Pinakamagandang Trabaho Ngayon
Malubhang suliranin ng Pilipinas sa ngayon ang disempleyo. Noong huling bahagi ng taong nagdaan, ang Pilipinas ay nagtala ng antas-disempleyong nasa pagitan ng 11.8 at 11.9 na porsiyento--pinakamataas na naitala natin mula nang 1957.
Sa unang tingin, iisiping napakahamak na ng kalagayan ng ating bansa, sapat na upang ibuhos ang luhang marami pa sa tubig ng Karagatang Atlantiko.
Datapwat matapos ang isang lubhang masusing pananaliksik, ang inyong abang lingkod ay nakaisip ng isang sa kanyang palagay ay napakabuting kalutasan sa napakalaking suliranin sa disempleyo sa ating bansa. Ang solusyong ito ay walang iba kundi magnakaw na lamang ang lahat ng walang makuhang trabaho.
Napakadali lamang namang isagawa ang pagnanakaw: kailangan lamang ay kunin mo ang salapi o ang isa o ilang partikular na kagamitan ng ibang tao habang hindi siya nakatingin, at pagkatapos ay ibenta mo ito. Hindi na kailangan dito ang napakataas na pinag-aralan--bagama't totoong ang pinakamahuhusay na magnanakaw (masusukat ang husay ng magnanakaw sa dami ng kanyang mga nananakaw) ay mga taong lubhang mataas ang pinag-aralan at nagtapos sa mga bantog na dalubhasaan at pamantasan ng bansang ito at maging ng ibang bansa.
Kung ang tinatayang nasa 11.8 hanggang 11.9 na porsiyento ng ating populasyong walang mahanap na trabaho ay magiging mga magnanakaw na lamang, kagyat na malulutas ang ating suliranin sa disempleyo--sapagkat napakadali ngang isagawa nito at samakatwid ay maaaring gawin ng kahit na sino, at napakaganda pang pagkakitaan.
Lalo pang lumilitaw na totoo ang aming mga tinuran sa mga nangyayari ngayon sa mga kababayan nating naghahanapbuhay nang matino sa ating mga lansangan.
Sinimulan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong bandang kalagitnaan ng taong nagdaan ang pagdakip sa mga manininda sa bangketa, na kaya sa bangketa nagtitinda ay sapagkat sila'y mahihirap lamang at walang pambayad sa lubhang mahal na mga puwesto sa mga palengke. (Napansin naman siguro ninyong marami-rami ang nagtitinda sa mga palengke na higit pang magagandang magbihis kaysa sa mga nanay at tatay ninyo.)
Ngayon nama'y hindi lang mga manininda sa bangketa ang paghuhuhulihin, kundi pati na yaong mga maglalako ng kendi, sigarilyo, at kakanin sa lansangan.
Anang pantas na si Bayani Fernando, Tagapangulo ng MMDA, ang paghuli sa mga manininda sa bangketa at sa lansangan ay upang mapainam ang takbo ng trapiko. Makikita naman nating talagang lubhang epektibo ang mga iskemang ito, batay sa naging karanasan ng mga motorista at pasahero mula nang paghuhulihin ang mga manininda sa bangketa.
Maliwanag na halimbawa ng karanasang ito yaong kalagayan ngayon sa may Philcoa. Kung dati'y inaabot ng limang minuto ang sasakyan bago makaalis doon, ngayon nama'y apat na minuto na lamang ang ipaghihintay ng motorista o pasahero bago niya matakasan ang trapik sa may Philcoa.
Sa kalaliman ng gabi hanggang madaling-araw nakababawi-bawi ang mga manininda sa mga bangketa sa may Philcoa sapagkat tulog na sa mga oras na iyon maging ang mga tauhan ng MMDA. Sa mga oras na iyon, lubha ring maluwag ang trapik sa naturang lugar. Aywan namin kung bakit, ngunit napapansin naming sa mga oras na iyon ay napakakaunti ng mga sasakyan doon.
Datapwat dahil sa napatunayan na ng MMDA at hindi mapasubaliang ang mga manininda sa bangketa at sa lansangan ang puno't dulo ng suliranin sa trapik, minabuti ng MMDA na sila'y paghuhulihin. Bawal na ngayon ang magtinda sa mga bangketa at lansangan.
Kaya naman kung wala ka nang makuhang trabaho at hindi ka pa rin maaaring magtinda sa bangketa o sa lansangan kahit na ang gayon na lamang ang negosyong kaya mong pamuhunanan, mabuti pa ang magnakaw ka na lamang. Ligtas na ligtas ka pa sa hanapbuhay na ito, sapagkat hindi ka huhulihin ng mga pulis.
At sa mga nakapagpasya nang walang ngang ibang maaaring maging hanapbuhay sa ganang kanila liban sa pagnanakaw, walang pinakamagandang lugar na maaaring pagtrabahuhan liban sa pamahalaan. Doon ka yayaman nang husto sa pagnanakaw--lalo na sa isang bansa kung saan ang mga tao'y higit pang may pakialam sa kulang sa sukling naibibigay ng lubhang pagod na mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan kaysa sa limpak-limpak na ninanakaw sa kabang-bayan--at kung papalarin ka, mabibigyan ka ng katakut-takot na gantimpala at ituturing kang isang huwarang mamamayan.
No comments:
Post a Comment