Friday, December 24, 2004

INGAY

Dalawa sa mga blogger na madalas kong bisitahin ang mga blog--sina Ederic at Apol the Great--ang kamakaila'y kapwa may entry hinggil sa maiingay sa mga pampublikong sasakyan.

Mapanudyo si Ederic doon sa taong nakasakay niya minsan sa isang bus, na kay-ingay raw magpatugtog ng kanyang Walkman. "Kung inaakala mong sobrang ok pare ang tingin sa ‘yo ng iba dahil may libreng radyo kang dala," aniya, "sorry nagkakamali ka. Di lahat ng tao ay adik sa music mo! At nga pala, alam mo bang pwede kang gumamit ng bagay na isinasaksak sa tainga nang ikaw lang ang makarinig sa music mo? Earphones ang tawag dun!"

Samantala, ikinukuwento naman ni Apol ang nakasakay niyang mag-asawa sa dyip, na wala raw ginawa sa lahat ng sandaling kasakay niya sila kundi magbungangaan. Partikular niyang inasinta ng kanyang pangungutya yaong ale, na kaipala'y sa labis niyang pagkainis ay napagdiskitahan tuloy niya pati ang amoy.

Ang kanilang mga interesanteng kuwento ay nakapagpapagunita sa akin ng kamakailan din lamang ay sarili kong karanasan sa mga taong nasa pampublikong sasakyan ay walang kapaki-pakialam sa kalagayan ng kanilang mga kapwa pasahero.

Lampas na sa ikasiyam ng gabi noon at ako'y galing sa isang partikular na nakapapagod na coverage. Ipinasya kong samantalahin ang mahaba-haba rin namang biyahe ng bus mula sa may Taft-Gil Puyat hanggang sa aming tinitirhan sa labas ng Kamaynilaan upang matulog.

Aba'y nakatutulug-tulog na ako nang may bigla akong marinig na ingay sa bandang likuran ko. Sa simula'y hindi ko mahanap ang pinagmumulan ng ingay. Muli akong nagsandal ng ulo sa salamin ng bintana at pumikit, naiisip ko'y wala na ang ingay maya-maya lamang.

At doon ko naalaalang hindi magaling ang basta na lamang magpapala-palagay. Ang akala ko'y agad na pinabulaanan ng pagpapatuloy ng walang-katuturang ingay mula sa dalawang mukhang binatilyo dalawang upuan ang layo sa akin, na tila ginagaya ang ilang cartoon character sa telebisyon at sa bawat limang segundo'y pumapatid sa aking pagtapak sa mundo ng mga panaginip (ganoon kalalim ang aking antok noon).

Taglay ang pagkakakumbinsi sa pangangatwirang lahat kaming pasahero'y magbabayad kaya't nauna man sila (nakita ko na silang nakaupo nang ako'y sumakay) ay may karapatan kaming lahat sa isang biyaheng walang istorbo, ipinasya kong gumawa na ng hakbang.

Sa simula'y dinaan ko sa pagtitig. May limang minuto ko silang tinitigan ngunit nahulo ko ring hindi uubra ang taktikang ito, pagkat nakita na nila akong nakatingin sa kanila'y para bang walang anuman sa kanila.

Hanggang sa binigkas ko na lamang, habang nakatitig pa rin sa kanila, ang: "May problema kayo, 'tol? 'Tang ina n'yo, parang kayo lang ang tao rito, a."

(Sa yugtong ito'y hinubad ko na ang aking relo at ethnic bracelet, handang gamitin ang mga kamao kung hihingin ng mga pagkakataon.)

At naging maayos ang biyahe sapul sa sandaling iyon.

Thursday, December 23, 2004

HALAGA NG PANULAAN NG PAKIKISANGKOT

Isang lubhang di-inaasahang pagkakataon ang aming pagkakatuklas ng isang blog entry na nagtatangkang makipagtalo sa minsa'y sinulat namin hinggil sa kapangyarihan ng tula bilang isang anyong pampanitikan at sa di-maiwasang ibinubunga nitong mabigat na katungkulan ng makata sa lipunan. Kundi pa sa pangyayaring may hinahanap kami sa Internet na akda ng isa sa mga binabasa naming makata ay hindi ko pa matatagpuan ang blog entry na ito.

Oo, magpahanggang ngayong tapos na ang batas militar (lusak daw ng batas militar ang tahasang pagdidiskurso tungkol sa tungkuling panlipunan ng manunulat kahit na ito'y nagsimula pa sa panahon ni Dr. Salvador Lopez, noong dekada 1930) ay dapat igiit na may tungkulin ang manunulat--lalo na ang makata--sa pagbabago ng lipunan. Sapagkat ang mga kalagayang ipinagsanggalang mg batas militar--ang dayuhang kontrol sa ating ekonomiya, ang paghihirap ng napakarami sa gitna ng nakalululang kayamanan ng iilan (dahil sa pagsasamantalang tulad ng dinaranas ng mga manggagawa't sakada ng Hacienda Luisita)--ay narito pa rin. Sino ang pangahas na magsasabing nagbago na ang panahon?

Bilang unang sagot sa aming sinulat, sinabi ng blogger na ito--na kapuri-puri't umaamin namang siya'y hindi kritiko ng panulaan--na ang mga pananalita ni Mao Tse Tung sa Yenan Forum ay "laan sa lumang Tsina, hindi sa Tsinang lumalalang ng mga piniratang DVD, mga dekadenteng librong inililimbag nang lihim, mga drogang pangmayaman, at mga rave party."

Sa aming piyesang pinatutungkulan ay ni hindi namin nabanggit ni kapiraso ang Yenan Forum. Si Mao Tse Tung, oo, ngunit ang Yenan Forum?

Kaya naman higit na madali sa aming palagay ang tuusin ang layo sa pagitan ng A at B kaysa huluin kung paano napasok ang Yenan Forum sa usapan.

Sinasabi pa sa blog entry na aming tinutukoy na hindi raw dapat ang ginawa naming pagsasabing lahat ng marunong bumasa'y nagkakaisang ang tula'y siyang pinakamakapangyarihang anyong pampanitikan, liban na lamang daw kung itinuturing naming tula ang "Di ko kayang tanggapin/Na mawawala ka na sa akin" ni April Boy Regino, na talaga namang hindi namin itinuturing na tula--na kanya namang kinilala at dito siya tumama.

Nasa ganitong linya ng pangangatwiran ang pagpapalagay na higit pang pinipili ng masa ang mga kantang tulad ng kay April Boy Regino kaysa sa mga tula. Ngunit sabihin nga ninyo sa amin, ilan sa mga tagapakinig ni April Boy Regino ang may pagkakataong makabasa ng tula, sa bansang ito kung saan kakaunti ang mga pampublikong aklatan at kakaunti ang mga paaralang may mahuhusay na aklatan (at ilan nga ba ang nakapag-aaral sa dinami-rami ng tao sa Pilipinas?) at kaymamahal ng karamihan sa matitinong aklat sapagkat mahal na nga ang papel ay binubuwisan pa nang mataas ang publikasyon?

Bilang isang hindi lamang manunulat ng tula kundi mambibigkas din nito, magyayabang na kami at magsasabing walang maaaring makipagtalo sa amin hinggil sa kapangyarihan ng tula--lalo na ang mga hindi kailanman nakasubok na bumigkas ng tula sa harap ng publiko dahil kaagad nang nag-akalang walang makikinig sa kanila dahil higit na gugustuhin ng madlang marinig ang mga kabalbalang tulad ng: "Kailangan pa bang i-memorize 'yan?"

Sa gulang naming 27 ay marami-rami na ang aming karanasan sa pampublikong pagbigkas ng tula. Nakabigkas na kami ng tula maging sa mga lunan kung saan tiyak naming ang karamihan sa mga tagapakinig ay hindi aktibista (nababanggit namin ito dahil tinukoy ang aming pagkakasangkot sa kilusang protesta, at baka sabihin sa aming natural na maiintindihan kami ng mga nakakasalamuha namin sa kilusang ito). Nakikita namin ang kapangyarihan ng tula sa nagiging tugon ng madla sa aming mga pagbigkas--at binibigkas.

Bukod pa'y bakit higit nating madaling matandaan nang eksakto ang maiinam na linya sa mga tulang nababasa natin kaysa sa mga eksena sa mga kuwento o dula o nobela?

Nabanggit na rin lamang ang mga kanta ni April Boy Regino ay lubus-lubusin na natin. Sa tinukoy naming argumento laban sa pagsasabi naming pinakamakapangyarihang anyong pampanitikan ang tula ay may kubling panduduro sa mga karaniwang tao, na silang pangunahing inaabot ng panitikang makabayan at makalipunan sapagkat sila naman talaga ang may mapagpasyang papel sa kasaysayan dahil sa kanilang bilang: may natatagong pagpapalagay na walang alam ang masa liban sa maakit sa mga katarantaduhang "kanta" at iba pang kaungasan ng kulturang popular.

Baka magulat kayo kapag ipinakilala ko sa inyo ang sandamukal na nakikilala kong nagmula sa itinuturing na pinakamahuhusay na pamantasan sa Pilipinas, na mga tagahanga ng mga "kantang" pinaggagagawa ni Lito Camo para sa Sex Bomb at Viva Hot Babes ngunit hindi maunawaan ang mga tulad ng "Kung ang Tula ay Isa Lamang" ni Jess Santiago (sapagkat hindi naman nagsanay na magbasa ng ganitong mga sulatin kahit na ang mga ito'y abot-kamay lamang nila sa mga aklatan ng kanilang kasindak-sindak na mga pamantasan).

Hindi monopolyo ng mga kapos sa pormal na pinag-aralan ang kamangmangan, at mapatatawad ang "kamangmangan" ng mga tulad nila dahil sila'y kapos sa pagkakataon. Ngunit kapag inihatid sa masa ang makabuluhang sining ay kaya nilang unawain at pahalagahan ito, na pinatunayan ng pagdagsa ng mga karaniwang taong-kalye sa Kulturang Kalye noong Pebrero 2003, kung saan kasama sa mga nagtanghal at matinding pinalakpakan ng mga manonood sina Jess Santiago, Heber Bartolome, Joey Ayala, at Gary Granada.

At sapagkat ang masa'y may kakayahang umunawa sa sandaling dalhin sa kanila ang panitikan--lalo na ang tula--na nananawagan ng pagbabago sa kalagayan ng bansa't lipunan, may katungkulan ang lahat ng manunulat, lalo na ang mga makata, na tumalunton sa landas ng pakikisangkot.

Thursday, December 16, 2004

KAY LIGAYA PARAISO, NA MALAMANG SA HINDI'Y NAGIMBAL NANG MAPAG-ALAMANG SIYA'Y HINDI IPAPASOK NA KATULONG KUNDI IBUBUGAW

Ang Misis Cruz na iyon ay Misis Cruz lamang habang nangangalap ng babae. Sa tunay na Siya, siya'y hindi si Misis Cruz.

Marahil ay maganda si Ligaya at sina Edes at Saling ay hindi. Hindi ipapasok na alila ang isang magandang dalaga. Sayang. Higit siyang pagkakasalapian sa ibang paraan. Puwede, halimbawa, na ibenta sa isang "kasa." Sa ano't ano man, tiyak na si Ligaya ay kulong, walang laya, (kaya't) ni hindi makasulat sa kanyang mga dapat sulatan.


-- Edgardo M. Reyes, Sa mga Kuko ng Liwanag

I
Matagal ka nang ibinubugaw, Ligaya Paraiso.
At hindi lang ikaw.

II
Sangkatutak ang "pambansa" sa ating bayan:

Pambansang kasuotan.
Pambansang bulaklak.
Pambansang sayaw.
Pambansang hayop.
Sandamukal na pambansang lansangan.

Idagdag mo na riyan
ang pambansang Misis Cruz.

III
Ligaya, kaytagal mo nang ibinubugaw,
at hindi lang ikaw.
Naroon sa palasyo sa may Ilog Pasig
ang pambansang Misis Cruz,
na bukod
sa pagiging kabugaw-bugawan sa lahat ng bugaw
ay kaputa-putahan din sa lahat ng puta.

IV
Sa isang digmaan noon, Ligaya,
binura ng mga mamamayang Biyetnames
sa mukha ng mundo
ang kanilang pambansang Misis Cruz
na si Ngo Dinh Diem,
at pinalayas
ang lahat niyang suki.

Sunday, December 05, 2004

HEIGHT OF HISTORICAL MENDACITY

In a speech at the University of the Philippines last Nov. 23, F. Sionil Jose, 2001 National Artist for Literature, attacked nationalist statesmen Claro M. Recto and Lorenzo Tañada--while in the same breath calling for a "revolution"--in keeping with what seems to be a habit he developed through the years. He branded the nationalism they preached as "phony" and "socially meaningless."

This idea runs through his novels and short stories. Of late, in his novel Viajero (1993), Pepe Samson tells the protagonist Salvador de la Raza: "The bourgeois nationalists--Recto and Tañada--they merely hated the Americans." Pepe Samson is the protagonist of an earlier novel, Mass (first published in translation, 1982) in which C.M. Recto Avenue in Manila, named after the late statesman, is called the Rectum of Manila.

Jose has never elaborated on his basis for berating Recto and Tañada, except to say repeatedly in his columns that: "Recto and Tañada opposed agrarian reform, the single most important political act that could have lifted this country then from poverty and released the peasantry from its centuries-old bondage."

The role of the US in Philippine affairs is never to be downplayed. Jose might be interested to find out that the US Agency for International Development (USAID) had a hand in several Philippine land reform programs--including the Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) of 1988. The Philippine peasantry remains bound to penury, except in areas where agrarian reform has been undertaken in a revolutionary manner--beyond the confines of government.

Recto could indeed be faulted for opposing agrarian reform at some point in his life. But based on their record, to automatically label his and Tañada's nationalism as "phony" and "socially meaningless" for this is to commit treason against history.

For the record, Recto and Tañada contributed immensely to the quest for Filipino economic sovereignty. They were among the most prominent proponents of a national economy characterized by well-developed, Filipino-owned industries that would be the primary users of raw materials produced on Philippine soil.

The correctness of this idea of theirs would be proven in due time. The Filipino First Policy implemented during the Carlos P. Garcia presidency (1957-61), though in nature very conservative compared to Recto and Tañada's nationalist industrialization advocacy, did considerable wonders for the Philippine economy.

Recto and Tañada had the prescience to understand that an economy which receives investments from foreign capital but allows massive repatriation of profits, notwithstanding the use of its own resources, would suffer the pain of decapitalization. We have our ballooning foreign debt, caused by the continuous depletion of our dollar reserves, to prove that: from $150 million in 1961 to $56 billion in 2004.

Likewise, it was Recto and Tañada who first articulated opposition to foreign military presence on Philippine soil. They comprehended well that hosting foreign military bases is tantamount to inevitable involvement in foreign wars--an affront to sovereignty. Indeed, many US attacks on Vietnam were launched from Subic and Clark, making the Philippine government an accomplice to mass murders like the My Lai Massacre.

Recto could indeed be criticized for opposing land reform at some point in his life. For most of his life, he did not have enough awareness of the nature of the Philippines as a neocolonial and semi-feudal economy to realize that genuine agrarian reform is an inevitable prerequisite to nationalist industrialization, for it is the liberation of the country's most numerous sector and thus the largest component of its consumer base--the peasantry--from poverty that will catalyze the establishment, and ensure the sustenance, of strategic national industries.

But in his last years, his articulations were beginning to contain the seeds of advocacy for a more equitable distribution of wealth, aside from his nationalist ideas. He was on his way to appreciating the value of real agrarian reform.

In any case, his critique of US neocolonialism was and still is instructive in the analysis of Philippine economic conditions.

As for Tañada, former Sens. Arturo Tolentino and Rene Saguisag have set the record straight for him. He opposed Diosdado Macapagal's land reform bill not because he was opposed to land reform, but because it had provisions incompatible with the Constitution.

Anyhow, Macapagal's land reform was a very tame one that offered a lot of loopholes for big landlords.

Moreover, it is best that a man be judged by the totality of his life. That Tañada founded and headed the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan or New Patriotic Alliance) which includes under its umbrella groups advocating genuine agrarian reform, and that he expressed total sympathy for the victims of the Mendiola Massacre, are telling enough.

That Recto opposed land reform at one point and Tañada voted against a land reform bill does not automatically mean that they are worthless to this country's history. Even Jose Maria Sison--an intellectual and activist far more radical than the 2001 National Artist for Literature could ever claim to be or have been--acknowledges debts to the two nationalist stalwarts.

To brand Recto and Tañada as "phony" and "socially meaningless" nationalists is the height of historical mendacity.

Friday, November 19, 2004

MAY HANGGAN ANG LIPAD NG KAPALALUAN

(Kay Kris Aquino, matapos niyang ipagmalaking ang kanyang mga alahas ay "katas ng Hacienda Luisita")

Gaano maaaring kumapal ang mukha ng tao?
Higit pa sa kapal ng etera
ng buong kalawakan.

Kaya naman nasisikmurang magyabang ng tao
kung kanyang naipambibili ng pinakamahal na mga alahas
ang dugong piniga mula sa nag-uusliang ugat
ng mga manggagawa't sakada sa tubuhan.

Ngunit hanggang saan makalilipad ang kapalaluan?
Hindi sapat ang kislap ng mga alahas
upang pawiin ang pagdidilim ng karangalan.

Kristina,
ngayon pa lamang ay nalulusaw na ang inyong pangalan
sa naglalagablab na panduduro ng kasaysayan
na magsasalaysay ng inyong kaimpaktuhan.

Wednesday, November 17, 2004

HACIENDA LUISITA

Sa tamis ng bawat iluwal mong butil ng asukal
ay pait ng luha't pawis ng sakada't manggagawa
na nilalamon ng kagutuman.
Sa bawat pakikibaka alang-alang sa buhay
ng mga nagbubungkal ng iyong lupa
ay may paghingang pinuputol ng mga punlo
sa ibabaw ng iyong nabubundat na tiyan.

Hacienda Luisita,
saanman ibaling ang mga mata
ay mukha mong nakangisi ang natatanaw:
nakikita ko sa iyong mga pinaslang na welgista
ang mga ibinuwal na sakada ng Escalante
at mga itinumbang magsasaka sa Mendiola.

Magpista ka, Hacienda Luisita,
sa tamis ng dugo ng mga binaklasan ng buhay
nang dahil sa paggigiit ng karapatang mabuhay.
Ngunit mangilabot ka,
pagkat wala pang nakapagbubuwal
at walang makapagbubuwal
sa Bundok Arayat!

Tuesday, November 09, 2004

AKO AY PILIPINO (?)

Sa isa sa kanyang pinakabagong mga kolum sa diyaryong Pinoy Gazette, na kanya ring inilabas bilang isang blog entry sa kanyang website, ang kaibigan namin at kapwa manunulat na si Ederic Eder ay nagbato ng isang magandang tanong na sukat pag-isipan ng bawat Pilipino: "Awtomatikong Pilipino ka na ba kung ikaw ay may ninunong Pinoy at kumakain ng adobo o marunong (kumanta) ng 'Ako ay Pilipino'?"

Ang tanong ay kanyang ipinupukol sa konteksto ng lubhang malaking media blitz na natanggap ng pagdating sa Pilipinas ng American Idol finalist na si Jasmine Trias. Sa press conference kasing isinagawa nang dumating sa bansa ang laking-Hawaii na instant celebrity, sinabi nitong siya'y isang Pilipino sa kaibuturan ng kanyang puso kahit na siya'y lumaki sa ibang bansa, at bilang isa sa mga pagpapatunay nito ay ibinahagi niyang alam niya ang kantang "Ako ay Pilipino."

Napanood namin sa telebisyon ang eksenang iyon habang sakay kami ng isang bus pauwi mula sa trabaho. Agad naming naalaala ang sinabi ni Sen. Aquilino Pimentel, Jr. tungkol sa kantang ginamit ni Trias upang patunayan ang kanyang pagka-Pilipino.

Sa isang higit na maagang bahagi ng taong ito, si Pimentel ay binatikos ng isang artikulo sa Philippine Daily Inquirer nang sa isang okasyon ay hindi niya nagawang sabayan nang maayos ang mga kasama niya sa pagkanta ng "Ako ay Pilipino." Isang liham sa patnugot ang isinagot ni Pimentel sa artikulong iyon; sinabi niyang ang naturang kanta'y kanyang iniwasan "na tulad ng isang salot" noong panahon ng batas militar (1972-86).

Yaong may mahahabang alaala sa kasaysayan ay kaagad na makagugunita sa sinabing ito ni Pimentel sa pangyayaring ang "Ako ay Pilipino" ay bahagi ng kultural na aparato ng diktadurang Marcos. Ito'y nilikha ng maninitik-kompositor na si George Canseco sa bisa ng isang kumisyon mula sa dating Unang Ginang Imelda Marcos. Isa sa mga linya ng kantang ito ay "Isang bansa, isang diwa"--islogan ng pasistang rehimen.

Nababanggit namin ang lahat ng detalyeng ito sapagkat pawang mahalaga sa pagsusuri kung tunay nga bang nagtatanim ng maka-Pilipinong diwa ang kantang "Ako ay Pilipino" sa mga tagapakinig.

Narito ang mga linya ng "Ako ay Pilipino" bago ang koro:

Ako ay Pilipino
Ang dugo'y maharlika
Likas sa aking puso
Adhikaing kayganda

Sa Pilipinas na aking bayan
Lantay na Perlas ng Silanganan
Wari'y natipon ang kayamanan
ng Maykapal

Bigay sa 'king talino
Sa mabuti lang laan
Sa aki'y katutubo
Ang maging mapagmahal

Kung ang mga linyang ito at ang mga linyang ito lamang ang titingnan, kaagad nating pakakahuluganan ang kanta bilang isang pagmamalaki sa pagiging Pilipino ng Pilipino.

Pumunta na tayo sa koro:

Ako ay Pilipino
Ako ay Pilipino
Isang bansa, isang diwa
Ang minimithi ko

Sa bayan ko't bandila
Laan, buhay ko't diwa
Ako ay Pilipino
Pilipinong totoo

Ako ay Pilipino
Ako ay Pilipino
Taas-noo kahit kanino
Ang Pilipino ay ako

Sa unang taludtod sa koro, ang masasagap ay waring isang hangad na magkaisa ang bansa. Doon naman sa sumunod na taludtod ay tila inihahayag ang isang kahandaang mag-alay ng talino at maging ng buhay alang-alang sa bansa at sa bandilang kinakatawan nito.

Lahat nito'y magdadala sa atin sa ilang tanong: Makabayan nga ba ang rehimeng Marcos? Pagkamakabayan ba ang nagbunsod ng pagkakadeklara ng batas militar? Kung gayo'y bakit kayraming makabayan tulad nina Lorenzo Tañada at Jose W. Diokno ang nabilanggo sa panahon ng pag-iral nito?

Balikan natin sandali kung ano ang nagsilang sa batas militar ni Marcos.

Ang sinundan ni Marcos sa pagkapangulo ng Pilipinas ay si Diosdado Macapagal, ama ng kasalukuyang pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo. Kilala si Macapagal sa pagpapatupad ng patakarang decontrol sa ekonomiya: pinababa niya ang mga taripa sa mga angkat na produkto, at hinayaan niya ang walang-sagkang repatriyasyon ng mga tubo ng mga korporasyong multinasyunal.

Ang mga empresa natin, kung saan lamang ang mga multinasyunal pagdating sa dami ng kapital at taas ng teknolohiya, ay natalo sa kumpetisyong idinulot nito, at bumilis ang pagkalagas ng kapital ng bansa. Ayon sa istoryador-ekonomistang si Ricco Alejandro M. Santos, humantong ito sa pagkakapinid ng 10,000 empresa at malawakang pagkawala ng mga trabaho.

Ang mga kalagayang nilikha ng panguluhan ni Macapagal ay nagluwal din ng isang malawakang makabayang kilusang protesta.

Papalakas ang kilusang ito nang maging pangulo si Marcos noong 1965, at nang muli siyang mahalal noong 1969 ay sumuot na ang adyenda nito maging sa mga bulwagan ng kairalan.

Nang taong nabanggit, ang Kongreso, dama ang matinding pagtutulak ng mga makabayang sektor, ay nagpasa ng isang Magna Carta na nagsusulong ng makabansang industriyalisasyon laban sa mga dikta ng Kambal ng Bretton Woods (International Monetary Fund at World Bank o IMF-WB). Noong 1971-72, malakas ang dating ng mga makabayang puwersa sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Noong 1972, ipinawalang-bisa ng Kataas-taasang Hukuman ang lahat ng pagkakapagbili ng lupang Pilipino sa mga dayuhang korporasyon matapos ang 1945 (kasong Quasha), at pati ang mga pagtataas ng presyo ng langis ng mga dayuhang kumpanyang nagbebenta nito.

Ang kauna-unahang hakbang ni Marcos matapos ang pagpapatupad ng PD 1081 ay ang pagbabaligtad sa kasong Quasha. Mismong isang ulat ng Kongreso ng Estados Unidos ang nagsabing noong panahon ng batas militar ay nag-ibayo ang mga pribilehiyo ng mga banyagang korporasyon sa Pilipinas.

Sa panahon ng batas militar, maraming dinakip at ibinilanggong lider at kasapi ng mga kilusang nagsusulong ng soberanya at katarungang panlipunan. Ang batas militar ay tugon ng gobyernong Marcos sa palakas nang palakas na panawagan para sa batayang pagbabago ng lipunan.

Ngunit sa isang antas ay alam nina Marcos na sa lakas ng kilusang protesta ay hindi nila ito magagapi sa pamamagitan lamang ng dahas, kaya't gumamit din sila ng propaganda. Ito ang malambot na aspeto ng diktadura.

Pangunahin sa mga hakbang tungo rito ang "pagpaparangal" sa aktibistang manunulat na si Amado V. Hernandez (yumao noong 1970) bilang Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan noong 1973. Sa pamamagitan nito, nilayon ng diktadurang palitawing tinatangkilik nito ang radikal na diwa sa makabansa at makalipunang mga akda ni Ka Amado.

Ngunit pansining kayraming manunulat na sumunod sa mga yapak ni Ka Amado ang dumanas ng iba't ibang hagupit ng estado noon ding batas militar: Jose Maria Sison, ang magkapatid na Jose at Emmanuel Lacaba, Lorena Barros, Alan Jazmines, Bonifacio Ilagan, Satur Ocampo, Bienvenido Lumbera, Luis Teodoro, Renato Constantino, Armando Malay, at iba pa. Kung buhay si Hernandez nang magkaroon ng batas militar, tiyak na siya'y parurusahan din ng estado.

Sumakabilang-buhay na nga lamang si Hernandez noon kaya't hindi na makapagtanggol laban sa pambabaluktot sa kanyang diwa.

Ang kantang "Ako ay Pilipino" ay isang tusong pagtatangkang ilihis ang direksiyon ng nasyunalismong inabot ni Marcos na lumalaganap. Inilalako ng naturang kanta ang isang nasyunalismong walang pagtutol sa neokolonyal na dominasyon ng Estados Unidos sa Pilipinas. Nilalayon ng kantang itong tanggalan ng ngipin ang uri ng makabayang diwang kumakalat noon.

Ang "Isang bansa, isang diwa" sa naturang kanta ay siya ngang islogan ng diktadura, at isang panawagan sa "pagkakaisa" ng bansa sa likod ng makadayuhan, makamayaman, at mapanikil na "Bagong Lipunan."

Anti-Pilipino, kung gayon, ang kantang ito. Sinumang nagsasabing siya'y Pilipino dahil alam niyang kantahin ang "Ako ay Pilipino" ay nangangailangan ng masusing pagbabasa sa ating kasaysayan.

Tuesday, November 02, 2004

KALATAS SA ISANG MANG-AAWIT

Di ko kailangang magpaguwapo
Upang hangaan, pansinin ng tao
Ang kailangan ko'y ang maging totoo
Awitin ang dapat sa panahong ito

-- Heber Bartolome, "Ako'y Mang-aawit ng Aking Panahon"
(Kalamansi sa Sugat, 1985)

Sana’y di ka pa tumitigil
sa pananahi ng mga bagong awitin ng bayan.
Panahon mo’y panahon ko rin:
nasa iisang pahina tayo ng kasaysayan,
nakalugal nga lamang
sa magkaibang talata.

Noon at ngayon ma’y maraming nagugutom,
nagugutom sa gitna
ng pagkaing sapat upang magpatubo
ng impatso sa lahat:
ginugutom
ni Tiyo Samuel
at ng dugong-bughaw na kanyang mga alila.

Di nalulusaw
ang pangangailangang maghiwa ng palad
at magpiga ng kalamansi sa mga sugat:
laganap ang musikang hinabi
sa gayuma ng Ibong Adarna,
ginagawang bato ang mga utak
at pinapawi sa paningin
ang mga sakit ng ating bansa.

Maaaring nauna ka sa akin,
ngunit iisa ang ating panahon:
ito’y panahong kayraming katotohanan
ang itinatago.
Sana’y di ka pa tumitigil
sa pagtatahi ng mga bagong awitin ng bayan:
awitin natin
ang dapat awitin sa panahong ito.

Wednesday, October 27, 2004

SA AKING PANULAT

Huwag sanang tulutan ng tadhana
na ako'y lisanin mo sa gitna ng digma.
Ikaw ay masong magagamit
sa pagpapanday ng isang bayan
kung saan walang taong parang asong nakagapos
habang hinihimod ang paa ng kung sino,
kung saan ang mga tao
ay mga mulawing lahat at di mga kawayan.
Ngunit kung wala kang iuukit sa papel
kundi isang pumpon ng mga pinabanguhang kahangalan,
mabuti pang ang mga kamay ko
ay magkadurug-durog sa riles,
dili kaya'y tamaan ng isang libong lintik
upang ikaw
ay di ko na mahawakan pa.

Tuesday, October 26, 2004

PANULAAN AT LIPUNAN

Lahat ng marunong bumasa'y nagkakaisang ang tula'y siyang pinakamakapangyarihang anyong pampanitikan. Walang sumasalungat sa dating sinabi ng manunulat na si Rogelio Sicat na ang makata'y isang "maestro ng salita."

At bakit naman hindi sasang-ayunan ito? Ang pilosopong Pranses na si Voltaire ang nagsabi: "Isang kanais-nais na katangian ng tula na kaunting tao ang kakaila; iyo'y lalong maraming sinasabi at sa lalong kaunting salita lamang kaysa sa tuluyan." Samantala'y inihambing naman ng makata-kritikong pampanitikang si Matthew Arnold ang tula sa tuluyan sa paraang ganito: "Tuluyan--mga salita sa kanilang pinakamabubuting kaayusan; tula--pinakamabubuting salita sa kanilang pinakamabubuting kaayusan."

