Wednesday, October 18, 2006

KAHAPON AT NGAYON
Alexander Martin Remollino

Sa sarbey ng Pulse Asia nitong Hulyo hinggil sa mga preperensiya ng mga botante sa pagkasenador, isa si Kin. Imee Marcos ng Ilocos Norte sa mga nagkamit ng 12 pinakamatataas na marka. Nadaig pa niya ang ilang bantog na personalidad na lumaban sa diktadurang Marcos, tulad ni Sen. Joker Arroyo, at ni Kin. Satur Ocampo ng Bayan Muna.

Ibig sabihin, kung nitong Hulyo naganap ang halalan sa pagkasenador na nakatakda sa 2007, magiging senador ang kagalang-galang na kinatawan ng Ilocos Norte at hindi magiging senador sina Arroyo at Ocampo.

Mahirap malaman kung dito nanggagaling ang pagmamataas na mahihiwatigan sa bagong pasaring ni Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan ng 2003, sa mga kritiko’t mananalaysay ng panitikan na kamakaila’y nagpagunita sa madla sa naging pakikipagsabwatan niya sa pasistang rehimen ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ngunit isang bagay ang malinaw sa naturang patutsada. Pinapaghihiwalay ni Almario ang kahapon at ang ngayon. Aniya:

Marami na akong ginawang rebisyon sa buhay ko’t pagsulat dahil sa mga natanggap kong kapaki-pakinabang na mga komentaryo. Subalit tulad ni Emerson, kinatatakutan kong lubha ang sinumang alerdyik sa nasyonalismo at gugutayin ang panukala kong pagbasa ng panitikan ng maling-pagbasa sa teksto ko. Kinatatakutan ko ang sinumang santo, bakla man o tomboy, na uupakan muna ako bilang tsikboy, lasenggo, o tuta ni Marcos upang tanggalan ako ng karapatang magpanukala ng landasing nasyonalista para sa panitikan. Kinatatakutan ko rin ang akademikong umaastang may monopolyo ng karunungan o politikong nangangalandakang kinatawan at lehitimong tinig ng masa. Kinatatakutan ko sila dahil parang hindi sila nagkakamali at dahil hindi sila marunong tumawa.


Ito’y matatagpuan sa “Tradisyon at Nasyonalismo sa Pagbasa ng Tula,” ang piyesang pangwakas sa kanyang bagong aklat na Pag-unawa sa Ating Pagtula: Kasaysayan ng Panulaang Filipino. Halos kalalabas lamang ng nasabing aklat.

Maaaring huwag na munang pag-usapan ang paratang kay Almario na siya’y isang “tsikboy” at “lasenggo” pa. Hindi naman ito nalalaman ng karamihan sa mga tagasubaybay ng sirkulong pampanitikan at aywan kung bakit kinakailangan pa niyang ipangalandakang may mga nag-aakusa sa kanya nang ganito.

Kung pakasusuriin ang siniping mga pangungusap mula sa bagong aklat ni Almario, ganito -- humigit-kumulang -- ang talagang nais niyang iparating sa mga nanunumbat sa kanya hinggil sa naging papel niya sa diktadurang Marcos at nagtatanong tungkol sa kanyang pagpapakilala ngayon sa sarili bilang isang diumano’y makabansa:

“Dahil ba sa naging tauhan ako ni Marcos ay wala na akong karapatang magpanukala ng landasing nasyunalista para sa panitikan? Ang titindi naman ninyo. Katulad kayo ng mga alerdyik sa nasyunalismo, na gugutayin sa maling-pagbasa sa teksto ko ang panukala kong pagbasa ng panitikan. Katulad kayo ng mga santo at santa riyan, bakla man o tomboy, na inuupakan ako bilang tsikboy o lasenggo at tinatanggalan ako ng karapatang magpanukala ng landasing nasyunalista para sa panitikan. Katulad kayo ng mga akademikong may monopolyo ng karunungan, ng mga pulitikong nangangalandakang kinatawan at lehitimong tinig ng masa. Parang hindi kayo nagkakamali. Hindi kayo marunong tumawa.”

Ang “ipinagmamakaawa” ni Almario, samakatwid, sa mga naghahalungkat ng kanyang kasaysayan bilang isang naging alagad ng pasistang rehimeng Marcos at sa kanyang pagpiprisinta sa sarili bilang isang “nasyunalista” ay ito: na dapat papaghiwalayin ang kanyang pagiging maka-Marcos noon at ang kanyang pagiging “makabansa” ngayon.

Balik-tanaw sa rehimeng Marcos


Nagiging mahalaga sa yugtong ito ang pagbabalik-tanaw sa naging pangungulo ni Marcos.

Ang sinundan ni Marcos sa pagkapangulo ng Pilipinas ay si Diosdado Macapagal, ama ng kasalukuyang pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo. Kilala si Macapagal sa pagpapatupad ng patakarang dekontrol sa ekonomiya: pinababa niya ang mga taripa sa mga angkat na produkto, at hinayaan niya ang walang-sagkang repatriyasyon ng mga tubo ng mga korporasyong multinasyunal.

Ang mga empresa natin, kung saan lamang ang mga multinasyunal pagdating sa dami ng kapital at taas ng teknolohiya, ay natalo sa kumpetisyong idinulot nito, at bumilis ang pagkalagas ng kapital ng bansa. Ayon sa istoryador-ekonomistang si Ricco Alejandro M. Santos, humantong ito sa pagkakapinid ng 10,000 empresa at malawakang pagkawala ng mga trabaho.

Ang mga kalagayang nilikha ng panguluhan ni Macapagal ay nagluwal din ng isang malawakang makabayang kilusang protesta.

Papalakas ang kilusang ito nang maging pangulo si Marcos noong 1965, at nang muli siyang mahalal noong 1969 ay sumuot na ang adyenda nito maging sa mga bulwagan ng kairalan.

Nang taong nabanggit, ang Kongreso, dama ang matinding pagtutulak ng mga makabayang sektor, ay nagpasa ng isang Magna Carta na nagsusulong ng makabansang industriyalisasyon laban sa mga dikta ng Kambal ng Bretton Woods (International Monetary Fund at World Bank o IMF-WB). Noong 1971-1972, malakas ang dating ng mga makabayang puwersa sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Noong 1972, pinawalang-bisa ng Kataas-taasang Hukuman ang lahat ng pagkakapagbili ng lupang Pilipino sa mga dayuhang korporasyon matapos ang 1945 (kasong Quasha), at pati ang mga pagtataas ng presyo ng langis ng mga dayuhang kumpanyang nagbebenta nito.

Ang kauna-unahang hakbang ni Marcos matapos ang pagpapatupad ng Proklamasyon Blg. 1081 ay ang pagbabaligtad sa kasong Quasha. Mismong isang ulat ng Kongreso ng Estados Unidos ang nagsabing noong panahon ng batas militar ay nag-ibayo ang mga pribilehiyo ng mga banyagang korporasyon sa Pilipinas.

Sa panahon ng batas militar, maraming dinakip at ibinilanggong lider at kasapi ng mga kilusang nagsusulong ng soberanya at katarungang panlipunan. Kabilang sa mga ito ang mga kilalang makabayang estadistang sina Lorenzo TaƱada at Jose W. Diokno.

Ang batas militar ay tugon ng gobyernong Marcos sa palakas nang palakas na panawagan para sa batayang pagbabago ng lipunan.

Si Almario at ang diktadura

Nagiging matingkad sa bahaging ito ang anti-nasyunalistang katangian ng rehimeng Marcos. At pinaglingkuran ni Almario ang rehimeng ito.

Noong 1986, gayong siya’y kasapi at tagapayo ng progresibong organisasyong Galian sa Arte at Tula (GAT) na lumalaban din sa diktadura, sinuportahan ni Almario ang kandidatura ni Marcos sa ginanap na snap election. Pumirma siya sa deklarasyon ng pagsuporta kay Marcos ng Coalition of Writers and Artists for Freedom and Democracy. Anim pang kasapi ng GAT ang kasama niya sa pagpirma sa deklarasyong ito: sina Teo Antonio, Lamberto Antonio, Ruth Elynia Mabanglo, S.V. Epistola, Manuel Baldemor, at Mike Bigornia.

Pinaniniwalaan noon na isa si Almario sa mga nagbuo ng koalisyong ito. May sapat na batayan ito: nauna nang makitaan ang kanyang opisina, ang Aklat Adarna, ng mga lampoon ng magasing Mr. and Ms. at Malaya -- mga publikasyong lantarang kontra-Marcos. Itinanggi niya noon na siya ang may pakana ng mga ito at sinabi niyang nakita na lamang niya ang mga ito sa kanyang opisina.

Sa sumiklab na debate ng mga kontra-Marcos sa GAT at ng mga manunulat na maka-Marcos, si Almario ang nangunang tagapagsalita ng huling panig.

Sa isang artikulong sinulat niya noong Pebrero 6, 1986 sa Philippine Daily Express -- diyaryong pag-aari ni Benjamin “Cocoy” Romualdez, bayaw ni Marcos at siyang pangunahing tagapamansag ng kanyang rehimen -- winika ni Almario ang ganito:

Maliwanag naman ang saligan ng pagkampi kay Marcos ng koalisyon. Sa halalang ito ay naniniwala silang dapat iboto ang may karanasan kaysa isang nobatos na tulad ni Aquino. Ano ngayon ang masama kung ang isang makata ay pumanig kay Marcos dahil sa nabanggit na kadahilanan?


Ikinapoot ito ng mga manunulat ng pakikisangkot, lalo pa't hindi isinaalang-alang ng nasabing artikulo ang katotohanang marami sa kanila -- tulad nina Lorena Barros at Eman Lacaba -- ang ipinapatay ng rehimen, habang marami namang tulad nina Jose Maria Sison, Bonifacio Ilagan, at Jose Lacaba na ipinabilanggo at marami sa mga nabilanggo ay pinahirapan pa.

Sa nasabing artikulo, kapansin-pansin ang sumusunod na bahagi, na tumutukoy sa kanyang mga kapwa manunulat:

Pero ngayong may koalisyon na para kay Marcos ay maaaring tumindig na ang mga ito at ipakita sa madla na ang pulitika ay hindi nakukuha sa uso.


Ang tinutukoy niyang “uso” rito ay walang iba kundi ang pagtutol sa rehimeng Marcos, na noon pang huling hati ng dekada 1960 nagsimulang lumaganap. Kabilang dito ang tipo ng aktibismong noon man at ngayo’y tinatawag na pambansa-demokratiko, na siya namang kinahanayan ng GAT -- na isa sa mga nagtatag noong 1973 ay si Almario mismo.

Matapos ang isang serye ng mga pulong, napagpasyahan ng mayorya ng GAT noon ding 1986 na patalsikin si Almario mula sa kasapian nito.

Pagpapatuloy

Gayunma’y hindi roon nagtapos ang naging pagkakalat ng kamandag ni Almario. Patuloy niyang pinulaan ang mga dating kasamahan sa hanay ng mga progresibong manunulat, at hindi na dahil lamang sa paggulong ng ulo ng kanyang patron noong makasaysayang araw ng Pebrero 25, 1986 kundi dahil na rin sa mismong pagiging progresibo. Isa sa mga tampok na halimbawa nito ang kanyang paunang salita sa Ikatlong Bagting, koleksiyon ng mga tula ng Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) na kanyang itinatag noong 1985, kung saan ganito ang pananalitang kanyang pinakawalan:

Hindi masamang maglingkod sa bayan ang pagtula. Subalit masamang maniwala lamang ang pagtula sa pinaniniwalaan nito. Humihina ang sarili nitong bait, bumababaw ang pangangatwiran, at nabubulag sa lohika ng salungat na panig. Ito ang bitag ng partidistang pagtula ng mga pangunahing makata ng GAT. Laging tama ang PKP, laging rebolusyonaryo ang masa, at laging mali't magdaraya ang kapitalista't pinuno ng gobyerno. Anumang masaklap na katangian ng bayan ay dapat isisi sa kolonyalismong Espanyol at anumang masaklap na nagaganap sa bayan ngayon ay bunga ng umiiral na imperyalismong Amerikano. Masama ang pagtulang may monopolyo ng katotohanan.


Ni hindi na nga niya pinapaghiwalay sa organisasyunal na aspeto ang ligal na pakikibaka (sa sinisiping talata’y kinakatawan ng GAT) at ang kilusang lihim (na sinasagisag naman dito ng PKP o Communist Party of the Philippines) -- na makikita sa kanyang paglalarawan sa pagtula ng GAT bilang “partidista” -- at pagkatapos ay pawalis niyang hinusgahan ang buong pagtula ng GAT, at samakatwid ng mga nagpapatuloy sa kasalukuyan ng ipinamana ng nasabing organisasyon ng mga makata, bilang pagtulang naniniwala lamang sa pinaniniwalaan nito at “may monopolyo ng katotohanan” kaya “masamang” pagtula kung gayon. Hindi naman niya ipinaliwanag ang mga “kamaliang” itong nakita raw niya sa progresibong panulaan.

Sa isang interbiyu naman sa kanya ng isang estudyanteng gradwado ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) noon ding 2003, sinabi niyang si Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng CPP, ang nagpakana ng pagbomba sa pulong ng Liberal Party sa Plaza Miranda noong 1971. Itong pagbomba sa Plaza Miranda ay isa sa mga pangunahing dahilang ginamit ni Marcos upang ideklara ang batas militar.

“Y’ong Plaza Miranda bombing, pinalitaw nilang si Marcos ang gumawa, makita mo ngayon NPA (New People’s Army) pala,” ani Almario sa nasabing interbiyu. “Operation pala ng mga bata ni Joma ‘yon para mapagbintangan lang si Marcos ng bayan.”

Ni hindi ipinaliwanag ni Almario sa nasabing interbiyu kung bakit kaya ang Liberal Party, na isang partidong noo’y nasa oposisyon, ang “binomba” ng NPA gayong noo’y kapareho nila ito sa layuning labanan si Marcos at nakita naman sa kasaysayan na hindi naging istilo ng CPP-NPA ang manakit ng mga puwersang napataong may katulad na hangarin upang maisulong lamang ang adyenda nito.

Bagama’t “inamin” na ni Almario sa isang artikulo sa UP Newsletter na “mali” ang ginawa niyang pakikipaghalikan sa diktadurang Marcos, hindi pa rin niya binabawi hanggang ngayon ang kanyang pagpapawalang-sala kay Marcos sa pag-iimbento nito ng isang senaryo ng “destabilisayson” upang mapangatwiranan ang pagpapalakas sa kapangyarihang militar –- na humantong sa malawakang paglabag sa karapatang pantao. Hindi rin niya binabawi nang tahasan ang mga pinakawalan niyang matalinong pagkukuro laban sa progresibong panulaan sa pamamagitan ng naging pagpula niya sa pagtula ng GAT.

Paano ngayong hindi masisilip kay Almario ang kanyang nakaraan bilang isang tumulong sa pasistang rehimeng Marcos -- na isang anti-nasyunalistang rehimen? Dahil nga sa kanyang kasaysayan bilang isang tumulong sa diktadurang Marcos -- na hindi natin makitang tapat niyang pinagsisisihan -- lalaging nakapagpapataas ng kilay ang anuman niyang “pagpapanukala” ng “makabansang landasin” sa ating panitikan.

Lalo pa kung ang “nasyunalismong” ipinapanukala ay hindi mabigyan ng matinong depinisyon upang maitangi sa balbal na “makabansang” diwang pinalaganap ng diktadurang Marcos sa pamamagitan, halimbawa, ng mga kantang tulad ng “Ako ay Pilipino” at ang buhay na manipestasyon nito’y hindi nakikitang lumalampas sa “pagkakampeon sa wikang pambansa” at sa “natibistang” pagbasa sa panitikan -- mga bagay na maaaring bitbitin kahit na hindi tutulan ang dayuhang dominasyon sa ekonomiya at panghihimasok sa pulitika -- kagaya ng ginawa ng nangunang “Pilipinistang” si Blas Ople, na isa ring alipures ni Marcos at sa mahabang panaho’y naging pangunahing tagapagsalita ng US Department of State sa ating pamahalaan.

No comments: