Friday, April 25, 2003

ANG PILIPINONG MANUNULAT AT ANG KANYANG LIPUNAN

Sa mga talakayang pampanitikan sa mga silid-aralan, lagi’t laging lumilitaw ang tanong na kung ano nga ba ang tungkulin ng manunulat. Ang manunulat ba’y walang tungkulin liban sa magluwal ng mahuhusay na akdang pampanitikan?

Sa isang sanaysay na sinulat sa Freshman Review ng Ateneo de Manila University noong 1967, nang siya’y 18 taong gulang pa lamang, winika ng yumaong Eman Lacaba sa Ingles ang ganito: “Ang tungkulin ng sinumang manunulat sa daigdig ay ang magsulat nang makatotohanan at masaklaw tungkol sa mundong kanyang ginagalawan, sa mundong kanyang nagugunita at patuloy na nakikilala, sa mundong kanyang nararanasan.”

At siyang totoo! Ang akdang pampanitikan—tula man, dula, nobela, kuwento, o sanaysay—ay nakapaghuhubog ng paraan ng pagtingin ng tao sa mundo.

Ang mga tao naman ay kumikilos nang ayon sa kanilang pagkakakilala sa mundo. Kung mali ang kanyang pagkakakilala sa daigdig, ang kanyang magiging pagkilos ay lagi nang hindi magiging akma sa itinatakda o hinihingi ng katotohanan. Nakapagpapahamak ang ganitong uring pagkilos.

Sa malaking bahagi ng kasaysayan at maging sa kasalukuyan, laganap ang mga hindi matwid na pagtingin sa mundo. May mga pagkakataon namang ang tumpak na pagtingin sa mundo ay lumalaganap ngunit nalilimutan pagkatapos.

Kung ang manunulat ay walang mababago sa pagtingin ng kanyang mga mambabasa sa mundo, walang magiging kaibhan sa mundo sumulat man siya o hindi, at magiging higit pang mabuti kung hindi na lamang siya sumulat, sapagkat hindi niya sinayang ang kanyang oras sa walang saysay na pagsulat at hindi na rin niya inaksaya ang oras ng mambabasa sa pamamagitan ng paghikayat sa kanyang basahin ang isang akdang walang iniaambag sa kanyang kamalayan.

Kung kaya’t tumpak ang sinabi ni Eman Lacaba hinggil sa tungkulin ng manunulat. Ang tungkulin ng manunulat ay hustong maibilad ang katotohanan upang matutunan ng mambabasa ang tumpak na pagkilos batay rito. Sabihin pa, ang estetikong kahusayan ay nakatutulong sa lalong pagpapatingkad sa katotohanang nais na ibilad.

Tungkuling Panlipunan

Ngunit ang katotohanan ay hindi isang payak na organismo. May iba’t iba itong dimensiyon.

Ang pag-ibig ay siyang pinakamalimit nating makitang pinapaksa ng panitikan. Kundi man pag-ibig, karaniwan din namang paksain ng panitikan ang pagkakaibigan, dili kaya’y ang pamilya. Makikita ang mga paksang ito sa mga akda ng mga Valeriano Hernandez Peña, Ildefonso Santos, at Ophelia Alcantara-Dimalanta.

Mayroon din namang mga akdang pampanitikang tumatalakay sa mga abstraktong usaping pilosopiko. Makikita ang ganitong diskurso sa mga akda ng mga Nick Joaquin, Francisco Arcellana, Bienvenido Santos, at Gloria Villaraza Guzman.

Lahat nama ng mga ito’y bahagi ng katotohanan hinggil sa buhay ng tao, kung kaya’t bilang mga paksang pampanitikan ay lehitimo ang mga ito.

Ngunit ang tao’y bahagi rin ng lipunan, kung kaya’t bahagi ng katotohanan hinggil sa kangyang buhay ang epekto ng lipunan sa kanya at ang epekto niya sa lipunan. Ang manunulat ay maaaring sumulat hinggil sa pag-ibig, sa pagkakaibigan, sa pamilya, o sa mga abstraktong usaping pilosopiko, ngunit hindi lang ang tungkol sa mga iyan ang dapat niyang sulatin—kailangan din niyang sumulat ng mga akdang may pakikisangkot sa lipunan.

Ang tungkuling panlipunan ng manunulat ay ang maliwanag na magsulat tungkol sa lipunan upang udyukan ang mambabasang kumilos tungo sa ikapagiging maayos nito.

Ang mga sinulat nina Marcelo del Pilar, Graciano Lopez Jaena, at Jose Rizal ay nagbigay ng direksiyon sa naging kampanya ukol sa mga repormang pampulitika noong panahon ng pananakop ng Espanya. Nang biguin ng Espanya ang kampanyang repormista, ang mga akda nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ay nakapag-ambag sa pagpaparami ng kasapi at kaalyado ng rebolusyonaryong Katipunan.

Sa panahon ng mga mananakop na Amerikano, ang mga akda nina Apolinario Mabini, Isabelo delos Reyes, Antonio Luna, Aurelio Tolentino, Juan Matapang Cruz, Juan Abad, Severino Reyes, Iñigo Ed. Regalado, Faustino Aguilar, Ismael Amado, Cecilio Apostol, Jose Corazon de Jesus, Emilio Mar. Antonio, Salvador Lopez, Manuel Arguilla, Arturo Rotor, at Carlos Bulosan ay naging inspirasyon ng mga mamamayang nagsulong ng pakikitalad sa kabataan pa noong imperyalismo ng Estados Unidos. Sa panahon naman ng pananakop ng Hapon, ang mga Lorenzo Tañada, Rafael Roces, at Hernando Abaya ng pahayagang lihim na Free Philippines ay magbibigay ng inspirasyon at mahalagang impormasyon sa mga gerilya.

Sa pagtatapos naman ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga tulad nina Teodoro Agoncillo, Jose Lansang, at Indalecio Soliongco ay mag-aambag sa pagsulong ng makabansang krusada ni Claro Mayo Recto, na sa mga susunod na dekada ay pamumunuan naman nina Lorenzo Tañada at Jose Wright Diokno, at ngayo'y ipinagpapatuloy ni Teofisto Guingona, Jr. Si Recto mismo'y magbibigay ng mga sanaysay sa mga pahayagan bilang bahagi ng kanyang makabansang krusada.

Sa mga susunod na dekada, ang mga Alberto Florentino, Antonio Zumel, Satur Ocampo, Jose Maria Sison, Amadis Ma. Guerrero, Bobbie Malay, Rolando Tinio, Chino Roces, Ave Perez Jacob, Rogelio Ordoñez, Rogelio Sicat, Dominador Mirasol, Efren Reyes Abueg, Edgardo Reyes, Domingo Landicho, Levy Balgos de la Cruz, Lualhati Bautista, Jun Cruz Reyes, Ricardo Lee, Jose at Eman Lacaba, Marra Lanot, Ninotchka Rosca, Luis Teodoro, Wilfredo Virtusio, Bien Lumbera, Doreen Fernandez, E. San Juan, Jr., Jess at Lilia Santiago, Heber Bartolome, Joey Ayala, Lamberto Antonio, Edgar Maranan, Rogelio Mangahas, Teo Antonio, Maria Lorena Barros, Liliosa Hilao, Ditto Sarmiento, Roland Simbulan, at Gelacio Guillermo ay maghuhubog ng makalipunang kamalayang hahantong at magpapatatag sa mahabang pakikibakang nagpabagsak sa pasistang rehimen ni Ferdinand Marcos at magiging inspirasyon ng patuloy na pagsisikap ng iba’t ibang sektor ng sambayanan tungo sa pagtatatag ng isang matwid na lipunan.

Tatlong manunulat ng pakikisangkot ang matatangi sa mahabang panahong sinaklaw ng kanilang mga panulat: sina Amado Hernandez, Renato Constantino, at Armando Malay. Sila’y pawang nabuhay sa ilalim ng pananakop ng mga Amerikano at Hapones. Lahat sila'y tumulong sa makabansang krusada ni Recto. Inabot ni Hernandez ang mga unang pagbabanta ng batas militar sa ilalim ng rehimeng Marcos, ngunit yumao siya noong Marso 1970. Sina Constantino at Malay ay pawang makaaabot sa dekada 1990. Buhay pa ngunit nagretiro na sa pagsusulat si Malay, samantalang pumanaw naman si Constantino noong 1999.

Sa pagtahak nila sa landas ng pakikisangkot, ang mga manunulat na nabanggit ay nakapag-ambag sa mga kampanya alang-alang sa kalayaan at demokrasya.

Katotohanan sa Lipunang Pilipino

Anu-ano naman ang mga katotohanang dapat na paksain ng Pilipinong manunulat hinggil sa lipunang kanyang ginagalawan? Tumpak ang tinuran ni Jose Wright Diokno sa isang talumpati noong 1983 na ang mga suliranin ng kapanahunan ni Rizal ay siya pa ring mga suliranin sa kasalukuyan, bagama’t may mga pagbabago sa anyo ng mga ito.

Kung noong kapanahunan ni Rizal ay tahasang sakop ng mga Kastila ang Pilipinas, ngayon naman ay nadarama natin ang nagkukubling paghahari ng Estados Unidos sa ating bayan. Masasabing kamay pa rin ni Tiyo Samuel ang nagpapatakbo sa ating bayan bagama’t hindi na bawal ang pagwawagayway ng pambansang kulay at ang pag-awit ng antemang pambansa.

Ang ekonomiya natin ay dominado ng mga transnasyunal na korporasyon ng Estados Unidos. Dahil sa lubhang lamang ng mga ito sa larangan ng teknolohiya, nalalamon nito ang mga katutubong empresang nagtatangkang bumuo ng mga pambansang industriya. Lagi na tuloy tayong napipilitang umasa sa pag-aangkat na mga produkto, bagay na sumisipsip nang sumisipsip sa ating pambansang kapital. Dahil dito, nananatili tayong isang atrasadong ekonomiyang lagi’t laging nangangailangang mangutang.

Upang mapangalagaan ang ganitong malaking pang-ekonomiyang interes, iniimpluwensiyahan ng Estados Unidos ang ating pulitika at kultura sa iba’t ibang kaparaanan, tulad ng mga “kasunduan” at “palitan."

Laganap din sa ating bansa ang kawalan ng katarungang panlipunan. Ang mga manggagawa at magsasakang siyang nakararami sa ating lipunan ay hindi nakikinabang sa mga bunga ng kanilang mga pagsisikap dahil sa kaliitan ng sahod, kawalan ng mga karampatang benepisyo, at pangangamkam ng lupa. Hindi tuloy nila nakakamit ang lahat ng pangangailan upang makapamuhay sila nang maayos.

Talamak ang diskriminasyong pangkasarian, pangkultura, at panrelihiyon. Ang mga biktima ng mga ito ay ang kababaihan, ang mga hindi Katoliko (lalo na ang mga Muslim), at yaong tinatawag na mga katutubong mamamayan tulad ng mga Badjao, Ilongot, Igorot, at Dumagat—mga tribong nakapagpapanatili ng kanilang katutubong kultura.

Ang ating pamahalaan ay tiwali at mapanlabag sa karapatang pantao.

Ito ang mga katotohanang dapat na ilarawan nang maliwanag ng Pilipinong manunulat, magmula pa noong panahon nina Recto. Kailangan niyang isiwalat ang mga katotohanang ito upang ang sambayanang Pilipino’y mahikayat na patuloy na kumilos tungo sa ikapagtatatag ng isang ganap na malaya at tunay na makatarungang lipunan.