Sunday, March 16, 2003

Kulturang Konyo

Kangi-kangina lamang ay nabasa ko sa website ng aking kabarkada sa Tinig.com na si Ederic ang tungkol sa kanyang engkuwentro sa dalawang konyo noong isang araw.

Matapos daw na kanyang pagbigyan ang sarili sa pamamagitan ng pagkain sa paborito niyang restawran na Pancake House, umakyat siya sa G4 (noo'y nasa Glorietta siya) upang tingnan ang bagong isyu ng Tinig.com at pati na ang kanyang e-mail.

Pamaya-maya'y tumunog ang cellphone ng isang babae sa may likuran niya. Sinagot nito ang tawag at ito'y nangusap nang malakas. Ilang saglit pa'y lumipat yaong babae at nakipag-usap sa isang lalaki, at malakas pa rin ang usapan nila; walang pakialam ang dalawa kahit na sila'y pinagtitinginan ng mga iba pang nasa computer shop.

Naalaala ko ang aking karanasan sa dalawa ring konyo kamakailan, nang aking masayang pinakikinabangan ang mga serbisyo ng isa sa mga paborito kong bilihan ng libro, ang Popular Bookstore.

Kapapasok pa lamang ng dalawang maputing babae sa bilihan ng libro ay bigla silang nagsatsatan nang napakalakas sa "wikang" Taglish. Kung hindi ako nagkamaling mapatingin sa kanila nang sila'y pumasok (noo'y may hinihintay ako kaya't pasulyap-sulyap ako sa pintuan), aakalain kong dalawang Kris Aquino ang nagsasalita.

Pamaya-maya'y napansin kong may kausap sa cellphone yaong halatang higit na nakatatanda. Higit na malakas ang kanyang bibig sa pagkakataong ito.

Pinilit kong magpatuloy sa pagbabasa. Pinilit kong huwag pansinin ang maiingay sapagkat kung papansinin ko sila'y makakamit nila sa akin ang maliwanag pa sa sikat ng araw na pakay nila sa aming lahat na nasa Popular Bookstore, magmula sa kahera hanggang sa guwardiya--ang magpapansin. Datapwat nanginginig ang kamay ko. Naririndi ako sa kanila, at ang makapal na librong tungkol sa kasaysayan na noo'y binabasa ko ay kaunti ko nang maihampas sa kanilang mga pagmumukha.

Hindi iyon ang kauna-unahan kong engkuwentro sa mga konyo. Sa kalahati ng aking buhay sa haiskul at sa malaki ring bahagi ng buhay ko sa kolehiyo ay kasama ko sa silid-aralan araw-araw ang santambak na akala mo'y kung sinong nangasa mga bituin dahil lamang sa sila'y naka-Swatch o naka-YSL.

Kaylalakas nilang magsalita sa kanilang kontaminadong wika. Kaygagaling nilang ipagpasiklab ang kanilang mamahaling mga damit. Sabik na sabik silang ipakita ang kanilang kaibhan sa "baduy" na masa.

Ang lohika ng kulturang konyo ay ang panlalait sa sinumang hindi makaabot ng mga pribilehiyong sila lamang ang nakabibili. Sa ganitong lohika, ang halaga ng tao ay nasa dami ng kanyang salapi--maano kung ito'y galing sa pambabarat sa sahod ng mga manggagawa o sa pangangamkam sa lupa ng magsasaka, o sa pandarambong sa gobyerno!--at wala sa katinuan o kagaguhan ng kanyang pamumuhay.

No comments: