Wednesday, September 13, 2006

KUNG ANO ANG KATUTURAN NG KAGITINGAN
Alexander Martin Remollino

Dati nang nasabitan ng Medalya ng Kagitingan
si Jovito Palparan, Jr.
Hindi raw magiging heneral si Palparan
kung hindi isang "tunay na lalaki,"
ayon sa dating heneral na si Eduardo Ermita --
na ang pagpapakahulugan sa pagiging isang "tunay na lalaki"
ay pagiging isang huwaran ng katapangan.

Ano ang katuturan ng kagitingan?

Itanong natin sa mga paslit na Tausug
na pinagpapatay ng mga sundalo sa Sulu
upang, diumano,
huwag nang makasapi pa sa "rebeldeng" mga Moro.
Itanong natin kay Marcelo Fakila,
ulama sa isang baryo sa Sagada --
dinukot at pinahirapan ng mga sundalo.
Itanong natin sa lilimahing taong gulang na batang
pinaslang sa Laguna;
at kay Niña Angela Apolinar,
walong taong gulang,
na ginapos sa mga kamay
bago kinitlan ng buhay sa Oriental Mindoro.
Itanong natin kay Marvin Montabon,
binaril at sinilaban isang madaling-araw
sa sariling tahanan.
Itanong natin kina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan:
sinugod sa dampang tinuluyan habang natutulog,
binati sa paggising ng nakatutok na mga baril,
piniringan -- at sariling kamisetang hinubad kay Karen
ang ipinampiring sa kanya --
binitbit at hindi ilitaw ng mga sundalo.

Itanong natin sa mga Expedito at Manuela Albarillo,
sa mga Choy Napoles, Eden Marcellana, Eddie Gumanoy,
Felidito Dacut, Edison Lapuz, at Orlando Rivera --
mga walang sandata, pawang pinagbabaril hanggang mamatay.

Sila ang makapagsasabi
kung kagitingan nga bang maituturing
ang manakit ng mga di-makalaban,
ang pumatay ng mga di-makapagtanggol ng sariling buhay
laban sa mga baril.

No comments: