Tuesday, February 26, 2008

NAPAKADALI ANG MAGSABING 'MAGHINTAY' KUNG...
Alexander Martin Remollino

Ngayong bumubulwak na muli ang mga panawagan para sa pagbabago sa pambansang liderato, kasunod ng mga pagbubunyag ni Rodolfo “Jun” Lozada hinggil sa mga anumalya sa kontratang National Broadband Network (NBN) sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ZTE Corp. ng Tsina, pati na sa ibang proyektong pinasukan ng pamahalaan gaya ng NorthRail at SouthRail, umeeksena rin ang ilang henyo’t nagsasabing dapat ay hintayin na lamang ng mga puwersang anti-administrasyon ang 2010 para sa pagkakataong mapalitan si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo — na diumano’y Pangulo ng Pilipinas.

Sa 2010 ang susunod na halalang pampanguluhan ng Pilipinas. Sapagkat diumano’y nakapagwagi na sa halalang pampanguluhan, ayon sa Saligang Batas ay hindi na maaaring maihalalal “na muli” si Arroyo — na ang kahina-hinalang “tagumpay” sa halalan ng 2004 ay ipinagbunyi ng gobyerno ng Estados Unidos — bilang Pangulo.

Ngunit may halos dalawang taon pa hanggang sa 2010, at sa halos dalawang taon ay napakaraming maaaring mangyari. Sa loob ng halos dalawang taon ay marami pang maanumalyang proyekto ang maaaring pasukin ng pamahalaan, malaki pa ang maaaring ilawak ng agwat ng halaga ng pamumuhay at ng kabuhayan ng nakararaming mamamayan, at marami pang paglabag sa karapatang pantao ang maaaring isagawa.

Pinatalsik si Joseph “Erap” Estrada noong 2001 sa isang pambansang pag-aaklas na sa kalakha’y laban sa katiwalian, upang pagkatapos ay palitan ni Arroyong ang panunungkula’y kinatampukan ng lalo’t lalong katiwalian — mula sa anumalya sa pagpapagawa ng President Diosdado Macapagal Avenue hanggang sa kagila-gilalas na mga kickback sa kontratang NBN. Sa ilalim ng rehimeng Arroyo nasaksihan ang mga antas ng kagutuman at karalitaan sa bansa na hindi nakita sa loob ng mahabang panahon, batay sa lahat ng kapani-paniwalang panlipunang sarbey (IBON Foundation, Social Weather Station, at Pulse Asia). Ang rehimeng ito’y nakapagtala rin ng mga paglabag sa karapatang pantao — mula sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang at sapilitang pagkawala hanggang sa mga pagbibibilanggong pulitikal, mula sa marahas na pagtugon sa mga kilos-protesta hanggang sa pagbubusal sa pabatirang-madla — na ang dami’y hindi kayang pantayan ng alinmang rehimen, marahil, sa kasaysayan ng Pilipinas maliban sa kay Ferdinand Marcos (na malapit-lapit na nga nitong maungusan).

Napakadali ang magsabing “maghintay” para sa mga taong hindi nagtitiis na magpainiksiyon sa mga nars at duktor na gumagamit ng hiringgilyang naninilaw; o magklase sa damuhan, sa ilalim ng init ng araw, sapagkat ang salapi ng taumbayan na dapat sana’y inilalaan sa mga serbisyong panlipunan ay ipinapasok sa maanumalyang mga proyektong ang nakikinabang lamang ay iilang salanggapang na opisyal ng pamahalaan gaya ng mga Benjamin Abalos, at mga kamag-anak ng mga nasa kapangyarihan tulad ng mga Mike Arroyo.

Napakadali ang magsabing “maghintay” para sa mga taong nagtatampisaw sa salapi kahit na hindi igalaw ang mga daliri at hindi nagkakangkukuba sa pagtatrabaho sa mga pabrika’t opisina upang pagkatapos ng isang buong araw ng pagpapatulo ng pawis ay mag-uwi ng sahod na maaaring kitain sa loob lamang ng isang oras sa ibang bansa, o sa paggawa sa bukid upang pagkatapos ng bawat anihan ay maipagbili ang palay sa halagang kulang na pang-isang buwan ngunit kailangang papagkasyahin sa tatlong buwan.

Napakadali ang magsabing “maghintay” para sa mga taong walang kamag-anak, kaibigan o kakilala man lamang na kabilang sa mahigit na 900 na ngayong biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang at mahigit sa 180 biktima ng sapilitang pagkawala, o sa mahigit sa 200 bilanggong pulitikal — batay sa pinakahuling mga tala ng Karapatan — na kaya humantong sa gayon ay sapagkat nangahas na ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa sa nakabubuhay na sahod, ang karapatan ng mga magsasaka na pakinabangang lubos ang mga bunga ng lupang sinasaka, at ang karapatan ng mga mamamayan sa mga serbisyong tulad ng kalusugan at edukasyon — mga karapatang dapat ay tinatamasa ng lahat sa alinmang bansang tulad ng Pilipinas na namamaraling siya’y isang demokrasya.

Dahil sa ang alinmang pamahalaan ay lubhang nakapangyayari sa kalakhan ng buhay ng mga mamamayan, ang pag-iral nito ay dapat na nakabatay sa kapakanan ng tanang nasasakupan. Kung hindi ganito ang batayan ng pag-iral ng isang pamahalaan, karapatan ng mga mamamayan ang ito’y lansagin.

At sapagkat karapatan ito ng mga mamamayan, hindi nila kailangang maghintay ng pagkakataong gawin ito, kundi karapatan nilang likhain ang ganitong pagkakataon.

Hintayin ang 2010? Hayaan ang mga hunghang at hangal na maghintay kung siya nilang ibig.

No comments: