Saturday, March 15, 2008

MGA DALIT SA PAGHAHANAP NG KATOTOHANAN
Alexander Martin Remollino

1.
Di bubukol kung di ukol.
Pero ang mga komisyon
Sa kontrata'y bumubukol
Sa bulsa ng mga baboy.

2.
Ang k'wagong nasa palasyo
Nang wala nating permiso --
Matakpan lang ang totoo,
Sarili ma'y niluluko.

3.
Itong si Gloria Arroyo
Ay walang gloryang totoo.
Isa s'yang bulaang tao:
Kapatid po ni Dorobo.

4.
O Banal na Espiritu,
Obispo namin ay hilo:
Sa pagtungong Paraiso,
Dinaana'y pa-Impyerno.

5.
Ang sa totoo'y magtakip,
Kapatid ng mang-uumit:
Di man siya ang nang-umit,
Kamay rin n'ya ay marungis.

Ang unang dalit ay kabilang sa mga nagwagi ng consolation prize sa ikalawang linggo (Marso 7-14, 2008) ng "Katext Mo sa Katotohanan," isang pampanulaang patimpalak ng Filipinas Institute for Translation, Inc. (FIT).

No comments: