Saturday, June 29, 2002

Kami Rin ang Salarin

Alay kina Liliosa Hilao, Puri Pedro, Lisa Balando, Enrique Voltaire Garcia II, Dr. Bobby de la Paz, P. Tulio Favali, Macli-ing Dulag, Atty. Rolando Olalia, Lean Alejandro, Ramon Ternida, Gypsy Zabala, Beng Hernandez, Expedito at Manuela Albarillo, at iba pang mga aktibistang biktima ng pagpatay na labag sa karapatang pantao

Kami rin ay biktima;
dugo natin ang ibinuhos sa lupa
nang lagutin ang inyong paghinga.
Ngunit patawad, pagkat
kami rin ang salarin;
ang aming kawalang-bahala
ang sandatang ginamit
ng mga berdugo.

Sunday, June 23, 2002

Ayaw Ko sa Lahat

Ayaw ko sa lahat ang ako'y tanungin
kung bakit ang lansanga'y langit sa akin
kapag kasama ko sa paglakad
ang mga kartelon at bandila.
Pagkat pag ako'y tinanong ng gayon,
para akong tinatanong
kung bakit kailangang lumaban
kapag sinisiil,
kung bakit kailangang tumae
kapag natatae.
Datapwat ibig ko rin ang ako'y tanungin
kung bakit ang lansanga'y langit sa akin
kapag kasama ko sa paglakad
ang mga kartelon at bandila,
pagkat ibig kong ipaunawa
sa mga hindi makaunawa
ang kanilang kawalang-pang-unawa.

Saturday, June 22, 2002

Ang Kababaihan at ang Impeachment Trial


Itatanong pa ba natin kung masama ang turing sa kababaihan sa ating lipunan? Ang gumawa nito’y parang pagtatanong kung mabaho ang dumi ng pusa. Ang turing ng ating lipunan sa babae ay isang uri ng nilalang na duwag at mahina at hangal. Hindi pa nakatutulong ang mga patalastas at palabas na naglalarawan sa mga babae bilang mga gantimpala sa paggamit ng “tumpak” na produkto, dili kaya’y mga gulugod-dikyang hindi mabubuhay nang walang lalaki. Dagdag pa rito ang mga babaeng siyang pinakamalilimit na maging laman ng balita noong kasagsagan ng kapangyarihan ni Erap Estrada—sina Loi Estrada, Laarni Enriquez, Guia Gomez, Weng Lopez, at Joy Melendres—na kapalit ng saksakan ng gagarang mansiyon ay pumayag na maging mga laruan, mga mapagpipilian sa isang harem, dili kaya’y sa isang “aquarium” sa isang girlie bar.

Noong nililitis si Erap sa Senado, napag-usapan sa isang palabas sa telebisyon ang epekto ng pagpapalabas ng naturang paglilitis sa kababaihang Pilipino. Nagkaisa ang sikologong si Dr. Margie Holmes at ang lider-peminista at ngayo’y mambabatas na si Liza Maza sa pagsasabing ang pinakamalaking epekto ng impeachment trial sa kababaihang Pilipino ay ang pagpapakita sa kanila ng mga halimbawang taliwas sa nakagawian nang imahe ng kababaihan sa kulturang kinagisnan natin.

At siyang totoo! Bagama’t ang impeachment trial ay hindi nawalan ng mga Yolanda Ricaforte, Miriam Defensor-Santiago, at Nikki Coseteng, sa kalakha’y mapagmulat at mapagpalaya ang naging papel ng kababaihan sa naturang paglilitis.

Sino ba naman ang makalilimot kina Emma Lim at Menchu Itchon, na nagsiwalat ng kung paano nanginain ang dating Pangulo sa salaping isinupling ng gawaing iligal?

Sino ba naman ang makalilimot kina Shakira Yu, Edelquinn Nantes, Annie Ngo, Rosario Bautista, at Caridad Rodenas, na nagbunyag ng kung paano sinalaula ng pinatalsik na Pangulo ang sistema ng pagbabangko sa Pilipinas sa pamamagitan ng paglalagak ng nakaw na yaman sa ating mga bangko?

Sino ba naman ang makalilimot kay Clarissa Ocampo, na nagbunyag ng kung paano nagtago ang pinatalsik na Pangulo sa likod ng isang huwad na pangalan upang pagtakpan ang pag-iimbak ng nakaw na salapi sa kanilang bangko?

Sino ba naman ang makalilimot kay Atty. Jazmin Banal, na nagtakwil sa pagiging mukhang perang siyang kalakaran ng lipunan sa pamamagitan ng paglipat sa isang trabahong ang katumbas na sahod ay di sintaas ng sa kanyang pinanggalingang opisina matapos ang pirmahan ng mga kahina-hinalang dokumento?

Bilang isa sa mga pangunahing tagapaghatid ng mga ideya, ang pabatiran ay isa rin sa mga pangunahing tagapaghubog ng kultura. Kung ang ating pabatiran ay maghahanap at magtatampok ng mga babaeng tulad niyaong magigiting na babaeng testigo ng paglilitis kay Joseph Ejercito Estrada sa Senado, malaki ang ipagbabago ng pagtingin sa kababaihan sa ating lipunan.

Monday, June 17, 2002

Karapatang Pantao?

Nang ako'y bago pa lamang sa IBON Foundation, may isang araw na ako'y naglakad-lakad sa aming opisina habang tawa nang tawa. Pinagtitinginan na ako ng aking mga kaopisina at kulang na lang ay may magsabing nasisira na ang ulo ko, datapwat walang hinto ang aking pagtawa.

Bakit ako natawa? Nakakita ako ng isang libro sa aming aklatan tungkol sa karapatang pantao, at alam ba ninyo kung sino raw ang may-akda? Walang iba kundi ang yumaong dating Pangulong Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos.

Sunday, June 16, 2002

Kung Hindi Na Nagkukuyom

Kung hindi na nagkukuyom
ang mga kamay ko
sa tuwing may mga ugat
na nakarugtong
sa puso ng bayan
na pinipigtal
ng mga alagang uod
ng banyagang buwitre,
buong pusong iaalok ko
sa mga ahas at buwaya
ang mga kamay na ito,
at akin pang ikaliligaya
ang sila'y handugan
ng pagkaing nararapat sa kanila.
Sa Ikaisang Daan at Apat na Araw ng Kalayaan

Hindi pa ito ang panahon
ng pagdiriwang,
Inang Bayan.
Ang batas ng agilang kutyog
ay mariing tumatapak
sa sariling batas mo.
At ang tumatapak na sapatos
ay pinakikintab pa ng dila
ng mga Hudas na dugong-bughaw.
Lisanin ang piging,
Inang Bayan!
May huwad na bathala pang dapat
na gapiin,
may gintong tanikala pang dapat
na tunawin.

Hunyo 12, 2002
San Pedro, Laguna

Saturday, June 15, 2002

Experiment

Welcome to our blog! This is our experiment at creating a haven for our thoughts. This is where our thoughts shall run to whenever they could not resist the urge to shout themselves out, whenever keeping them to ourselves would mean annihilating our sanity.