ANG MAKATA SA PANAHON NG KRISIS, NOON AT NGAYON
Kung nais nating makita ang pagkakaugnay ng tao’t ng lipunan, wala yatang pinakamainam na pook para rito kundi ang mga istasyon ng Metro Rail Transit o MRT.
Sa himpilang EDSA-Ayala, minsa’y patakbo sana akong aakyat (sapagkat hindi ako nakapag-ehersisyo sa bahay nang umagang iyon at gusto kong mag-ehersisyo), ngunit hindi ko kaagad natupad ang ibig kong gawin sapagkat mahaba ang pila paakyat at kaybagal pa ng usad, at sa dakong kaliwa nama’y may mahabang hanay rin ng mga bumababa. Nang maubos ang mga taong bumababa ay gumawi ako sa kaliwa at patakbong inakyat ang natitirang mga baitang, at nakita ko ang salarin sa pagkakaroon ng mahabang pilang kaybagal gumalaw: isang saksakan ng kupad maglakad na akala yata’y kanya ang buong MRT at ibig itong gawing isang Luneta.
Minsan din, sa himpilang EDSA-Buendia, dumating ang tren nang may sapat na luwag sa loob, at kakaunti lang ang mga kasabay kong nag-aabang kaya’t tiyak na lahat kami’y kakasya sana. Ngunit kakaunti sa amin ang nakasakay at ako ma’y muntik nang hindi makapasok, at muntik pa ngang maipit ng pinto. Ang may kagagawan? Magkaparehang binatilyo’t dalagita sa unahan ng mga pumasok, na ginawang walk in the park ang kanilang paglulan sa tren habang naghihimasan pa, na lalong nagpabagal sa kanilang paglakad. Aywan ko ba kung bakit hindi na lamang nagmotel ang mga tinamaan ng magaling na ungas.
Sa bawat insidenteng nabanggit –- ilang tao ang nahuli nang ilang minuto sa trabaho o sa klase, o sa pakikipagkita kaya sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan? Hindi ko na binilang. Ngunit nakikita naman natin sa mga isinalaysay na ito kung paano maaaring makaapekto sa marami ang mga galaw ng kahit isa o dalawang tao lamang na sapagkat walang kapaki-pakialam sa mundo ay kaysasarap pagbabambuhin sa ulo.
Di gaano pa kaya ang epekto sa lipunan ng isang makata, na bukod sa tumatangan ng isang lubhang makapangyarihang sandatang pampanitikan ay lagi’t lagi pang nasa publiko?
Sa mga pananalita ng mga makatang Emmanuel Dumlao at Gelacio Guillermo sa isang porum ng Kilometer 64 sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong Nobyembre 18 ay natalakay nang husto ang usaping ito. Kapwa sila nakapagpakitang may papel at lalaging may papel ang makata sa lipunang kanyang ginagalawan dahil sa kapangyarihan ng kanyang sandatang pampanitikan at pampublikong katangian ng kanyang buhay.
Ang GAT
Sa pananalita ni Dumlao, malaking bahagi ang inilaan sa isang samahan ng mga makata na nagmarka sa kasaysayan hindi lamang ng panitikan kundi maging ng pulitika sa Pilipinas –- ang Galian sa Arte at Tula o GAT.
Inilahad niya ang mga tampok na ginawa ng GAT: paglalabas ng mga antolohiyang naging bahagi ng diskursong-madla; di-mabilang na poetry reading sa mga komunidad ng maralitang-lunsod, baybay-dagat, kabukiran, paaralan, piketlayn at iba pang lugar kung saan naroon ang nakararaming mamamayan. Ito ang pagsasabuhay ng GAT sa kredo nitong “Ibalik ang panulaan sa puso at tangkilik ng sambayanan,” na ang sumulat ay walang iba kundi si Virgilio Almario, kilala rin bilang Rio Alma, isa sa mga tagapagtatag ng naturang samahan.
Dinala ng GAT ang mithiin ng sambayanan na mabuhay sa isang tunay na malaya at demokratikong lipunan, at ito’y sinalamin ng mga tulang inilabas ng naturang samahan sa halos dalawampung taon ng pag-iral nito.
Isinilang ang GAT sa panahon ng diktadura, bilang isang pagtugon sa diktadura.
Isa ito sa iilang makabayang organisasyong sa panahon mismo ng Batas Militar ay natatag nang ligal, at nanatiling ligal sa mga taong ipinagbabawal ang lahat ng organisasyong natukoy ng pamahalaan bilang militante. Nagawa ito ng GAT sa pamamagitan ng pagpapanday ng isang panulaang malaalegoriko ang mga imahe, at sa ganito’y nakalusot sa mga sensor ng gobyerno ngunit naunawaan ng madla. Iniwasan nito ang mga salitang karaniwan nang iugnay ng pamahalaan sa rebelyon, at naging malikhain ito sa paggamit ng mga talinhagang bagama’t hindi halatang palaban ay may sariling mabisang paraan ng pananawagan ng pagbabalikwas, na nakilala ng madla sapagkat hinugot mula sa mismo nilang mga buhay.
Lumahok ang GAT sa pakikibaka sa diktadurang Estados Unidos-Marcos, at nagluwal ito ng maraming tulang naging mga klasikong paulit-ulit na binigkas sa mga kilos-protesta, halimbawa’y ang mga sumikat na anti-pasistang tula nina Jesus Manuel Santiago at Romulo Sandoval.
Ang ganitong panghahawak sa paninindigan ng GAT ang dahilan kung kaya kahit na pito sa lalong tinitingalang mga kasapi nito –- na ang isa’y magiging National Artist pa sa kalaunan –- ang sumuporta sa kandidatura nina Ferdinand Marcos at Arturo Tolentino sa snap election ng 1986 ay hindi naapektuhan nang malaki ang kabuuang kredibilidad nito.
Ang maalingasngas na pag-eendorso
Nabanggit ni Dumlao ang mga pangalan ng pitong kasapi ng GAT na tumangkilik sa kandidaturang Marcos-Tolentino noong 1986. Makabubuting banggitin muli sila rito, sa ikababatid ng lahat at upang huwag nating malimot: Virgilio Almario, S.V. Epistola, Lamberto Antonio, Teo Antonio, Mike Bigornia, Manuel Baldemor, at Ruth Elynia Mabanglo.
Buhay pa silang lahat, liban kina Bigornia at Epistola. Marami sa mga ito ang magpahanggang ngayo’y hindi inihihingi ng kapatawaran ng bansa ang kanilang ginawa –- kabilang na si Almario, National Artist for Literature ng 2003. Sa katunayan, sa isang interbiyu sa kanya ng isang estudyanteng gradwado sa UP noon ding 2003, sinabi ni Almario na ang Kaliwa ang nagpabomba sa Plaza Miranda noong 1971, at ito raw ay ginawa upang guluhin ang gobyerno ni Marcos.
Yaong mga may malawak na pagbabasa sa kasaysayan at lalo na’y yaong mga may malay na nang taong iyon ay tiyak na makaaalaalang ito rin ang dahilang ginamit ni Marcos upang magdeklara ng batas militar. At habang umiiral ang batas militar ay kayraming manunulat ang pinarusahan dahil sa kanilang pagbibilad ng kalagayan ng bansa: ipinapatay ang mga Lorena Barros, Eman Lacaba, Antonio Tagamolila, Liliosa Hilao at Valerio Nofuente, habang ang isang Henry Romero’y nawala at hindi pa natatagpuan magpahanggang sa mga araw na ito; samantalang ipinabilanggo naman sina Bienvenido Lumbera, Satur Ocampo, Luis Teodoro, Ninotchka Rosca, Bonifacio Ilagan, Pete Lacaba, Levy Balgos de la Cruz, at Dolores Feria, at marami sa kanila ang dumanas ng iba’t ibang anyo ng pagpapahirap sa bilangguan, kabilang ang pangunguryente sa bayag at utong at puki, pag-uumpog sa kanila sa dingding, pagpapahiga sa kanila nang hubo’t hubad sa bloke-blokeng yelo, at maging panggagahasa sa mga babae.
Ang sinabing ito ni Almario ay hindi pa niya binabawi magpahanggang ngayon, bagama’t hindi pa rin maipaliwanag ng mismong kampo ng mga Marcos kung bakit ang binomba sa Plaza Miranda ay ang pulong ng Liberal Party, na lumalaban din sa gobyerno noong 1971 at samakatwid ay maituturing noong taktikal na alyado ng Kaliwa. Batay sa kasaysayan, ang ganito’y istilo ng ilang panatikong maka-Kanang paksiyon sa militar, ngunit hindi ng Kaliwa.
Sinasabi ni Almario na tama ang pagkakadeklara ni Marcos ng batas militar, na nandahas sa napakaraming Pilipino? Iwan na natin sa kanya ang pagpapaliwanag dito, pati na sa inamin niya mismong pagiging propagandista ng kampo ni Marcos bago pa man ang snap election ng 1986 at habang siya’y kasapi pa ng GAT, na nagpatalsik sa kanya noong 1986. Siya na rin ang bahalang magpaliwanag kung may kaugnayan din ba ang lahat nito sa mahabang panahon niyang palinlang na paglalayo sa mga baguhang manunulat sa landas ng makabayan at makalipunang pakikisangkot –- sa isang bansa kung saan kailangang-kailangan ang mga manunulat na magpapatuloy sa tradisyon ng mga Francisco Balagtas, Jose Rizal, Crisanto Evangelista, Jose Corazon de Jesus, Salvador Lopez, Manuel Arguilla, Carlos Bulosan, Amado Hernandez, at iba pang katulad.
Mga aral ng GAT sa ating panahon
Naipakita ni Dumlao na ang GAT ay naging isang kapahayagan ng pagkakaisa ng mga makatang nagpasyang makipagkaisa sa kanilang mga mambabasa sa pagtatatag ng isang matwid na lipunan. Tinangkilik sila ng madlang malawak dahil dito at ang kanilang mga akda’y nag-ambag nang di-biro sa pagbibigay ng direksiyon sa pakikitalad ng sambayanan.
Kung ano ang mga aral na mahahalaw ng kasalukuyang mga makatang nakikisangkot, lalo sa panahong itong ang bansa’y nasa krisis na tulad sa panahon ng diktadurang Estados Unidos-Marcos, ay naroon sa pagkakalahad ni Dumlao sa mismong kasaysayan ng GAT at, gayundin, ng kanyang sariling karanasan bilang isang makata. Lampasan ang sarili, magsulat alang-alang sa sambayanan, ngunit huwag magpakulong sa mga pormulang kaylimit kabuliran maging ng mga dapat ay higit na malikhain sapagkat naghahangad na magwasak.
Mahalagang aral ito na maiging matutunan ng mga makatang kalahok sa tuluy-tuloy na proseso ng paglutas sa kasalukuyang krisis ng bansa –- isang krisis na ibinunsod ng isang ilehitimo’t tiwaling pamunuang ang mga patakara’y laban sa kapakanan ng bansa’t ng nakararaming mamamayan, at mapanlabag sa karapatang pantao. Mapakikinabangan ang mga aral mula sa karanasan ng GAT sa dalawang tipo ng matulaing pagtugon sa kasalukuyang krisis na binanggit ni Guillermo, na bilang paggagad sa nauuso ngayong pagbibigay ng akronimo, na ang pinakatanyag ay ang CPR na tumutukoy sa calibrated preemptive response na patakaran ng rehimeng Macapagal-Arroyo, ay tinawag niyang tactical poetry response (TPR) at strategic poetry response (SPR).
Ang TPR, sang-ayon kay Guillermo, ay ang “pagsagot sa nagaganap na maiinit na usapin na kinakaharap ng mamamayan,” habang ang SPR nama’y “panulaang tumutugon sa matagalang pangangailangan ng mga organisadong (puwersa) at masa sa edukasyon at muling paghuhubog sa sarili.”
Mahalaga ang pagsipi ni Guillermo sa winika ng rebolusyonaryong manunulat na si Eduardo Galeano ng Amerika Latina, dahil aral ito sa lahat ng makata at maging sa lahat ng iba pang manunulat, hindi lamang sa panahon ng diktadurang Estados Unidos-Marcos kundi sa panahon man ng paghahari ng ilehitimo, makadayuhan at makamayaman, at pasistang rehimeng Macapagal-Arroyo na binasbasan ng Estados Unidos.
Ano ang sinabi ni Galeano? “Ang sabihing mababago ang realidad sa pamamagitan lamang ng panitikan ay isang kabaliwan o paghahambog,” aniya. “Sa palagay ko, isa ring kalokohan na itatwang nakakatulong ito sa pagbabago.”
Sinasabi ni Galeano na ang panitikan ay magiging kagaya lamang ng isang baril na walang bala kung wala itong gagawin liban sa pagbibili ng mga pinabanguhang kahangalan, dili kaya’y ng mga pangarap na hindi kailanman matutupad, ngunit nagmamarka sa kasaysayan kapag nakapaghikayat sa madla na taluntunin ang landas ng kabayanihan.
Dalawang landas ng mga makata
Sa panahon ng kasalukuyang krisis, mainam na balikan ang isang nagdaang panahon din ng krisis upang matimbang nang maigi ang mga maaaring pagpilian ng makata sa parehong panahon. Noon man at ngayon, dalawang landas ang maaaring tahakin ng makata.
Sa isang banda’y maaari siyang maging isang mambebersong tagahabol ng tseke mula sa umaandar na kotse ng hari-harian, isang upahang tagapag-aliw sa korte ng mga dugong-bughaw na habang walang makain ang mga mamamaya’y pakutya silang sinasabihang kumain ng mamon. Maaari rin naman siyang maging bilanggo ng sariling toreng garing, diumano’y tiwalag sa daigdig, na pana-panaho’y naghahagis ng mga “pumpon ng mga salita,” sa wika ni Jesus Manuel Santiago, sa bintana upang masambot ng madla. Mukhang magkaiba, ngunit sa totoo’y iisa lamang ang mga landas na ito.
Sa kabilang banda nama’y maaari silang maging “troubadours for troubled times,” sa wika nga ni Eric Caruncho, maging kapwa mandirigma ng lahat ng nagbabalikwas laban sa kaapihan.
Makabubuting isaalang-alang ng makata na sa ganitong panahon ng krisis, tumitingkad ang karaniwang tendensiya ng mga taong takasan ang pait ng katotohanan, ngunit higit din namang nagiging madali sa kanila ang tanggapin ang mga progresibong kaisipang maaaring makarating sa kanila.
No comments:
Post a Comment