Isang Tinig mula sa Nakaraan
Ilang taon matapos na mabuo ni Dr. Renato Constantino (1919-1999) ang kanyang huling aklat (The Invisible Enemy: Globalization and Maldevelopment, 1997), ang Foundation for Nationalist Studies ay naglabas ng isang manipis na koleksiyon ng kanyang mga artikulo tungkol sa soberanya. Pinamagatang Essays on Sovereignty, binubuo ito ng 13 pitak na kanyang sinulat sa mga pahayagang Philippine Daily Globe at Manila Bulletin sa pagitan ng mga taong 1988 at 1996.
Katulad ng ipinahihiwatig ng pamagat, ang aklat ay tungkol sa soberanya, na siyang pangunahing simulain ng yumaong Dr. Constantino.
Napapanahon ang paglabas ng aklat na ito. Bagama’t ang karamihan sa mga tinutukoy sa aklat na ito ay mga pangyayari sa nakaraan, tulad ng digmaang Estados Unidos-Iraq noong 1991 at ang pagdiriwang ng sentenaryo ng ating “kalayaan” noong 1996, ang mga pangkalahatang kalagayang tinatalakay rito ay mga kalagayang umiiral magpahanggang sa mga panahong ito—at lalo pang pinatatalim ng kampanyang militar na panghihimasok ng Estados Unidos sa iba’t ibang bansa tulad ng Afghanistan, Pilipinas, Iraq, Syria, at Hilagang Korea.
Matindi ang pagkundena ng aklat sa pagpapalapad ng Estados Unidos ng presensiya nito sa buong daigdig, bagay na lumalabag sa soberanya ng iba’t ibang bansa. Tinutukoy rito ang pagpapalaganap ng Estados Unidos ng globalisasyon, isang programang nagbubukas sa mga ekonomiya ng mga bansa sa mga labis na produkto nito, masira na kung masisira ang mga pambansang kabuhayan. Binabatikos ang pagpapataw ng Estados Unidos ng mga makaglobalisasyong patakarang pang-ekonomiya sa pamamagitan ng mga kasunduan, at dinuduro ang pagbubukas ng mga ekonomiya sa pamamagitan ng agresyong militar. Ipinaaalaala ng ilan sa mga pitak na ito ang mga karahasang pinaggagawa ng Estados Unidos Biyetnam, Laos, at Iraq—lalo na ang paggamit ng lubhang mapaminsalang mga sandata tulad ng Agent Orange at depleted uranium.
Sa Pilipinas, binabatikos ng mga sanaysay ni Constantino ang mga naghaharing uri, na batay sa kasaysayan ay may tendensiyang makipagsabwatan sa mga mananakop (kolonyal man o neokolonyal) upang mapangalagaan ang kanilang nakatataas na kalagayan sa lipunan. Idiniriin ang pangangailangan sa isang lideratong tunay na kumakatawan sa mga mithiin ng sambayanan.
Datapwat hindi pinaliligtas ang pangkalahatang bayang Pilipino sa pagtuligsa. Pinupuna ng aklat ang paglimot natin sa ating sariling pagkakakilanlan at walang habas na panggagaya sa mga Amerikano, mga bagay na dala ng mahabang panahon ng kolonyalismo at ng hindi natin pagkakatikim ng ganap na kalayaan.
Tinutukoy rin bilang bunga ng kolonyalismo ang ating negatibong pagtingin sa mga kababayan nating Muslim. Ipinaliliwanag na ito’y iniluwal ng mga kampanya ng mga Kastila laban sa mga Muslim, na sapagkat hindi nila masakup-sakop ay pinalitaw nilang mga “barbaro” sa mga mata ng mayoryang Kristiyanisado.
Sa huling bahagi, inilalatag ang kalutasan sa suliranin ng patuloy na paglabag sa soberanya: ang nagkakaisang pagkilos ng lubos na naliliwanagang sambayanan. Bagama’t ang paglalatag nito’y nasa konteksto ng karanasang Pilipino, angkop ito saanman may paglabag sa soberanya—tulad ng Iraq sa kasalukuyan.
Sa paglabas ng aklat na ito, mandi’y nagbabalik ang isang tinig mula sa nakaraan upang bigyan ng higit na liwanag ang kasalukuyan. Dapat na purihin ang mga nasa likod ng Foundation for Nationalist Studies dahil sa kanilang pagkilala sa patuloy na pagiging makabuluhan ng mga akda ni Dr. Renato Constantino.
Manipis lamang ang Essays on Sovereignty. Ngunit makapal ang maiaambag nito sa kampanya laban sa imperyalismo. Dapat itong basahin ng bawat makabayan saanmang bansang may paglabag sa soberanya upang higit na maintindihan ang kasalukuyang kalagayan ng kaayusang pandaigdig na pinaghaharian ng Estados Unidos.
No comments:
Post a Comment