Thursday, December 22, 2005

HINDI KA IBINABASURA NG AMING ALAALA

Itinapon ka ng kanilang gunita,
ngunit hindi ng aming gunita.
Paano ka ibabasura ng aming alaala?

Sa isang kamay mo'y naghuhumiyaw
ang katibayan ng iyong kabayanihan
noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig,
habang sa kabilang kamay ay nakaluklok
ang isang latang tagasambot ng mga baryang inihuhulog
ng mga mahabaging kamay.

Pagpapalimos ng habag ang huli mong hantungan.
Ikaw, na nakipagbuno kay Kamatayan
upang huwag maging kahabag-habag ang bansa,
ay nauwi sa pagpapalimos ng habag.

Sapagkat itinapon ka ng kanilang gunita.

Itinapon ka ng mga gunita
nilang iilang hari-harian ng ating lupain,
sapagkat ang ginugunita nila
ay ang Kalbong Agilang lumipad palayo
nang maghasik ng nakatutunaw na init
ang Sumisikat na Araw ng Silangang Asya
at bumalik na lamang upang tayo'y sagipin
matapos na mabitay ang mga Tojo't Yamashita.

Itong Kalbong Agilang makalawang dumagit sa ating bayan
matapos nating makalag ang gapos ng ibang dayo --
ito ang pinili nilang gunitain.
Kaya't itinapon ka ng kanilang gunita.

Ngunit hindi ka ibinabasura ng aming alaala --
hinding-hindi, at ang aming pag-alaala sa iyo
ay isang hakbang din tungo sa aming pagsasadlak sa kanila
sa nararapat nilang kauwian --
ang basurahan ng kasaysayan.

No comments: