SA PILIPINAS LANG YATA
Alexander Martin Remollino
Dito lang yata sa Pilipinas maaaring mangyaring kapag ang isang mamamayan ng bansa ay ginahasa ng ilang sundalong Amerikano ay ang mga opisyal pa ng pamahalaan ang kauna-unahang magbubuhos ng asin sa kanyang sugat.
Nakita natin ito sa kaso ng dalagang tinatawag ngayon ng “Nicole,” na ginahasa ng ilang sundalong Amerikano noong Nobyembre 1, 2005 sa Subic, Zambales. Sa usaping ito’y walang kahiya-hiyang ipinamalas ng matataas na opisyal ng ating pamahalaan ang pagiging “gulugod-dikya,” sa wika nga ng manunulat na si Rogelio L. OrdoƱez, sa harap ni Tiyo Samuel.
Mula nang pumutok ang balita hinggil sa panggagahasa kay “Nicole” walang isang linggo matapos ang insidente hanggang sa mga araw na ito, wala tayong naririnig na anuman mula sa Pangulong Arroyo hinggil sa bagay na ito.
Kahit sa Hapon, na bagama’t nakalaban ng Estados Unidos noong Ikalawang Digmaang Daigdig ay napakalaki ng ipinakinabang sa Marshall Plan — na ang ibinunga’y ang pagiging higante ngayon ng mga korporasyong Hapones sa pandaigdigang ekonomiya, ilang dekada matapos na malumpo ang kanyang ekonomiya — ay hindi nangyayari ang ganitong mga kasalarinan nang walang naririnig na matitinding pananalita mula sa punong ministro, kundi man sa mismong emperador.
Ang nagsalita para sa Pangulong Arroyo hinggil sa usaping ito ay si Sekretaryo Ignacio Bunye, tambulero ng MalacaƱang, na ang sabi’y “huwag gawing pulitikal” ang naturang pangyayari. Ito lamang ang sinabi ni Bunye — na nanguna pa naman sa klase nang magtapos sa Muntinlupa High School maraming taon na ang nakalilipas — hinggil sa isyung ito, at wala nang iba pa.
Ni kapirasong dura man lamang na magtatangkang ipaliwanag kung paano hindi magiging pulitikal ang isang kaganapang nakukulayan ng di-patas na ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos ay wala tayong narinig mula sa mahusay na kalihim sa pakikipag-ugnayan sa pabatirang-madla.
Kung ano ang katahimikan ng Pangulong Arroyo hinggil sa pangyayaring ito ay gayundin ang katahimikan tungkol dito ng noo’y pinuno ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na si Hen. Generoso Senga, at ng ngayo’y namumuno ritong si Hen. Hermogenes Esperon — na kayhusay pa namang magmalaking naging “aktibista” siya bago pumasok sa militar. Gayundin ang naging pananahimik ukol dito ni dating Sekretaryo Avelino Cruz ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa.
Si Sekretaryo Raul Gonzalez ang salita nang salita kaugnay nito, ngunit sa bawat buka ng kanyang bibig at ito ang napag-uusapan ay wala naman tayong marinig kundi ang tunog ng bunganga ng isang abugado para sa Estados Unidos.
Noon pa mang una’y pakawala na nang pakawala si Gonzalez ng mga pahayag na nagpapahiwatig na hindi siya naniniwalang ginahasa nga si “Nicole.” Ito’y kahit may malakas na ebidensiyang nagpapatunay na siya nga’y ginahasa.
Nang sina Carpentier, Silkwood, at Duplantis ay maisakdal bilang mga pangunahing akusado kasama ni Smith, nagwika pa itong kagalang-galang na Sekretaryo Gonzalez na dapat sana’y higit na mababa ang sakdal sa tatlo, subalit siya raw ay yumukod upang “papayapain ang nagwawalang madla” — kahit pa may sapat na batayang ligal upang ituring silang pangunahin ding akusado.
Samantala, niluwagan nang husto ng pangkat ng mga tagausig na itinalaga ng gobyerno — sa pamumuno ni Senior State Prosecutor Emilie de los Santos at, ayon sa ina ni “Nicole” at sa kanilang pribadong abugadang si Evalyn Ursua, liban kay State Prosecutor Hazel Valdez — ang pagtatanong sa mga nasasakdal na sina Lance Cpl. Daniel Smith, S/Sgt. Chad Carpentier, Lance Cpl. Keith Silkwood, at Lance Cpl. Dominic Duplantis. Dahil dito, nahirapan ang kampo ni “Nicole” na basagin ang palusot ng depensa na si “Nicole” diumano’y kusang nagpagalaw kina Smith.
Nang sa isang bahagi ng paglilitis ay waring nakalamang sina Smith, muli sanang isasalang si “Nicole” upang makapagharap ng rebuttal evidence, ngunit ang hakbang na ito’y kinansela ni De los Santos, ayon kay Valdez. Sa magiting na pagbubunyag na ito, gantimpala ni Gonzalez kay Valdez ang pagtatanggal sa kanya mula sa lupon ng mga tagausig.
Dapat silang mahiya roon sa gobernador ng Okinawa na noong dekada 1990, nang gahasain doon ng isang sundalong Amerikano ang isang lalabindalawahing taong gulang na babae, ay nanguna pa sa pananawagan ng mga higanteng kilos-protesta.
Tunay na isang malaking kahihiyan sa ganang atin ang tayo’y madaig ng Hapon sa ganitong mga bagay. Bagama’t matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig — kung saan napilay ang kanyang ekonomiya — ay malaki ang ipinakinabang niya sa ayuda ng Estados Unidos, hindi pa rin siya nangiming panindigan ang dapat panindigan.
Malayo roon ang Pilipinas. Kayrami nating kababayang nagbuhos ng dugo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig alang-alang sa “alyansang Pilipino-Amerikano” at ngayon, ilang dekada na ang nakararaan matapos ang giyera, ay wala tayong nakikita ni anino ng kagaya ng Marshall Plan, at sa halip ay natali pa nga tayo sa isang bungkos ng mga kasunduang hindi makatarungan. Sa kabila nito, ang ating pamahalaan ay pangunahing pandaigdigang tanghalan ng pamamanginoon kay Tiyo Samuel — sa ngalan ng isang katawa-tawang “natatanging ugnayan.”
Dito lang yata sa Pilipinas maaaring masaksihan ang ganitong antas ng pangangayupapa ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga dayuhan at lalo na’y sa mga Amerikano.
No comments:
Post a Comment