Sulyap sa Parnaso
Buhay pa si Dong Abay.
Ito ang sinasabing maliwanag ng Parnaso ng Payaso, kauna-unahang album ng bagong banda ni Dong na Pan. Buhay na buhay pa rito si Dong Abay, bagama't mapapansing malaki-laki ang ipinag-iba niya sa rati.
Hindi malilimot ng sinumang nabuhay sa Pilipinas noong dekada 1990 ang kasaysayang nilikha ng una niyang banda, ang Yano. Ang bandang ito ay biglang lumusob sa tanghalan ng musika sa Pilipinas noong 1994 upang ipagsigawan ang walang hanggang pagkasuklam sa mga katarantaduhang nakapulupot sa buhay ng mga Pilipino--huwad na kalayaan, pagsasamantala sa mga karaniwang tao, katiwalian sa pamahalaan, pagkasira ng kalikasan, at mga pagpapahalagang walang halaga. Sinundan ito ng dalawa pang album, ang Bawal at ang Tara, na puno pa rin ng matinding pagkapoot--bagama't mapapansin ang higit na marahan, higit na nakapagpapaisip na himig ng mga kanta sa Tara.
Pagkatapos ay biglang mawawala si Dong Abay, at susunod ang tuluyang pagkalusaw ng Yano.
Sari-saring ispekulasyon ang nalikha ng pagkawalang tumagal nang halos limang taon. Pinakamalimit na lumabas ay ang pag-aakalang nabaliw si Dong--bagay na tila hindi aayon sa lohika kung titingnan ang lipunang ito, kung saan karaniwan ang paglimot sa mga dakilang tao at yaong mga walang silbi sa lipunan ang lagi't laging inilalagay sa talaan ng mga bayani, kung saan karaniwan ang pagkamanhid sa harap ng nagaganap na sari-saring kasalarinan. Di iilan ang mag-aakalang namatay o nagpakamatay na si Dong Abay.
Sa loob ng limang taong iyo'y nasa matinding depresyon si Dong, depresyong likha ng labis na kapagalang dulot ng nakapapagod na naging takbo ng karera ng Yano--ayon sa kanya.
Ngunit lilitaw ngang muli si Dong Abay, at susundan ang paglitaw na ito ng pagbubuo ng Pan at ng pagsilang ng Parnaso ng Payaso. Ang album na ito ay binubuo ng mga tulang nilapatan ng mga himig. Ang mga tulang ito ay kabilang sa sangkatutak na tulang nalikha ni Dong nang siya'y nasa ilalim ng kanyang limang taong depresyon--bukod pa sa mga kuwentong nalikha sa panahon ding iyon. Ang musika ay napanday sa pagtutulungan nila ni Onie Badiang, dating kasamahan ni Dong sa Yano--na siya ring may kagagawan ng pagkakaareglo.
Sa album na ito, mapapansing si Dong Abay ay tila ilang taong nagtago at nagmukmok sa isang yungib at nang magbalik ay parang ibang tao na.
Bagama't paminsan-minsa'y palapit-lapit pa rin ang nanduduro at nandudurang Dong Abay ng Yano, di hamak na higit nang mahinahon ang Dong Abay ng Pan. Nangingibabaw ang marahang himig na unang narinig sa Tara, at bagama't napupuna pa rin ang mga bagay na kasuklam-suklam sa ating paligid--mga paksaing naghari sa mga album ng Yano--higit nang itinatampok ng Dong Abay ng Pan ang mga dapat na mangyari: ang pagkamulat ng mga mamamayan at ang kanilang pagkilos tungo sa pagtitindig ng maaliwalas na kinabukasan. Kung sa mga album ng Yano ay iniluluwa ang mga pagpapahalagang walang halaga, sa Parnaso ng Payaso nama'y ipinakikita ang mga mahalagang pagpapahalaga.
Kung itinuro sa atin ng Yano ang tayo'y manghilakbot sa kung ano ang buhay natin, higit namang itinuturo ng Pan sa Parnaso ng Payaso ang kung ano dapat ang buhay natin.
Kung anyo at anyo lamang ang pag-uusapan, hindi dapat paghambingin ang mga album ng Yano at ang Parnaso ng Payaso. Walang higit na maganda; talagang magkaiba lamang ang mga ito.
Ngunit kung tutuusin, bagama't magkaiba'y iisa pa rin ang Dong Abay ng Yano at ang Dong Abay ng Pan. Sila'y kapwa mahigpit na nakakapit sa progresibong tradisyon sa kontemporaryong musikang Pilipino--isang tradisyong pinananalaytayan ng dugo ng mga Jess Santiago, Heber Bartolome, Pol Galang, Susan Fernandez-Magno, Lolita Carbon, Pendong Aban, Jr., Chikoy Pura, Gary Granada, Joey Ayala, Grace Nono, Bayang Barrios, at iba pang katulad.
No comments:
Post a Comment