Wednesday, May 11, 2005

SA PUTANG KINANTAHAN NG ISANG MAKATANG HIGIT PALANG PUTA

Naawit niya ang lahat ng tunog
sa pagitan ng iyong mga hita
sa bawat gabing ipinauupa mo ang iyong katawan.
Ngunit wala isa mang titik mula sa kanya
hinggil sa kung bakit
nalubog ka sa pusali:
wala isa mang titik niyang nagsasabi
na ika'y nariyan
pagkat ibig mong alpasan
ang larawan sa kuwadrong bintana
ng inyong barung-barong --
larawan ng kulay-uling na tubig sa estero,
at di mo ito maalpasan
nang di naglalangoy sa isa pang putikan,
pagkat siyang katalagahan
ng iilang diyus-diyosan sa bayang ito.
Inawitan ka
ng isang makatang ayaw gawing putik
na ikukulapol sa mukha ng mga huwad na bathala
ang tinta ng kanyang panulat.
Bakit?
Sa dakong huli,
siya pala'y magiging upahang tagahimod ng bulbol
ng mga naglublob sa iyo sa pusali ng pagpuputa.

No comments: