HINDI LAGING PINAGPAPALIGUAN ANG UNANG ULAN NG MAYO
Alexander Martin Remollino
Ang sabi nila'y mainam pagpaliguan ang unang ulan ng Mayo.
Ang sabi ko nama'y maaaring oo't maaari ring hindi:
ang salalayan nito ay kung ano ang bumubuhos.
Hindi dapat na maligo sa unang ulan ng Mayo
kung ang bumubuhos ay mga bala,
tulad ng umulan kina Mylene at Raymond Golloso,
mga paslit na pinasok sa silid ng mga magulang
at binaril sa mukha, binaril sa mukha
ng mga sundalong napalaban sa mga rebeldeng komunista
noong hapon ng Mayo 7, 2004.
Hindi laging pinagpapaliguan ang unang ulan ng Mayo.
Hindi dapat na maligo sa ulan
kung ang bumubuhos ay kamatayan.
No comments:
Post a Comment