Monday, December 17, 2007

MAGKABILANG DULO HALOS
Alexander Martin Remollino

Alay sa mga magbubukid ng Sumilao, Bukidnon


Hindi na "diyan lamang" ang kanilang nilakad
kahit para sa mga paang matagal nang nasanay na magturing
na "diyan lamang" ang tatlong bundok na lakarin.
Hindi "diyan lamang" kundi sanlibo't pitong daang kilometro --
magkabilang dulo halos nitong kapuluan --
ang itinakda nilang haba ng kanilang lakad
sa pagitan ng pag-asa't kawalan ng pag-asa.

At bakit naman hindi?
Layang magtanim at umani --
layang huminga nang maluwag sa kasariwaan ng hangin --
ang katarungang mailap na kanilang tinutugis.

Subalit ang dulo ng kanilang paglalakbay
ay tila lakbayin pa ring higit pa
sa sanlibo't pitong daang kilometro:
lakbaying kung saan dudulo
ay walang nakababatid.

Samahan natin sila sa kanilang paglalakbay,
gaano man kalayo ang lakarin
at saanman umabot ang ating mga talampakan
sa pagtugis sa layang magtanim at umani --
layang huminga nang maluwag sa kasariwaan ng hangin.

No comments: