Sunday, August 28, 2005

ANG MGA SAGOT AY NASA MGA BULSANG UMAAPAW SA ITIM NA GINTO

Noong Agosto 6, 2005, si Cindy Sheehan ay nagpasimuno ng isang vigil sa labas lamang ng rantso ng George W. Bush, Pangulo ng Estados Unidos, sa Crawford, Texas upang hinging ito'y makipagkita sa kanya at ipaliwanag kung bakit ang digmaang pumatay sa kanyang anak sa Iraq ay sinimulan at nagpapatuloy pa rin.

Walang tunay na tugong ihahatid
ang may-ari ng rantso.
Kung magsasalita man siya,
ang kanyang mga sagot ay walang ipag-iiba
sa pag-unga ng kanyang mga baka.

Malamang ay muli niyang sasabihin
na ginagawa ng mga itlog na bakal
ng kanyang mga ibong mandaragit
sa lupa ni Abraham
ang ginawa ng mga kampon ni Herodes sa Israel
tatlong araw pagkasilang ni Kristo
sapagkat kailangang itaboy mula roon
ang mga demonyo.

Ngunit makikita mo ang kasagutan
sa nagtatabaang bulsa ng mga tagapagtambol
ng digmaang ito.
Dumanak ang dugo ng iyong anak sa Iraq,
Cindy Sheehan,
sa ngalan ng isang digmaang nagbubuhos
ng itim na ginto
sa kanilang mga lukbutan.

No comments: