Thursday, April 12, 2007

SAPAGKAT NASA GAYONG PAGHIHINTAY ANG PAG-ASA NILA'T KINABUKASAN
Alexander Martin Remollino

Mapalad ang mga nangangailangan
sapagkat ang kanilang pag-asa't kinabukasan
ay nasa paghihintay lamang ng suwerte sa tuwi-tuwina.
Kailangan lamang nilang mag-antay na irehistro ng mga bola
ang numero ng kanilang tiket,
o maambunan sila ng mga proyektong pangkawanggawa
ng gobyernong walang pakialam
kung mabutasan nang kasinlalaki ng kamao
ang mga bituka ng mga mamamayan.

Ito lamang ang kanilang dapat na gawin.
Di na kailangang putlin pa nila
ang mga ugat ng kanilang pangangailangan.
Kailangan lamang nilang maghintay ng suwerte
sa tuwi-tuwina
sapagkat nasa gayong paghihintay
ang kanilang pag-asa't kinabukasan.

Mapalad ang mga nangangailangan.

The Makata, April 2007

No comments: