Saturday, June 22, 2002

Ang Kababaihan at ang Impeachment Trial


Itatanong pa ba natin kung masama ang turing sa kababaihan sa ating lipunan? Ang gumawa nito’y parang pagtatanong kung mabaho ang dumi ng pusa. Ang turing ng ating lipunan sa babae ay isang uri ng nilalang na duwag at mahina at hangal. Hindi pa nakatutulong ang mga patalastas at palabas na naglalarawan sa mga babae bilang mga gantimpala sa paggamit ng “tumpak” na produkto, dili kaya’y mga gulugod-dikyang hindi mabubuhay nang walang lalaki. Dagdag pa rito ang mga babaeng siyang pinakamalilimit na maging laman ng balita noong kasagsagan ng kapangyarihan ni Erap Estrada—sina Loi Estrada, Laarni Enriquez, Guia Gomez, Weng Lopez, at Joy Melendres—na kapalit ng saksakan ng gagarang mansiyon ay pumayag na maging mga laruan, mga mapagpipilian sa isang harem, dili kaya’y sa isang “aquarium” sa isang girlie bar.

Noong nililitis si Erap sa Senado, napag-usapan sa isang palabas sa telebisyon ang epekto ng pagpapalabas ng naturang paglilitis sa kababaihang Pilipino. Nagkaisa ang sikologong si Dr. Margie Holmes at ang lider-peminista at ngayo’y mambabatas na si Liza Maza sa pagsasabing ang pinakamalaking epekto ng impeachment trial sa kababaihang Pilipino ay ang pagpapakita sa kanila ng mga halimbawang taliwas sa nakagawian nang imahe ng kababaihan sa kulturang kinagisnan natin.

At siyang totoo! Bagama’t ang impeachment trial ay hindi nawalan ng mga Yolanda Ricaforte, Miriam Defensor-Santiago, at Nikki Coseteng, sa kalakha’y mapagmulat at mapagpalaya ang naging papel ng kababaihan sa naturang paglilitis.

Sino ba naman ang makalilimot kina Emma Lim at Menchu Itchon, na nagsiwalat ng kung paano nanginain ang dating Pangulo sa salaping isinupling ng gawaing iligal?

Sino ba naman ang makalilimot kina Shakira Yu, Edelquinn Nantes, Annie Ngo, Rosario Bautista, at Caridad Rodenas, na nagbunyag ng kung paano sinalaula ng pinatalsik na Pangulo ang sistema ng pagbabangko sa Pilipinas sa pamamagitan ng paglalagak ng nakaw na yaman sa ating mga bangko?

Sino ba naman ang makalilimot kay Clarissa Ocampo, na nagbunyag ng kung paano nagtago ang pinatalsik na Pangulo sa likod ng isang huwad na pangalan upang pagtakpan ang pag-iimbak ng nakaw na salapi sa kanilang bangko?

Sino ba naman ang makalilimot kay Atty. Jazmin Banal, na nagtakwil sa pagiging mukhang perang siyang kalakaran ng lipunan sa pamamagitan ng paglipat sa isang trabahong ang katumbas na sahod ay di sintaas ng sa kanyang pinanggalingang opisina matapos ang pirmahan ng mga kahina-hinalang dokumento?

Bilang isa sa mga pangunahing tagapaghatid ng mga ideya, ang pabatiran ay isa rin sa mga pangunahing tagapaghubog ng kultura. Kung ang ating pabatiran ay maghahanap at magtatampok ng mga babaeng tulad niyaong magigiting na babaeng testigo ng paglilitis kay Joseph Ejercito Estrada sa Senado, malaki ang ipagbabago ng pagtingin sa kababaihan sa ating lipunan.

No comments: