Alexander Martin Remollino
Ikaw ang kanlungan ng nangangailangan
Ikaw ang pag-asa at kinabukasan
Haplos mo ay lunas sa bawat pagal
Salamat sa iyong dampi ng pagmamahal
PCSO
Ang mga taludtod na ito ay ang kabuuan ng kantang “Dampi.” Inihahatid sa atin ang naturang kanta ng ilang patalastas sa radyo, gayundin ng isang music video na malimit ipalabas ngayon sa telebisyon bilang patalastas din, ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Kung sino ang lumikha ng kantang ito ay hindi malinaw saanman sa naturang mga patalastas, bagama’t ang bandang umaawit at tumutugtog nito ay ipinakikilala sa music video bilang Mirahel.
Malinaw ang mensaheng tinatangkang iparating ng naturang kanta: ang PCSO ang sagot sa kadustaan ng karamihan sa mga mamamayan ng ating bansa. Sa unang dalawang linya’y agad nang mahihinuha ang ganito:
Ikaw ang kanlungan ng nangangailangan
Ikaw ang pag-asa at kinabukasan
Basahin natin nang magkasama ang dalawang linyang ito, at makikitang sinasabi ng mga ito na ang PCSO ang “pag-asa at kinabukasan” ng mga kababayan nating dukha (ang mga “nangangailangan”) –- na bumubuo ng may 88 porsiyento ng ating populasyon, batay sa mga estadistika mula sa IBON Foundation –- sapagkat ang ahensiyang ito ang kanilang “kanlungan.” Ang sumusunod na dalawang taludtod nama’y pagpapahalaga at pasasalamat sa mga itinuturing na paglilingkod ng PCSO sa mga kapos-palad.
Sa bahaging ito’y kinakailangan ang isang batayang pagtanaw sa kasaysayan at mga gawain ng PCSO.
Itinatag noong 1934, ang PCSO ay nagsasagawa ng mga suwipistik, pakarera, at loterya. Sa kinikita mula sa mga ito, 55 porsiyento ang ibinibigay bilang premyo sa mga nananalo, habang 30 porsiyento naman ang nakalaan sa mga proyektong pangkawanggawa. Ang natitirang 15 porsiyento’y inilalaan sa mga guguling pang-operasyon ng PCSO.
Ang lahat ng tao’y nangangailangan ng hustong sustansiya sa katawan at isip upang maging lubos na mainam ang kanilang pamumuhay. Hindi nila makakamit ang ganito sa isang kaayusang panlipunan kung saan ang karamiha’y maghapon-magdamag na nagbubuhos ng pawis sa mga bukid at pagawaan at maging opisina upang pagkatapos ng bawat araw ng trabaho’y mag-uwi ng kitang hindi makasapat upang tustusan nang husto ang mga batayang pangangailangan.
Sa wika ni Heber Bartolome sa kanyang kantang “Almusal,” ang kalakhan ng ating mga kababayan ay “gumagawa ng paraan” pagdating sa pagkain: “Ang almusal at tanghalian/Pinagsasabay na lang” –- dahil kulang ang kita upang matustusan nang mahusay ang almusal, tanghalian, at hapunan.
Kung sa pagkain na nga lang ay kulang na ang kinikita, lalo nang hindi matutustusan ang iba pang pangangailangan –- tulad ng maayos na pananamit at pamamahay.
May masamang epekto sa kalusugan ang matagalang kakulangan ng pagkain: nakapagpapahina na nga ito ng katawan ay nakasisira pa ito ng mga selula ng utak. Idagdag pa rito ang tiyak na pinsalang idinudulot sa pangkalahatang kalusugan ng kawalan ng maayos na pananamit at pamamahay.
Bukod sa mga pisikal na pangangailangan, kailangan din ng tao ang mahusay na edukasyon upang lubusang mahasa ang kanyang mga potensiyal.
Kailangan ng tao ang lubos na kahusayan ng pangangatawan at isip upang malubos din ang kanyang kakayahan at pagkakataong gumawa ng mga bagay na hustong ikapagiging mainam ng kanyang buhay. Ito’y makukuha niya kung may pagkakataon siyang pangalagaan nang husto ang kanyang kalusugan at linangin nang lubos ang kanyang isip.
Karapatan ng lahat ang mabuhay sa isang kaayusang panlipunan kung saan natatamasa nila ang mga pangangailangang ito. Kung ang kinabubuhayan nilang lipuna’y hindi ganito –- kung ang kinabubuhayan nilang lipuna’y kinatatampukan ng iilang naglulunoy sa labis na karangyaang dulot ng panghuhuthot sa mga lumilikha ng kayamanan habang kumain-dili ang karamihan –- karapatan nila ang kumilos upang palitan ito ng isang lalong mahusay na kaayusan.
Hindi nararapat na ang mga dukha’y papaghintayin na lamang nang papaghintayin ng kawanggawa. May kabutihan din sa kawanggawa, subalit sa kadulu-duluha’y hindi ito ang tugon sa malawakang kadustaan sapagkat pansamantalang pagpapaalwan lamang ang naidudulot nito.
Datapwat di ganito ang sinasabi ng “Dampi.” Sinasabi ng kantang ito na “ang pag-asa at kinabukasan” ay nasa PCSO, na ang “kanlungan ng nangangailangan” ay ang mga proyektong pangkawanggawa ng naturang ahensiya –- mga “haplos” na “lunas sa bawat pagal,” mga “dampi ng pagmamahal” na ni hindi pa nga mapaglaanan nito ng kalakhan ng kinikita mula sa mga suwipistik, pakarera, at loterya.
Sinasabi ng “Dampi” na ang mga dukha’y hindi na kailangang kumilos upang palitan ang kaayusan ng lipunan, sapagkat nariyan naman ang PCSO. Sinasabi nitong ang PCSO ang siyang sagot sa lahat nilang kadustaan.
No comments:
Post a Comment