Sunday, November 05, 2006

ANG BALON NG IYONG LAKAS
Alexander Martin Remollino

Dati nang dumapo sa aking mga tainga
ang paglalarawan sa iyo
bilang isang ang kagaya raw ay tingting,
nakatatakot daw na salingin man lamang
sapagkat baka kagyat na mabali.
Ang mga nagsabi niyon
ay pinanawan na marahil ng kanilang mga utak
bago pa man lumisan ang huli nilang hininga.
Sapagkat sino ba ang talagang marupok?
Nasa pagitan ng iyong butuhang mga daliri
ang panulat na di matangay-tangay,
di matangay-tangay
ng gaano man kabagsik na unos.
Ang balon ng iyong lakas
ay isang pinanghahawakang paninindigang
kasinlantay ng araw na naglalagablab sa katanghalian,
di tulad ng marami sa mga bituin
sa langit kung gabi
na mga larawan na lamang,
mga larawan na lamang
ng mga talang matagal nang naubusan ng liwanag.

The Makata, October 2006

No comments: