Tuesday, February 27, 2007

KAMPANYA MMVII
Alexander Martin Remollino

Pakinggan ang mga talumpati ng mga pipi.
Ang lalakas ng kanilang mga tinig;
Rumaragasang parang ilog ang mga salita
At ang agos ay tila walang katapusan.
Dapwat walang marinig isa mang kataga.
Ang tunog ng kanilang mga sigaw ay katahimikan.

Nakatatanggal ng tainga kung sila'y mangusap:
Gayong nagsasalita'y walang sinasabi.

May ingay na gayong walang tunog ay nakatutulig.
Ganitong ingay ang ngayo'y kumukubabaw sa ating pandinig:
Ang mga haranang walang tugtog at titik, na alay sa mga botante.

Umaapaw ang mga pagbibida, ang mga sumpa at pangako
Nilang nanliligaw sa ating mga boto.
Gayunman, sa gitna ng malakulog na palitang-salita
Ay walang masagap ang ating mga tainga
Sapagkat nangungusap sila nang walang ipinangungusap.

No comments: