Kaiba ang Maynila
May apat na taon akong naglabas-masok sa Maynila araw-araw dahil sa pag-aaral sa UST. Ngunit napupuntahan ko ring madalas ang ilan sa iba pang lunsod na kasama ng Maynila sa National Capital Region: Pasay, Quezon City, at Makati.
Sapat ang karanasang ito upang mapansin ang kaibhan ng Maynila sa mga ito.
Unang-unang mapapansin ang pangyayaring di hamak na mas masikip sa Maynila kaysa sa tatlong iba pang lunsod na nabanggit.
Dito pumapasok ang reputasyon ng Maynila bilang isang sentro ng kaunlaran sa bansa. Dahil ito ang ulong lunsod ng Pilipinas, inaakala ng maraming tagalalawigan na dito matatagpuan ang lalong magagandang oportunidad sa pagpapaalwan ng pangkabuhayang kalagayan. Bukod pa rito, marami sa pinakamahuhusay na pamantasan at dalubhasaan ng bansa ay nasa Maynila, kung kaya naman ito dinarayo ng mga nagnanasa ng magaling na edukasyon.
Kung kaya naman talagang dinarayo ang Maynila. Kaya't sa Maynila makikita ang mga bahay--at maging barung-barong--na pinalaki nang ibayo sa dating laki ng mga ito upang makatanggap ng mga mangungupahan. Iyon namang mga walang pang-upa ay nagtatayo ng sarili nilang mga "bahay" na yari sa tinatawag ni Gary Granada na "Pinagtagpi-tagping basurang/Pinatungan ng bato".
Ang mga kainan at pamilihan ng aklat ng Maynila ay di hamak ding mas marami kaysa sa mga nasa Makati, Pasay, at Quezon City. Sino ang hindi nakapansin sa nagkalat na karinderya sa Sampaloc at sa naglipanang maglalako ng fishball at kuwek-kuwek at samalamig sa Quiapo? Sino ang hindi nakapansin sa napakahabang book strip sa Recto--kung saan kahit libro yatang dumaan sa kamay ni Claro Mayo Recto ay mabibili?
Mahirap ang buhay sa Maynila. Marami roon ang nabibigo sa paghahanap ng magandang kapalarang hindi rin makita sa lalawigan. Kaya't napipilitan ang mga naroon na sila nang lumikha ng kanilang pagkakakitaan. Totoo ang sinabi ni Hogan na mas malikhain ang Manilenyo kaysa sa tagaibang lunsod. Iginigiit ng mga pagkakataon ang kanilang pagkakagayon.
Talagang kaiba ang Maynila.
Bahagyang nirebisang bersiyon ng isang komento sa Tekstong Bopis.
No comments:
Post a Comment