SA ARAW NA GANAP NATING BAWIIN ANG ATING PAGPAPAHINTULOT
Alexander Martin Remollino
Kailangan daw natin ang kanilang pahintulot
upang makapagpahayag,
maging upang makapaningil ng katarungan
alang-alang sa isang obispo,
sa isang obispong katulad ni Kristo
ay ipinako sa krus
dahil pinanigan niya ang mga inapakan.
Kailangan daw natin ang kanilang pahintulot.
Umakyat na ang kapangyarihan
sa kanilang mga ulo.
Kaya nakalimot na sila,
nalimutan na nilang kaya sila naririyan
ay dahil na rin sa ating pagpapahintulot.
Tayo ang unang naglagay ng setro
sa kamay ng reyna.
At umaapaw ang masasarap na pagkain
sa dambuhalang mga hapag nila sa Palasyo
dahil sa mga buwis na ang ipinambabayad
ay ang mga butil ng ating pawis,
ang mga patak ng ating luha at dugo.
Kaya sila naluklok sa kataas-taasan
ay dahil sa atin, dahil sa ating pagpapahintulot.
At pagpapahintulot pa rin ang pananahimik
habang dumaragundong ang tunog ng mga ulong
binabayo ng mga batuta, binabayo ng mga batuta
dahil nagtangkang tumungo sa Mendiola
at ihingi ng katarungan
ang isang alagad ni Kristong ipinako sa krus.
At sapagkat tayo ang sa kanila'y nagluklok
at nagpapapanatiling nakaluklok,
tayo rin ang makapagtatanggal ng setro
mula sa kamay ng reyna,
ng reynang wala nang matwid na mamuno.
Sa araw na ganap nating bawiin
ang ating pagpapahintulot,
ang ulo ng reynang utusan,
utusan ng banyagang emperyo --
ulong ngayo'y labis nang lango sa kapangyarihan
ay gugulong, gugulong tungo sa putikan.
May kopya rin sa http://www.arkibongbayan.org/2006-10Oct12-IFImarch/marchoct12.htm
No comments:
Post a Comment