Pagpatay kay Beng Hernandez: Alang-Alang sa Pambansang Seguridad?
Isang pangalan ang bumulaga sa mga mambabasa ng mga pahayagan ilang araw makaraan ang Abril 5: si Benjaline “Beng” Hernandez. Natagpuan ang kanyang bangkay, kasama ng mga bangkay ng tatlong iba pa, sa isang liblib na nayon sa Mindanao.
Malaking alingasngas ang nilikha ng pagkakatagpo sa kanyang bangkay. Marami ang nanawagan ng isang masusing pagsisiyasat sa kanyang pagkamatay—mga aktibista, peryodista, at maging si Senador Aquilino Pimentel, Jr.
Ngunit bakit gayon na lamang kalaki ang ingay na nilikha ng pagkakatagpo sa kanyang bangkay? Hindi ba’t halos araw-araw nama’y may natatagpuang bangkay sa kung saang sulok ng Pilipinas?
Nang siya’y mamatay, si Beng Hernandez ang Katulong na Pangkalahatang Kalihim ng Karapatan, isang organisasyong nagsusulong ng karapatang pantao, sa Timog Mindanao, bukod pa sa pagiging Pangalawang Pangulo ng College Editors Guild of the Philippines sa Mindanao.
Nang siya’y mamatay, si Beng Hernandez ay nasa Sitio Bukatol sa Arakan Valley sa Cotabato, nagsasagawa ng pananaliksik hinggil sa kalagayan ng mga magsasaka roon at naghahabol sa pananaliksik ding sinimulan niya noon pang nakaraang taon hinggil sa isang masaker na naganap sa Tababa, na nasa Arakan Valley rin.
Natagpuan ang kanyang bangkay kasama ng mga bangkay nina Crisanto Andrade, Vivian Amora, at Labaon Sinunday.
Ayon sa mga saksing taganayon, si Beng at ang kanyang mga kasama ay nasa isang dampa at manananghali na sana nang biglang magpaputok ang may anim na kasapi ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa pamumuno ng isang Sarhento Antonio Torella.
Ang kasama nilang si Labaon Sinunday, isang Lumad, ay tumakbo, subalit siya’y nahagip ng punlo at napatay. Si Beng at ang dalawa pang natira niyang kasama, sina Crisanto Andrade at Vivian Amora, ay nagsitalon mula sa dampa, datapwat naharang ng mga milisyang CAFGU at ipinagbabalibag sa lupa. Ilang sandali pa’y pawang mga bangkay na ang tatlo, tulad ng naunang napatay na kasama nilang si Sinunday.
Pilit na pinasisinungalingan ng militar at ng Gobernador ng Hilagang Cotabato, si Emmanuel “Manny” Piñol, ang mga salaysay ng mga saksi. Anang mga tagapagsalita ng militar, sina Beng ay mga kasapi ng New People’s Army na napatay sa isang sagupaan. Idinagdag pa ni Gobernador Piñol na ang mga nakasulat sa talaarawan ni Beng ay nagpapatunay na isa siyang “rebelde.”
Unang-una, kung talagang may talaarawan si Beng na nagpapatunay na siya’y isang “rebelde”, tulad ng sinabi ni Gobernador Piñol ng Hilagang Cotabato, bakit tila si Gobernador Piñol lamang ang nakakita ng talaarawang nasabi?
Ikalawa, ang usapin ay hindi kung si Beng at ang kanyang mga kasama ay mga “rebelde” o hindi—ang usapin ay kung tunay nga bang sa isang sagupaan sila nalagutan ng hininga.
Nang matagpuan ang mga bangkay ni Beng at ng kanyang mga kasamang sina Amora at Andrade, nakataas ang kanilang mga kamay, na para bang pilit nilang ipinagsanggalang ang kanilang mga sarili, dili kaya'y nagmakaawa sila.
Basag ang bungo ni Beng, palatandaang ito’y pinukpok o binagsakan ng kung anong mapurol na bagay. Duguan at sugatan ang isa sa kanyang mga kamay. Sunog sa pulbura ang dibdib—hindi ba’t ito’y maliwanag na katibayang siya’y binaril nang malapitan? May mga pasa pa sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at mukha.
Sabog ang ulo ni Andrade.
Lumuwa naman ang utak at bituka ni Amora.
Kung tutuusi’y hindi na kailangan ang mga salaysay ng mga saksing taganayon upang mapag-alaman kung ano talaga ang nangyari kina Beng—ang mga hitsura na ng kanilang mga bangkay ang nagsasabi kung sino ang sinungaling, ang mga saksing taganayon o si Gobernador Emmanuel “Manny” Piñol at ang mga tagapagsalita ng militar.
At ano naman kaya ang isasagot ng militar at ng CAFGU sakaling sila’y tanungin kung bakit gayon ang sinapit ni Beng at ng kanyang mga kasama? Sasabihin nilang sina Beng ay mga subersibo at ang nangyari sa kanila ay nangyari dahil sa kagustuhan ng militar at ng CAFGU na pangalagaan ang pambansang seguridad. Ganyan mangatwiran ang militar at ang CAFGU, kaya’t ang ganyang sagot ay maaasahan nang manggaling sa kanila. Ang batas militar, na kinatampukan ng malawakang paglabag sa karapatang pantao, ay pinangangatwiranan magpahanggang ngayon ng mga lumikha at nagpatupad nito sa pamamagitan ng pagsasabing ito’y kinailangan upang pangalagaan ang pambansang seguridad.
Datapwat maitatanong din naman natin: Si Beng ba at ang kanyang mga kasama ay naging mga banta sa pambansang seguridad?
Nang mamatay si Beng at ang kanyang mga kasama, sinisiyasat nila ang mga paglabag sa karapatang pantao sa pook na kanilang kinamatayan. Samakatwid, namatay silang nagsusulong ng karapatang pantao. Paano sila naging mga banta, kung gayon, sa pambansang seguridad? Hindi ba’t ang pambansang seguridad ay ang katiyakang matatamasa ng isang bansa at ng lahat ng mga indibidwal na kasapi nito ang lahat nilang mga karapatan bilang mga tao nang walang anumang banta ng kaparusahan? Samakatwid, sina Benjaline “Beng” Hernandez, Labaon Sinunday, Crisanto Amora, at Vivian Andrade ay pawang namatay na nagsusulong ng tunay na pambansang seguridad.
Hindi, hindi kailanman naging banta sa pambansang seguridad si Beng Hernandez at ang kanyang mga kasama noong kasumpa-sumpang araw na iyon sa Sitio Bukatol. Subalit sila’y naging mga banta sa isang uri ng “seguridad” na pinakikinabangan ng iilan lamang—ang “seguridad” ng isang sistemang lumalabag sa mga karapatan ng sambayanan. Dahil dito, sila’y pinatay ng mga tagapagtanggol ng nasabing sistema.
No comments:
Post a Comment