MGA SALIN SA INGLES NG ILANG TULA NI AXEL PINPIN
Alexander Martin Remollino
Matagal na mula nang maimungkahi sa amin ng kaibigan naming si Axel Pinpin na maisalin namin sa Ingles ang ilang tula niya, lalo na ang mga nasulat sa bilangguan. Ngunit nito lamang naituloy, sa panig namin, ang pagsasagawa sa naturang mungkahi.
Narito ang isang munting koleksiyon ng mga salin ng ilan sa kanyang mga tula. Ang paglalabas nito sa Internet ay nagsisilbi ring ambag namin sa komemorasyon ng International Human Rights Day (Disyembre 10) sa taong ito.
Bago mabilanggo at mahabla sa diumano'y salang rebelyon, nagkapangalan na rin naman si Axel sa larangan ng pagtula. Naging fellow siya para sa tula ng UP National Writers' Workshop noong 1999; at nakapaglabas na rin ng isang libro ng mga tula, ang Tugmaang Walang Tugma.
Habang nagsusulat, aktibo rin si Axel sa aktibismo bilang isang mananaliksik at konsultant para sa Kalipunan ng mga Magsasaka sa Kabite (Kamagsasaka-Ka). Sa ganitong kapasidad ay naging masikhay siya sa mga kampanya laban sa imperyalistang globalisasyon at para sa tunay na repormang agraryo.
Noong Abril 28, 2006 ay dinukot siya ng mga pulis at militar -- kasama ng mga aktibista ring sina Riel Custodio at Aristedes Sarmiento, ng dating seaman na si Rico YbaƱez, at ng kristo sa sabungan na si Michael Masayes -- sa Tagaytay City. Silang lima'y patungo sa Maynila para sa paglahok nina Axel, Riel at Aris sa rali ng Mayo 1: napakiusapang magmaneho para sa kanila si Rico, na sinamahan naman ng kapitbahay nitong si Michael.
Ilang araw silang hindi malaman kung nasaan at pinaghanap nang husto ng mga kamag-anak at kasamahan at kaibigan. Di nagtagal ay napilitan ang Philippine National Police (PNP) na ilitaw sila't iharap sa midya -- bilang mga "rebeldeng komunista." Ang paratang sa kanila: sila raw ang nag-ayos ng kanlungan ni 1Lt. Lawrence San Juan, pinuno ng rebeldeng Makabayang Kawal Pilipino, sa Padre Burgos, Batangas at sila raw ang nag-ugnay sa kanya sa pamunuan ng Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA).
Bago mahuli ang lima, abala sina Axel at Riel sa kampanya para ipagtanggol ang mga magsasaka sa Cabangaan, Cavite na inaagawan ng lupa ng mga Revilla.
Mahigit nang isang taon ngayong nakakulong ang tinatawag nang Tagaytay 5 sa Camp Vicente Lim sa Calamba City, Laguna.
Marami-rami na ang tulang nasulat doon ni Axel, at sa koleksiyong ito -- na ang disenyo'y kagagawan ni Jason Valenzuela -- ay nilalaman ang mga salin sa Ingles ng ilan sa mga iyon.
Ilan kaming nagsalin ng mga tula -- bukod sa akin, "idinamay" ko ang aking kapatid na si Aris (Carlo Aristotle, hindi Aristedes); samantalang dumating naman sa akin ang ilang salin mula kina Gang Badoy at Melflorence Aguilar. Si Axel mismo'y may salin ng tula niyang isinalin ni Gang, at ang dalawang salin ay isinama sa koleksiyong ito.
Ang mga tula sa partikular na koleksiyong ito ay naglalarawan ng buhay sa bilangguan.
Download: verses.pdf
1 comment:
Very nice posst
Post a Comment