Sunday, November 05, 2006

HINDI HUKUMAN ANG HULING HUGUTAN NG KATARUNGAN
Alexander Martin Remollino

Sa ikaisang taon ng panggagahasa ng ilang sundalong Amerikano kay "Nicole"


Ang isang taon ay waring isang habang panahon --
isang taon iyong ikaw na nagsasakdal,
ikaw na nagsasakdal ang siyang isinasakdal.
Nagsabwatan sila sa loob ng panahong iyon
upang pakilingin ang timbangang tangan
ng babaeng nakapiring
sa panig ng mga dayo, mga dayong
lumugso sa iyong puri't sa dangal ng bansa.
Ang mga itinalagang magtanggol sa iyo
ay sila pang umusig sa iyo.

Sa panig kaya ng katarungan dudulo ang lahat?
Hindi natin matiyak, "Nicole" --
hindi natin matiyak
sapagkat mahirap tiyaking ang tama'y mangyayari
sa bansa kung saan ang tagapangalaga ng watawat
ang siya ring nagpupunas nito sa mga puwit at paa.

Ngunit kung ang hatol ma'y maging sumpa sa iyo,
pakatandaang lagi
na hindi,
hindi hukuman ang huling hugutan ng katarungan.

No comments: