Pagpapahalaga sa Soberanya
Kamakailan, habang pilit na isinasaksak ng pamahalaan sa baga ng bayan ang pagpapalawig sa Balikatan, isang insidente sa Mindanao ang bumulaga sa ating lahat.
Kalaliman ng madaling-araw. Natutulog si Buyong-buyong Isnijal sa kanyang dampa kasama ang kanyang asawa. Bigla silang pinasok ng ilang sundalo. May nagpaputok ng baril. Maya-maya’y inakay palabas ang sugatang si Isnijal.
Ayon sa asawa ni Isnijal, isang sundalong Amerikano ang bumaril sa kanyang asawa. Sa dami na raw ng mga nakita niyang sundalong Amerikano ay naisaulo na niya ang hitsura ng mga ito. Kitang-kita raw niya, ang bumaril sa kanyang asawa ay isang Amerikano.
Napag-alaman pagkatapos na ang bumaril kay Isnijal ay isang nagngangalang Reggie Lane.
Ang pangyayari’y umani ng marahas na pagkundena mula sa mga militanteng grupong bumuo sa Lakbay Kalinaw at International Solidarity Mission. Anila, nalabag sa insidenteng ito ang Terms of Reference (TOR) ng Balikatan. Ipinanawagan ng Lakbay Kalinaw at ng International Solidarity Mission ang pagdakip kay Reggie Lane.
Tulad ng inaasahan, naging mabilis pa sa lintik ang ating sakdal ng giting na militar sa pagbibigay-katwiran sa naturang pangyayari. Ayon kay May. Hen. Ernesto Carolina, pinuno ng Southern Command ng Sandatahang Lakas, si Isnijal ay isang kasapi ng Abu Sayyaf. Idinagdag pa niya ang tanong na kung sino ba ang mga bumubuo ng Lakbay Kalinaw at International Solidarity Mission upang maggiit na dakpin si Reggie Lane, gayong hindi naman sila ang hukuman.
Hindi po pinag-uusapan dito ang kung si Buyong-buyong Isnijal ay kasapi ng Abu Sayyaf o hindi, May. Hen. Carolina.
Unang-una, ang pinag-uusapan po rito’y ang soberanya. Malinaw pong nakasaad sa TOR ng Balikatan na ang mga sundalong Amerikano’y hindi maaaring lumahok sa operasyong militar, at maaari lamang na sumabak sa sagupaan kung mangailangang ipagtanggol ang mga sarili. Ni hindi ninyo maaaring ikatwirang ipinagtanggol lamang ni Lane ang kanyang sarili sapagkat papagbali-baligtarin man ninyo ang lohika’y hindi maaari kailanman ang magkaroon ng pakikipagsagupa sa isang natutulog sa kalaliman ng madaling-araw--bukod pa sa walang karapatan si Lane na makihalo sa pagtugis kay Isnijal.
At sino rin ba kayo upang magdikta kung sino lamang ang maaaring maggiit ng pagpapahalaga sa soberanya? Ang soberanya’y pag-aari ng buong bansa, kaya’t karapatan ng sinumang mamamayan ang maggiit ng pagpapahalaga sa soberanya ng kanyang bansa. Karapatan din naman ng lahat ng bansa ang soberanya, kaya’t karapatan ng sinumang kasapi ng sangkatauhan ang maggiit ng pagpapahalaga sa soberanya ng kung alinmang bansa.
At huwag na huwag ninyong maisip man lamang na ikatwirang tumutulong lamang ang mga sundalong Amerikano sa pagsugpo sa terorismo. Kahapon lamang, mismong isang biktima ng Abu Sayyaf ang nagbunyag--sa harap pa ng ating lubhang kagalang-galang na Pangulo--na kaya hindi magapi-gapi ang Abu Sayyaf ay sapagkat ang pamahalaan din ang “nagpapatakbo” sa mga ito.
Maitatanong natin kung ano ang karapatan ng isang pamunuang tulad niyaong kinakatawan ni May. Hen. Ernesto Carolina na ang mga mamamayan ay magbayad ng buwis.
No comments:
Post a Comment