Musikang Mainstream sa Pilipinas, 1976-2002
Parang kailan lang noong ang musikang mainstream sa Pilipinas ay isang tanghalan ng kahenyuhang pansining.
Taong 1976 nang unang pumailanlang sa himpapawid ang "Anak" ni Freddie Aguilar, na susundan niya ng ilan pang magagandang kanta. Sa taon ding ito unang bumanat sa pambansang himpapawid ang Juan de la Cruz Band, na di magtatagal ay maghihiwa-hiwalay, bagama't magkakaroon sila ng kani-kanyang karera sa musika.
Dekada 70 rin nang sumabog sa ating himpapawid ang Asin at nang tayo'y sabihan ng Banyuhay ni Heber Bartolome na huwag mahiya sa ating pagiging mga pango. Sa dekada ring ito nagsimulang mamayagpag ang mestisang folk singer na si Coritha. Dekada 70 rin nang marinig natin ang kauna-unahang mga kanta ni Gary Granada at ng The Jerks sa mainstream ng musikang Pilipino.
Noong mga unang taon ng dekada 80, nagsimulang marinig sa mga rali laban sa diktaduryang Marcos ang Inang Laya. Bagama't naging madalang ang paggawa nila ng mga album, naging mga klasiko naman ng makalipunang musika ang kanilang mga awit, kasama ng mga awit ng mga pangkat na underground tulad ng Buklod Patatag, at The Jerks (dati'y higit na gumagalaw sa musikang underground ang bandang ito, bagama't may ilang kanta sa mainstream) at ng mga soloistang underground din tulad nina Jess Santiago, Pol Galang, Susan Fernandez-Magno, at Gary Granada (ang kalakhan ng karera ni Granada ay sa musikang underground ginugol).
Sa mga ibang bahagi ng dekada 80, nagpatuloy ang pamamayagpag ng Asin at nina Coritha at Freddie Aguilar (na noo'y hindi pa rin nagsisimulang magpakita ng anumang tanda ng pagpurol ng panulat), na sinabayan naman ng pagtuntong ng Apo Hiking Society sa tugatog ng kasikatan at ng mga panimulang hataw ng Lokal Brown.
Ang mga unang taon ng dekada 90 ay kinatampukan ng pagpasok ni Joey Ayala at ng Bagong Lumad at ni Grace Nono sa mainstream ng ating musika. Sumabay dito ang mabilis na pagsikat ng The Dawn at ang pamamayagpag ng mga makabayang kanta ni Francis Magalona.
Ang mga kasabayan ko (mga isinilang noong 1977 hanggang 1979) ay nangagbinata at nangagdalaga sa saliw ng mga kanta ng Eraserheads, Yano, True Faith, AfterImage, Rivermaya, Alamid, Color It Red, Sugar Hiccups, at The Youth.
Ang mga huling taon naman ng dekada 90 ay naging saksi sa matagumpay na ganap na pagpasok nina Gary Granada, Bayang Barrios (na dating kabilang sa Bagong Lumad ni Joey Ayala), at ng The Jerks sa mainstream ng musika natin.
Ang taong 2001 ang naghudyat ng pagpasok ni Noel Cabangon, dating punong bokalista ng Buklod, sa ating musikang mainstream.
Ngunit ngayon, matapos ang lahat ng ito, nasaan ang mainstream na musika sa Pilipinas? Kung magbukas ka ng radyo o manood ng mga music video ay para kang tumama sa loterya kapag may narinig kang kahit isang matinong kanta.
Paano kaya umabot sa ganito ang mainstream na musika sa Pilipinas? At saan ito papunta?
No comments:
Post a Comment