataas na kurso nang may pinakamataas na karangalan) ay walang pumasok sa kanyang ulo sa itinagal-tagal ng kanyang pamamalagi sa pamantasan liban na lang marahil sa mga alikabok ng yesong sa di-inaasahang pagkakataon ay sumuot sa mga butas ng kanyang ilong at tainga at tumagos hanggang sa utak –- kung mayroon mang matatawag na utak sa loob ng kanyang bungo.

Kahit na hindi manunulat ang isang tao at talagang siya’y walang sinusulat kundi pana-panahong mga liham na ang pakay ay bihagin ang puso ng itinuturing niyang pinakamagandang nilalang na nabuhay sa buong kasaysayan ng daigdig, hindi niya masasabing ang sulat ay magwawakas sa paglukso ng puso ng kanyang pinaparaluman. Kadalasan, kung sa ganitong paraa’y magkulay-rosas ang paningin ng isang nililigawan at ituring niyang pinakamakinang na mutya ang mga katagang nakaukit sa mabangong papel na pinagsulatan ng liham sa kanya, ibabahagi niya sa mga kaibigan at kamag-anak ang sarap ng pakiramdam ng masabihan sa sulat ng gayon katamis na mga pangungusap.

Gaano pa kaya kung ang isang tao’y isang manunulat? Paglabas ng publikasyong naglalaman ng kanyang akda, daraan ito sa mga mata ng maaaring daan-daan, maaaring libu-libong tao at maaari pang daan-daang libo sa loob ng isang araw lamang. At ang mga makababasa ng akdang sa akala nila’y isang hiyas ng panitikan ay magkukuwento pa ng kanilang nabasa sa lahat ng kakayanin nilang pagkuwentuhan nito.

Ang tao’y kumikilos batay sa idinidikta ng kanyang kamalayan. At sa pagbubuo ng kamalayan, napakalaki ng epekto ng salitang nakasulat, lalo’t kadalasa’y maaaring magawa ng nakalimbag na salita ang mga bagay na hindi malimit na nagagawa ng karaniwang pag-uusap.

Bahagi ng pampublikong kaalaman ang kung paano nakapagbigay ng inspirasyon sa mga mamamayan upang magsagawa ng mga pagkilos tungo sa pagpapalaya sa bansa, halimbawa, ang dalawang nobela ni Dr. Jose Rizal, ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo; dili kaya’y ang makabayang mga tula nina Andres Bonifacio at Jose Corazon de Jesus.

Sa kabilang dako naman, hindi rin matatawaran ang papel ng mga manunulat ng mga teksbuk na pinopondohan ng World Bank o WB sa pagpapalaganap ng isang kamalayang makaneokolonyalismo. Malaki ang kinalaman nila sa pangyayaring magpahanggang ngayo’y itinuturing ng marami bilang mga tagapagligtas ang mga puwersang Amerikanong sumakop sa Pilipinas noong dulo ng ika-19 dantaon, sa kabila ng pagkakaroon ng marami ring katibayang nakalaya ang kalakhan ng Pilipinas nang halos walang tulong ng mga tropa ni Tiyo Samuel, na walang isang buwan mula sa pagtitibay ng Saligang Batas ng Malolos ay nagsimulang igiit ang kanilang “soberanya” sa Pilipinas.

“Maraming namamatay sa maling akala,” lagi’t laging sinasabi sa atin. Totoo ito.

Napakalaki ng pananagutan ng isang tao kung ang isa niyang kamag-anak o kakilala ay mapahamak dahil sa maling akalang sadya niyang itinanim sa isip nito. Kung ang kapatid niyang nakapiring ay nasa bingit ng bangin at sinabihan niya itong tumalon nang pasulong, at ito’y sumunod sa paniniwalang hindi bangin ang kanyang kinalalagyan, wala siyang ipinagkaiba kay Cain na pinatay sa pamamagitan ng sandata ang sariling kapatid na si Abel.

Kung sasamantalahin ng isang namamayagpag na manunulat ang kanyang katayuan upang ipampuno sa sariling bulsa ang paglalako ng mga sulating pampabilog sa ulo ng bayan, malaki ang kanyang pananagutan kung masalaula ang mga mamamayan dahil sa lakas ng impluwensiya ng kanyang mga sinulat.

Ganito ang lohikang dapat na gumabay sa pagtingin sa ilang manunulat sa Pilipinas na sa isang bahagi ng ating kasaysayan ay naglako ng mga sulating nagpabangag sa halos buong sambayanan. Hindi iilan ang kanilang ipinahamak sa pamamagitan ng pagtatanim ng isang palsong kolektibong kamalayan. Maaaring kailanma’y hindi sila tuwirang kumitil ng buhay, ngunit kung sadya nilang sinakyan ang wika nga ni Rogelio OrdoƱez ay “ruweda ng panlilinlang,” utang nila sa buong bansa ang lahat ng buhay na nakitil dahil sa lasong kanilang inihalo sa pambansang kamalayan.

No comments: