Friday, December 07, 2007

HINDI KAILANMAN
Alexander Martin Remollino

Sa alaala ni Rene O. Villanueva, 1954-2007


Sa dakong huli, naubusan din ng tinta
ang panulat na tila hindi kailanman mauubusan.
Kayhirap isiping yumao na siya:
paano mamamatay
ang panulat na isang buong panitikan yata
ang naiakda?

Marahil,
hindi niya hahangaring ipagpatayo siya ng monumento.
Ang hindi niya alam ay may monumento na siya,
buhay pa man siya, at ito'y ang katotohanang
napalapit man siya sa mga "nakasuso sa bulok na sistema"

ay manunulat siyang hindi nagbili ng kaluluwa,

hindi kailanman.

No comments: