Friday, November 16, 2007

ANG MAHIGIT SA SANSIGLO AY WARING WALANG ANUMAN
Alexander Martin Remollino

I
Ang mahigit sa sansiglo ay waring walang anuman.

Naririto pa rin
ang mga maharlikang nagnanais na maging alipin
na humiklas sa iyong hininga.
(Magugunitang matapos ang kanilang kataksilan
sa Bundok Buntis, Maragondon
ay pinilas-pilas nila ang "Katapusang Hibik ng Pilipinas"
at pinalitan ito ng Kasunduan ng Biak na Bato.)

Sila'y naririto pa rin, Bonifacio:
naghahari pa rin sa ating lupaing
nakasanla pa rin pati kaluluwa.

II
Sa Biak na Bato,
apatnaraang libong piso ang naging kabayaran
upang ideklara ni Aguinaldo
na bandera ng mga bandolero, bandido't ladron
ang watawat ng mga Anak ng Bayan
at kanyang saluduhan
ang bandila ng Espanya.
Tumalilis siya patungong Hong Kong
bitbit ang magkapatid na Paterno
at iba pang "kapatid ni Cain."

Subalit sinuyo sila ng Estados Unidos
na noo'y kaaway na mortal ng Espanya
at inalok ng tulong sa pakikidigma,
at sila'y bumalik sa Pilipinas
upang muling magtimon sa Himagsikang
ipinagbili nila pati dangal sa Biak na Bato.
Sa Kawit, kanila pang
ipinagsigawan ang "kasarinlan" ng Pilipinas
na nasa mapagkandili diumanong kamay
ng "Dakila't Makataong Bansang
Hilagang Amerikano."

Ngunit ang kasarinlang natamo
ay "tanikalang ginto" lamang pala
at doon sa mga larangan,
muling umalingawngaw ang mga putok ng baril.

Sa muling nagbangong Himagsikan,
dumanak ang dugo ni Luna --
sa kamay ng sariling mga kababayan,
mga tauhan ni Aguinaldo --
matapos ang kanyang pagsigaw ng:
"Mabuhay ang kasarinlan!
Kamatayan sa awtonomiya!"

Samantala,
sa hanay ng Rebolusyonaryong Pamahalaan,
ikinalat ang kamandag ng kabulaanan
laban kay Mabini.
At siya'y nagbitiw sa tungkulin.

Bonifacio, batid nating si Mabini
ay mortal na kalaban ng pananakop --
kagaya ni Luna.

Habang tinutugis palang parang daga
ng mga puwersa ni Funston si Aguinaldo,
naglalaro na sa kanyang isip
ang muling pakikipagsapakat
sa mga kaaway ng kasarinlang
dinilig ng dugo ng ating mga tunay na kapatid.
Matapos na madakip ni Funston,
agad na sumaludo si Aguinaldo
sa bandila ng Estados Unidos
at muli niyang dinurhan sa mukha
ang mga manghihimagsik na Anak ng Bayan --
kabilang na si Sakay,
na sa malao't madali'y ipagkakanulo sa bitayan
ng mga pumatid sa iyong paghinga.

III
At hindi matatapos doon
ang kanilang pang-aagaw ng tagumpay
at pagkakanulo sa pakikibaka.

IV
Sa Pambansang Asambleyang natayo,
nagputakang parang mga manok
ang mga Quezon at Roxas
at sila'y nag-unahang parang mga daga pa-Washington
gayong ang hangad lamang nila kapwa
ay kasarinlang gumagapang
at inaalalayan ng Amerika.

Bonifacio, ang mga kapatid din ni Aguinaldo
ang kumilala sa "karapatan" ng Hapon
na gapusin ang Pilipinas
at paulit-ulit na bayuhin ng puluhan ng baril
ang humpak na tiyan ng ating mga kapatid.

Sila rin ang yumakap nang buong higpit
sa "kasarinlang" nagbigay ng pagkakataon sa Amerika
na lamuning tuloy-tuloy ang ginto't bulaklak
ng lupaing Pilipinas --
kasarinlang "lukob ng dayong bandila,"
kung saan ang Pilipinas
ay patuloy na nakasanla pati kaluluwa.
At ito'y pagyakap na kasama pati mga hita't binti.

V
Sila ang unang pumalakpak
nang iladlad ni Marcos ang tabing ng karimlang marahas
at sa EDSA,
nang masunog sa poot ng taumbayan ang tabing,
mabilis pa sa kidlat
na hinablot nila ang watawat ng pakikitalad
na taumbayan ang siya namang talagang tumatangan
at walang kahihiyang sila ang nagwagayway nito.

Gayundin ang ginawa nila
nang sa pangalawang pagkakataon --
labing-apat na taon matapos mapalayas si Marcos --
ay maging tagpuan ng poot at pag-asa ang EDSA.
Kalaunan,
nalaglag kapwa ang mga maskara nina Estrada't Arroyo
at napatunayang iisa lang pala ang kanilang mga mukha.

Ginawa nila ang lahat nito
habang nagpupugay sa dayong bandilang
nakalukob pa rin sa ating watawat.

VI
Ganito ang ginawa nila, Bonifacio --
sapagkat ang tunay na hangad nila
ay hindi ang kalayaan, hindi ang dangal
kundi ang mga susi, ang mga susi
sa mga bastiyon ng kanilang pinapanginoong mga dayo.

VII
Huwag munang humimlay, Bonifacio
sapagkat ang "Katapusang Hibik ng Pilipinas"
ay hindi siyang naging katapusang hibik.
Hindi natatapos ang hibik ng Pilipinas,
hindi matatapos ang hibik ng Pilipinas
hanggang sa hindi nalalagot ng punlo
ang matandang tanikala
at hanggang sa hindi napaluluhod at napahahalik sa lupa
ang mga nagkanulo't patuloy na nagkakanulo
sa ating Himagsikan.

Pasasalamat na walang hanggan, Dr. Renato Constantino -- Ang May-akda

No comments: