Tsubibo ng Kano
Ang tsubibo ay paikut-ikot, kaya't ang nakasakay rito ay pabalik-balik sa kanyang pinanggalingan, at matapos ang ilang sandali'y walang kinahihinatnan kundi ang kanya ring pinanggalingan.
Ganito rin ang digmaang agresyon ng Estados Unidos. Paulit-ulit ito—laging kung anong dakilang layon ang idinadahilan sa pagsasagawa nito, ngunit wala itong kinauuwian kundi ang pagkawala ng mga kalayaan ng mga bayan at pagyurak sa mga dangal ng mga walang salang mamamayan saanman magnasang manalasa ang dambuhalang limbas.
Kaya naman pinamagatang American Tsubibo ang isang palatuntunang inorganisa nitong Marso 5 ng College Editors Guild of the Philippines at Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan (Karatula) sa pakikipagtulungan ng iba't ibang mga alagad ng musika, panitikan, at pabatirang madla.
Ang naging tema ng palatuntunang ito ay paggunita sa dekada 1970. Sa naturang dekada naganap ang kainitan ng mga pagtutol sa digmaang agresyon ng Estados Unidos laban sa Biyetnam, na noo'y nakikibaka sa mga alagad ng pasistang rehimeng Ngo Dinh Diem.
Ang diwa naman ng naging palatuntunan sa Mayric's España nitong Marso 5 ay paggunita sa Digmaang Biyetnam bilang pagtutol sa nagbabantang digmaan sa Iraq.
Umalingawngaw nang gabing iyon sa Mayric's España ang mga kanta ni Bob Marley, isa sa mga musikerong nakilala sa pakikibaka alang-alang sa kalayaan at karapatang pantao noong dekada 1970. Subalit bukod sa kanyang mga kanta, ang mga orihinal na kantang tumatalunton din naman sa diwa ni Bob Marley ay ipinarinig ng mga musikerong nagsipagtanghal doon.
Sari-saring grupo at banda mula sa iba't ibang pamantasan tulad ng Unibersidad ng Pilipinas, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Unibersidad ng Santo Tomas, at iba pa ang nagsitugtog doon. Naroon ang grupong Alay Sining at mga bandang Pula, Bersus, Lady Bedspacers, Kantula, at iba pang kabataang banda. May sarili ring pagtatanghal ang Karatula.
Datapwat di lang mga banda ang naroon.
Nagbigkas din ng tula ang iba't ibang manunulat, kabilang ang bantog na si Richard Gappi, na mula pa sa panahon ng kanyang pag-aaral sa Unibersidad ng Plipinas magpahanggang ngayon ay isang masigasig na aktibista.
Ang Southern Tagalog Exposure, isang kooperatibang nagsusulong ng pagpapalaganap ng alternatibong pabatiran sa Timog Katagalugan, ay nagtanghal ng isang dokumentaryo tungkol sa paulit-ulit na mga kabulastugan ng Estados Unidos mula nang sakupin nito ang Pilipinas, Cuba, at Puerto Rico noong mga huling bahagi ng ika-19 dantaon—pati ang mga kaakibat na iba pang paglabag sa karapatang pantao ng mga ito. Maliwanag na naipakita ng naturang dokumentaryo, Ang Kaaway, na ang mga pananakop ng Estados Unidos sa nakalipas na mahigit sa isang daang taon ay di dala ng diumano'y marubdob na nasang ipagtanggol ang demokrasya kundi dulot ng hangaring pagharian ang kabuhayan ng buong daigdig.
Ang mga artista sa mainstream kadalasa'y hindi magbabahagi ng kanilang mga talento kundi babayaran ng halagang katumbas ng sahod ng isang manggagawa sa sampung buwan ang pagtatanghal sa isang gabi.
Ibahin ninyo ang mga kabataang artistang naging bahagi ng American Tsubibo nitong Marso 5. Alam nilang ang paninindigan alang-alang sa makatarungang kapayapaan ay di dapat ipagbili.
Unang nalathala sa Tinig.com noong Pebrero 16-Marso 15, 2003 sa ilalim ng ngalang sagisag na Aurelio Flores. Napilitan ang may-akdang gumamit ng ngalang sagisag sapagkat saksakan na ng dami ang naipasa niyang akda sa partikular na isyung iyon ng nasabing publikasyon.
No comments:
Post a Comment