Tuesday, February 18, 2003

NAG-UUSAP SINA BUSH AT GLORIA


Ang Paanyaya ni Bush kay Gloria
Ni Dr. Bienvenido Lumbera

Halina sa Iraq,
Tayo ay magpasiklab
Ng gerang uutas
Sa mga teroristang de-balbas
Na, aba’y, nangahas mangahas
Lumaban sa banal na dahas
Ng Amerikang may dakilang misyong iligtas
Ang mundo sa tiyak na pagkapahamak.

Halina, ikaw ay itatakas
Sa mga problema mong di malutas-lutas –
Ekonomiyang butas-butas,
Politikang waldas-waldas,
Lumulobong utang panlabas,
Lipunang winasak-wasak
Ng kriminal, kurakot at kulimbat,
Bayan mong walang hinaharap.
Halina, masdan ang iyong bukas –
Dagdag na pautang, pinaglumaang armas
Ipamamanang lahat-lahat,
Tiyak na ang pagkautas
Ng NPA, MILF, Abu Sayyaf.
Bayan mong di makausad-usad
Hihilahin tungo sa pag-unlad,
IMF-World Bank ang hahawak
Sa yaman ng mina mo’t gubat,
Sa biyaya ng bukid mo’t dagat.

Halina sa Baghdad,
Kay ganda, ang siyudad, nagliliyab!
Sa lahat ng dako ng estadong malawak
Dumadagsa ang aking hukbo ng sindak
Sinusuyod ang bundok at gubat,
Kapatagan at dagat.
Mga pangil ng apoy nginangatngat
Ang langit na lumiliyab!
Hayun, ang lupai’y nagbibitak-bitak
Mga gusali’y nadudurog, bumabagsak,
At sa lahat ng dako bangkay ay nagkalat,
Bata matanda babae lalaki bading lesbyana
Terorista silang lahat!
At sa disyerto ng Iraq,
Ang sarap!
Langis na dumaranak,
Itim na gintong naglalandas,
Tubo na sa Wall Street tumatambak.
Halina sa Iraq!

(Bulatlat.com, Pebrero 16-22, 2003)


Sagot ni Gloria sa Paanyaya ni Bush
Ni Alexander Martin Remollino

Ay, oo, Panginoong Dubya,
sa iyo, ako ay sasama.
Sa Iraq, tayo ay pupunta.
Sasamahan kita
saanmang impiyerno ka
magnasang pumunta.

Maanong sila’y magparatang
na ika’y isang bulaan?
Basta’t iyong tinuran
ay dapat paniwalaan,
pagkat salita mo lamang
ang siyang katotohanan.

Sabihin na nilang wala kang katibayan
na si Saddam
ay may mga sandatang
dulot ay lubhang kapinsalaan.
Pag ang may sabi’y ikaw,
katibaya’y aking masisilayan.
Nasaan?
Dili iba’t salita mo lamang.

Kaya’t o, Panginoong Dubya,
sa Baghdad, tayo’y magpunta.
Hukbo kong di makaporma
sa bandidong mas kaunti pa
sa bala
ng kaunti ring baril nila—
na pinaglumaan mo na—
ay aking isasama
at makikidigma sila
sa taga-Iraq na terorista!

No comments: