Saturday, March 01, 2008

ISANG PAALAALA SA ATING LAHAT HINGGIL SA MGA GANITONG PANAHON
Alexander Martin Remollino

Mabuti pa raw ang kubong ang nakatira ay tao
Kaysa roon sa palasyong nakatira ay kuwago.
Ngayon, tayong taong laging nangahuhukot sa kubo
Ay nagtataboy ng k'wago mula roon sa palasyo.

Ngunit, hangga't sa 'ting bayan ay isang kaugalian
Ang pag-ayaw na lumingon sa ating pinanggalingan,
Tuluy-tuloy lamang tayong wala ring paroroonan --
Humakbang ma'y di aalis sa ating pinagsimulan.

Hangga't tayong mga tao ay hindi nangatututo,
Itong ating mga buhay ay hindi rin magbabago:
Tayong tao'y lagi't laging mangahuhukot sa kubo
At parati nang kuwago'ng malalagay sa palasyo.

No comments: