Saturday, May 17, 2003

Armando J. Malay, 1914-2003

Patulog na ako noong maagang bahagi ng madaling-araw nitong Mayo 16 nang mabasa ko ang text message ng kasamahan sa Tinig.com na si Ederic Eder tungkol sa pagpanaw, noong 11:35 ng nagdaang gabi, ni Armando de Jesus Malay--batikang peryodista, propesor, at aktibista. Nabalitaan ko noon lamang nagdaang hapon na si G. Malay ay nakaratay sa Capitol Medical Center, walang ulirat.

Bagama't hindi ko nakilala nang personal kailanman si G. Malay, matindi kong ikinalungkot ang balita hinggil sa kanyang pagyao. Isa siya sa hindi ganoon karaming taong karapat-dapat sa matinding paghanga sa mundo ng peryodismo sa Pilipinas. Naging masugid siyang tagapamandila ng pamperyodismong tradisyong nagpapahalaga sa makabayan at makalipunang pakikisangkot, isang tradisyong pinasimunuan ni Marcelo del Pilar at siya ring tinalunton ng mga Amado Hernandez, Renato Constantino, at Antonio Zumel.

Nasa haiskul pa lamang si Malay nang magpakita siya ng mga palatandaan ng tatahakin niyang landas. Noong 1930, bilang patnugot sa panitikan ng Torres Torch (opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng Torres High School), inilarawan niya ang mga kabulukan ng mga pasilidad ng kanilang paaralan. Kinatay ang artikulo niya--bagay na lubha niyang ipinagngitngit.

Noong siya'y nasa pamantasan, naging aktibo siya sa grupong Young Philippines, isang grupo ng mga estidyanteng itinatag at pinamunuan nina Wenceslao Vinzons at Arturo Tolentino noong dekada 1930 na nananawagan ng nasyunalismo at matwid na pamamahala. Bilang punong patnugot ng Philippine Collegian, binatikos niya hindi lamang ang mga kabulastugan ng mga administrador sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) kundi pati na rin ang kawalang-paninindigan ng noo'y Pangulong Manuel Quezon sa usapin ng kagyat na kasarinlan.

Naging tagaulat, patnugot, at kolumnista si Malay sa iba't ibang pahayagan, tulad ng The Tribune, Evening Chronicle, The Manila Chronicle, The Manila Post, Victory News, Manila Sinbun-sya, Star Reporter, The Daily Mail, The Manila Times, The Free World, Philippine Panorama, Mr. and Ms., We Forum, Malaya, Abante, at Sunday Times Magazine. Bilang mamamahayag, makatotohanan niyang ibinalita at matindi niyang dinuro ang katiwalian sa pamahalaan. Ginamit din niya ang pahayagan upang isulong ang kalayaan, katarungan, at karapatang pantao.

Naging propesor din siya ng Ingles, peryodismo, at kursong Rizal sa iba't ibang pamantasan tulad ng Far Eastern University, Cosmopolitan College, at UP. Bilang propesor, ibinahagi niya hindi lamang ang malalim na kaalaman sa teoretiko at praktikal na mga aspeto ng peryodismo, kundi maging ang isang matibay na makabayang oryentasyon.

Noong 1970-78, nagsilbi siya sa UP bilang Dekano ng Ugnayang Pangmag-aaral. Bilang Dekano ng Ugnayang Pangmag-aaral ay naging instrumental si Malay sa pagtatanggol sa kalayaang akademiko at mga karapatang pantao ng mga mag-aaral sa UP, na noo'y malawakang nilalabag ng pasistang rehimen ni Ferdinand Marcos.

Sa hanay ng mga mamamahayag, isa si Malay sa matitinding nakalaban ni Marcos. Bukod sa panunuligsa kay Marcos sa kanyang mga artikulo, madalas din siyang magsalita sa mga pamamahayag laban sa pamahalaan.

Dahil dito, nabilanggo siya nang isang linggo noong 1982.

Matapos siyang palayain, kumilos si Malay at ang kanyang asawang si Paula Carolina (isa ring manunulat, guro at aktibista) para sa paggalang sa mga karapatang pantao ng mga bilanggong pulitikal at sa pagpapalaya sa mga ito--kabilang ang kanilang manugang na si Satur Ocampo (ngayo'y Kinatawan ng Bayan Muna sa Kongreso), na dinakip noong 1976 at habang nakabilanggo'y matinding pinahirapan ng militar. (Magiging bilanggong pulitikal din ang isa sa kanilang mga anak--si Bobbie, asawa ni Ocampo--sa ilalim ng pamahalaang Aquino.) Naging pinuno siya ng Kapatiran para sa Pagpapalaya ng mga Detenidong Pulitikal at Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at para sa Amnestiya.

Isa rin si Malay sa mga kauna-unahang bumatikos sa administrasyong Aquino. Tinuligsa niya ang hindi nito paggalang sa karapatang pantao.

Nagretiro si Malay sa pagsusulat noong 1990 dahil sa matinding panlalabo ng mga mata bunga ng katarata.

Ngunit hanggang sa kaya ng kanyang katawa'y nagpatuloy siya sa pagsama sa mga kilos-protesta. Isa rin siya sa mga kauna-unahang kumilos laban sa pamahalaan ni Joseph Ejercito Estrada.

Makalawa siyang ginantimpalaan ng College Editors Guild of the Philippines, isang organisasyong kinabilangan niya bilang isang estudyanteng mamamahayag sa UP: una'y ang Distinguished Alumnus Award noong 1966, at ikalawa'y ang Gawad Marcelo H. del Pilar noong 1983.

Nakasulat si Malay o tumulong sa pagsulat ng ilang aklat: Our Animal World, The Folkways, at Occupied Philippines: The Role of Jorge B. Vargas During the Japanese Occupation, at The High School Paper, Reporting, Editing, Advising. Katulong na patnugot siya ng Atlas of the Philippines at patnugot ng Memoirs of Artemio Ricarte.

Kagaya ng isinagot ko sa text message ni Ederic, isa na naman sa mga dakilang nakatatanda ng ating bayan ang lumisan.

No comments: