Kaululang Kabayaran sa Katapatan
Hindi kami magtataka kung kakaunti ang nakakikilala sa serbidor ng Sulo Hotel na si Herbert Ocampo. Sino ba ang nagsabing kinikilala pa ang mararangal na tao sa panahong ito?
Si Herbert Ocampo, gaya ng nasabi na, ay isang serbidor sa Sulo Hotel. Subalit hindi siya isang serbidor lamang; isa siyang taong hindi nagpasilaw sa kinang ng salapi. Noong isang araw, nakapulot siya ng isang daang libong dolyar. Isang daang libong dolyar. Limang milyong piso ang katumbas nito.
Maliit lamang ang sahod ni Ocampo at sa kanya lamang umaasa ang kanilang pamilya. Malaki sana ang maibibigay na kaginhawahan ng napulot niyang pera. Subalit sa halip na ibulsa ang salapi, ibinalik niya ito sa may-ari.
At ano ang naging gantimpala ng otel na pinagtatrabahuhan niya sa kanyang katapatan? Isang hamak na gift cheque na walang kayang bilhin liban sa kare-kare at sabaw. Ni hindi naisipang itaas ang kanyang sahod bilang insentibo man lamang.
Umani ng matinding pagbatikos ang hamak na gantimpalang ito. Marami ang tumawag sa Sulo Hotel at nagtanong kung bakit gayong kaylaking kabutihan ang ginawa ni Ocampo ay gayon lamang ang gantimpala sa kanya.
Subalit sa halip na dagdagan ang gantimpala sa kanya, ang tanging ibinigay sa kanya ng naturang otel ay malamig na pakikitungo. Sinisisi siya ng pangasiwaan ng otel sa pagbatikos na natanggap nila, gayong hindi naman siya nagreklamo.
Kung ayaw nila ang nangyaring pag-ani nila ng batikos, sana'y hindi konsuwelo de bobo lamang ang ipinagkaloob nila sa kanilang kawaning matapat. Hindi ginusto ni Ocampo ang pag-ani nila ng batikos; likas iyong dumating sa kanila dahil sa kanilang kasakiman.
Ngayon, dahil sa nangyari sa kanya, nagbabalak siyang iwan na ang kanyang trabaho sa Sulo Hotel, buong kapaitang nagtatanong sa sarili kung bakit kaululan ang ganti sa kanyang katapatan.
No comments:
Post a Comment