Tungkol naman sa pagiging manunulat, ang mga manunulat mismo'y may sanlibo't isang pala-palagay kung bakit sila nagsusulat.

Subalit sa kadulu-duluhan, ang pagiging manunulat ay isang pampublikong tungkulin. Malakas ang intelektuwal na impluwensiya ng manunulat, lalo na ng magaling na manunulat, at bawat salitang kanyang iukit sa papel ay nakaaabot sa maraming tao sa loob ng maikling panahon lamang.

Kung ang manunulat ay walang maitatatak sa papel na makapag-aambag sa kamalayan ng kanyang mga mambabasa hinggil sa mundong kanilang ginagalawan, walang katwiran--at masasabi pa ngang isang nakasusulukasok na pandurugas--ang paghikayat niya sa madlang maglaan ng oras upang basahin ang kanyang "obra" gayong maraming higit pang makabuluhang gawain ang maaari nilang mapagbuhusan niyon.

At isang napakalaking bahagi ng mundong ginagalawan ng tao ang lipunan. Lahat ng tao'y bahagi ng lipunan, kaya't lahat ay naaapektuhan nito at nakaaapekto rito. Malaki, kung gayon, ang pananagutan ng manunulat sa paglahok sa pagsasaayos ng lipunan.

Higit na mabigat sa makata ang hamong tumalunton sa landas ng pakikisangkot, dahil nga sa higit na kapangyarihan ng mga akdang kanyang nililikha. Kung ang isang makata'y aabutin ng pagkaputi ng buhok nang walang iniaambag na hiwaga ng kanyang panulat sa paglikha ng isang malaya at makataong lipunan, ang bawat uban ay dapat niyang ituring na tinik, ayon nga sa makatang si Isagani sa nobelang El Filibusterismo ni Jose Rizal, sapagkat sa mahabang panaho'y para siyang nabuhay bilang isang patay.

Kung babaybayin ang kasaysayan ng daigdig, maraming makikitang makatang sa iba't ibang antas ay nakaimpluwensiya at nasangkot sa mga kilusan sa pagbabago.

Nangunguna ang mga halimbawa nina Pablo Neruda at Victor Jara ng Chile, Ho Chi Minh ng Biyetnam, at Mao Tse Tung ng Tsina. Sa kasagsagan ng proletaryong pakikibaka sa Estados Unidos sa panahon ng Depresyon (1929 at kabuuan ng dekada 1930), naging inspirasyon ng kilusang manggagawa roon ang isang Woody Guthrie at isang Carl Sandburg. Noon namang kainitan ng kilusan sa karapatang sibil at kampanya laban sa Digmaang Biyetnam noong dekada 1960, sa bansa ring iyon, naging mga idolo ng madla sina Robert Lowell, Allen Ginsberg, at ang noo'y progresibo pang si Bob Dylan.

Kung titingin naman tayong mga Pilipino sa sariling bayan, aba'y mahaba-haba rin naman ang makikita nating talaan ng mga makata ng pakikisangkot sa iba't ibang yugto ng ating kasaysayan.

Nariyan si Francisco Balagtas, na ang Florante at Laura'y isang anti-kolonyal na epikong binihisan ng damit-pantasya upang makalusot sa mga Kastilang sensor at maipabasa sa madla. Si Rizal ay may tula tungkol sa kahalagahan ng sariling wika at sa katamisan ng mamatay alang-alang sa bayan, at sa isa sa kanyang mga tula nagmula ang magpahanggang ngayo'y inuusal na ang kabataan ang "pag-asa ng bayan." Sa panahon ng himagsikan laban sa mga Kastila, naging bukambibig ng madla ang mga mapanghimagsik na tula nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto.

Sa mga unang dekada ng pananakop ng Amerika sa Pilipinas, namayagpag ang mga Cecilio Apostol at Aurelio Tolentino. Pagdating ng mga huling bahagi ng dekada 1910 hanggang sa kalagitnaan ng dekada 1920, lilitaw naman ang mga Jose Corazon de Jesus at Amado V. Hernandez. Sa huling bahagi ng dekada 1920 at sa kabuuan ng dekada 1930, makikita ang pagpasok sa eksena nina Salvador P. Lopez at Carlos Bulosan.

Marami sa kanila ang sinawimpalad na mabawian ng buhay bago ang 1940. Dalawa naman sa kanila, sina Lopez at Hernandez, ang lumahok sa pakikidigma laban sa pananakop ng Hapon noong 1942-45. (Ang dalawang ito'y pareho pang umabot sa dekada 1970, at si Lopez ay pumanaw noong 1991.)

Iluluwal ng dekada 1950 ang mga E. San Juan, Jr. at Jose Maria Sison. Sa unang hati naman ng dekada 1960 ay lalabas ang mga Gelacio Guillermo at Elmer Ordoñez.

Sa ikalawang hati ng dekada 1960 ay papasok sa eksena sina Lorena Barros, Rogelio Mangahas, Levy Balgos de la Cruz, Teo Antonio, Bayani Abadilla, at Lamberto Antonio. Si Rogelio Ordoñez, na naunang makilala bilang isang kuwentista, ay magsisimulang maglathala ng mga tula sa panahon ding ito. Si Eman Lacaba, na malakas na naimpluwensiyahan ng Pormalismo, ay magsisimulang tumula tungkol sa panlipunang protesta sa ganito ring yugto ng kasaysayan. Isang Bienvenido Lumbera, na naunang mapabantog bilang isang kritikong pampanitikan, ang magsisimulang lumikha ng mga progresibong tula sa panahong ito.

Sa mga unang taon ng dekada 1970 at sa kalagitnaan ng Batas Militar, makikita ng madla ang mga tula nina Alan Jazmines, Heber Bartolome, Romulo Sandoval, Fidel Rillo, Edel Garcellano, Nonilon Queaño, Virgilio Vitug, Jesus Manuel Santiago, at Lilia Quindoza (na magiging kabiyak ni Santiago). Isang Pete Lacaba--nakatatandang kapatid ni Eman na tulad niya'y nauna ring maimpluwensiyahan ng Pormalismo--at isang Rolando Tinio na naunang maimpluwensiyahan ng New Criticism, ang sa panahong ito'y magsisimulang lumikha ng mga tula ng pakikisangkot.

Sa panahon ding ito, si Guillermo'y makikilala sa rebolusyonaryong kilusang lihim bilang si Kris Montañez. Si Eman Lacaba nama'y mamumundok at susulat ng mga rebolusyonaryong tula gamit ang ngalang-sagisag na Felipe Dagohoy. Magluluwal din ang kanayunan ng mga rebolusyonaryong tula mula kina Barros (na namundok din), Wilfredo Gacosta, Ruth Firmeza, at Jason Montana. (Sina Eman Lacaba, Lorena Barros, at Wilfredo Gacosta ay pawang mapapaslang ng militar sa kanayunan bilang mga mandirigmang-bayan).

Sa pagitan ng huling hati ng dekada 1970 at kahabaan ng dekada 1980, susulpot naman ang mga Joey Ayala, Abet Umil, Vim Nadera, at Luisito Queaño.

Karamihan sa kanila'y buhay pa at tumutula magpahanggang ngayon, lalo na si Jesus Manuel Santiago na linggu-linggo'y may bagong tulang lumalabas sa pahayagan. Samantala, sila ngayo'y nasasamahan na rin ng mga higit na batang tinig sa panulaan, tulad nina Bomen Guillermo (anak ni Gelacio), Richard Gappi, Kerima Tariman, Ericson Acosta, at iba pang katulad.

Patuloy na nalilikha sa Pilipinas ang mga bagong henerasyon ng mga makatang tumatalunton sa landas ng pakikipaglaban para sa kalayaan at katarungang panlipunan. Na siya lamang na dapat na mangyari sapagkat nananatili sa ating bansa ang ekonomiyang kontrolado ng mga dayuhan, pulitikang nagtataguyod sa ganitong kaayusan ng ekonomiya, at kulturang umaayon sa ganitong mga kalagayan; isang sistemang panlipunang higit na nagpapahalaga sa yaman ng iilan kaysa sa karapatan ng lahat na mamuhay bilang tao, at tiwaling burukrasya.

Nananatili sa mga manunulat ng ating bayan, lalo na sa kanyang mga makata, ang hamon ng kasaysayan. Malaki ang mawawala sa buhay ng isang makatang Pilipino kung hindi siya tatalima sa hamong ito.

Sunday, October 24, 2004

TUNGKULIN NG MANUNULAT SA LIPUNANG PILIPINO

Lahat ng tao'y bahagi ng lipunan. Kaya naman balanang gawin ng isang tao, mula sa pagkaliliit na bagay hanggang sa lalong malalaking kagagawan, ay makaaapekto at makaaapekto sa lipunan sa kadulu-duluhan.

Ang gawin mo sa isang kapwa tao'y lilitaw sa mga susunod niyang gagawin sa mga kapwa tao rin, batay sa kung ano ang magiging epekto nito sa kanya. Ang sabihin mo sa ibang tao, kung kikiliti sa kanyang utak, ay ipamamahagi niya sa lahat ng kamag-anak at kakilalang makakaya niyang paabutan nito.

Lalong nagiging matalim ang katotohanan ng mga ito kung ang pag-uusapan nati'y ang mga manunulat. Dahil sa kapangyarihan nilang tumawag-pansin sa pamamagitan ng pagbubuhul-buhol ng mga salita at sa dami ng taong maaaring maabot ng kanilang mga panulat sa maikling panahon lamang, may malaking pananagutan ang mga manunulat sa kung ano ang ibubunga ng kanyang mga akda sa lipunang kanilang ginagalawan.

Kung sa isang lipunang pinangingibabawan ng kabalighuan ay walang itatatak sa papel ang manunulat liban sa mga pagmumuni-muni tungkol sa kung paano kaya niya susunod na sasabihin sa kanyang "nilalangit" ang "Walang katuturan ang buhay ko kung wala ka," dili kaya'y mga grapikong paglalarawan ng kung paano nagkaladyaan ang kapitbahay niyang mag-asawang binosohan niya isang gabing wala siyang maisipang gawing matino, mananatili ang pangingibabaw ng kabalighuan sumulat man siya o hindi.

Sa ganito'y para na rin siyang hindi sumulat, at mabuti pa kung hindi na lamang siya sumulat. Iniwan na lamang sana niyang blangko ang papel at ibinagsak sa lansangan, at baka sakaling mapulot ng isang batang ayaw nang pumasok sa paaralan dahil wala siyang pambili ng papel na gagamitin sa pagsusulit at hindi rin siya makahingi sa mga kaklaseng nagtitipid naman dahil may kamahalan ang school supplies at maliit ang kita ng kanilang mga magulang.

Tungkulin ng manunulat ang maliwanag na magsulat tungkol sa lipunan upang udyukan ang mambabasang kumilos tungo sa ikaaayos nito. Bagama't maaari namang sumulat ang manunulat tungkol sa wagas na pag-ibig sa isang kasintahan o sa tapat na samahan ng magkakapamilya o magkakaibigan o sa pag-aalinlangan ng isang tao sa kanyang sarili--pagkat ang mga ito'y nangyayari sa buhay ng tao at ang panitika'y tungkol sa buhay ng tao--hindi dapat na tungkol lamang sa mga ito ang kanyang isusulat: dapat siyang mag-ukol ng malaking bahagi ng kanyang panulat sa mga paksang panlipunan.

Sa ating kasaysayan, makahahanap tayo ng mahaba-habang listahan ng mga manunulat na nakatugon--sa iba't ibang antas--sa kahingiang iyan.

Ang mga sinulat nina Marcelo del Pilar, Graciano Lopez Jaena, at Jose Rizal ay nagbigay ng direksiyon sa naging kampanya ukol sa mga repormang pampulitika noong panahon ng pananakop ng Espanya. Nang biguin ng Espanya ang kampanyang repormista, ang mga akda nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ay nakapag-ambag sa pagpaparami ng kasapi at kaalyado ng rebolusyonaryong Katipunan.

Sa panahon ng mga mananakop na Amerikano, ang mga akda nina Apolinario Mabini, Isabelo delos Reyes, Antonio Luna, Aurelio Tolentino, Juan Matapang Cruz, Juan Abad, Severino Reyes, Iñigo Ed. Regalado, Faustino Aguilar, Ismael Amado, Cecilio Apostol, Jose Corazon de Jesus, Salvador Lopez, Manuel Arguilla, Arturo Rotor, at Carlos Bulosan ay naging inspirasyon ng mga mamamayang nagsulong ng pakikitalad sa kabataan pa noong imperyalismo ng Estados Unidos. Sa panahon naman ng pananakop ng Hapon, ang mga Lorenzo Tañada, Rafael Roces, at Hernando Abaya ng pahayagang lihim na Free Philippines ay magbibigay ng inspirasyon at mahalagang impormasyon sa mga gerilya.

Sa pagtatapos naman ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga tulad nina Teodoro Agoncillo, Jose Lansang, at Indalecio Soliongco ay mag-aambag sa pagsulong ng makabansang krusada ni Claro Mayo Recto, na sa mga susunod na dekada ay pamumunuan naman nina Lorenzo Tañada at Jose W. Diokno. Si Recto mismo'y magbibigay ng mga sanaysay sa mga pahayagan bilang bahagi ng kanyang makabansang krusada.

Sa mga susunod na dekada, ang mga Alberto Florentino, Antonio Zumel, Satur Ocampo, Jose Maria Sison, Elmer Ordoñez, Bobbie Malay, Rolando Tinio, Ave Perez Jacob, Rogelio Ordoñez, Rogelio Sicat, Dominador Mirasol, Edgardo Reyes, Domingo Landicho, Levy Balgos de la Cruz, Lualhati Bautista, Jun Cruz Reyes, Ricardo Lee, Jose at Eman Lacaba, Ninotchka Rosca, Luis Teodoro, Wilfredo Virtusio, Bien Lumbera, E. San Juan, Jr., Jess at Lilia Santiago, Heber Bartolome, Joey Ayala, Lamberto Antonio, Edgar Maranan, Rogelio Mangahas, Teo Antonio, Maria Lorena Barros, Liliosa Hilao, Ditto Sarmiento, Roland Simbulan, Romulo Sandoval, Gelacio Guillermo, at iba pang katulad ay maghuhubog ng makalipunang kamalayang hahantong at magpapatatag sa mahabang pakikibakang nagpabagsak sa pasistang rehimen ni Ferdinand Marcos at magiging inspirasyon ng patuloy na pagsisikap ng iba't ibang sektor ng sambayanan tungo sa pagtatatag ng isang matwid na lipunan.

Tatlong manunulat ng pakikisangkot ang matatangi sa mahabang panahong sinaklaw ng kanilang mga panulat: sina Amado Hernandez, Renato Constantino, at Armando Malay. Sila’y pawang nabuhay sa ilalim ng pananakop ng mga Amerikano at Hapones. Lahat sila'y tumulong sa makabansang krusada ni Recto. Inabot ni Hernandez ang mga unang pagbabanta ng batas militar sa ilalim ng rehimeng Marcos, ngunit yumao siya noong Marso 1970. Sina Constantino at Malay ay pawang makaaabot sa dekada 1990. Si Constantino'y pumanaw noong 1999, habang si Malay nama'y noong 2003.

Sa pagtahak nila sa landas ng pakikisangkot, ang mga manunulat na nabanggit ay nakapag-ambag sa mga kampanya alang-alang sa kalayaan at demokrasya.

Anu-ano naman ang mga katotohanang dapat na paksain ngayon ng Pilipinong manunulat hinggil sa lipunang kanyang ginagalawan? Tumpak pa rin ang tinuran ni Jose W. Diokno sa isang talumpati noong 1983 na ang mga suliranin ng kapanahunan ni Rizal ay sila pa ring mga suliranin sa kasalukuyan, bagama't may mga pagbabago sa anyo ng mga ito.

Kung noong kapanahunan ni Rizal ay tahasang sakop ng mga Kastila ang Pilipinas, ngayon naman ay nadarama natin ang nagkukubling paghahari ng Estados Unidos sa ating bayan. Masasabing kamay pa rin ni Tiyo Samuel ang nagpapatakbo sa ating bayan bagama't hindi na bawal ang pagwawagayway ng pambansang kulay at ang pag-awit ng antemang pambansa.

Ang ekonomiya natin ay dominado ng mga transnasyunal na korporasyon ng Estados Unidos. Dahil sa lubhang lamang ng mga ito sa larangan ng kapital at teknolohiya, nalalamon nito ang mga katutubong empresang nagtatangkang bumuo ng mga pambansang industriya. Lagi na tuloy tayong napipilitang umasa sa pag-aangkat na mga produkto, bagay na sumisipsip nang sumisipsip sa ating pambansang kapital. Dahil dito, nananatili tayong isang atrasadong ekonomiyang lagi't laging nangangailangang mangutang.

Upang mapangalagaan ang ganitong malaking pang-ekonomiyang interes, iniimpluwensiyahan ng Estados Unidos ang ating pulitika at kultura sa iba’t ibang kaparaanan, tulad ng mga "kasunduan" at "palitan."

Laganap din sa ating bansa ang kawalan ng katarungang panlipunan. Ang mga manggagawa at magsasakang silang nakararami sa ating lipunan ay hindi nakikinabang sa mga bunga ng kanilang mga pagsisikap dahil sa kaliitan ng sahod, kawalan ng mga karampatang benepisyo, at pangangamkam ng lupa. Hindi tuloy nila nakakamit ang lahat ng pangangailangan upang makapamuhay sila nang maayos.

Talamak ang diskriminasyong pangkasarian, pangkultura, at panrelihiyon. Ang mga biktima ng mga ito ay ang kababaihan, ang mga hindi Katoliko (lalo na ang mga Muslim), at yaong tinatawag na mga katutubong mamamayan tulad ng mga Badjao, Ilongot, Igorot, at Dumagat—mga tribong nakapagpapanatili ng kanilang katutubong kultura.

Ang ating pamahalaan ay tiwali at mapanlabag sa karapatang pantao.

Ito ang mga katotohanang dapat na ilarawan nang maliwanag ng Pilipinong manunulat. Kailangan niyang isiwalat ang mga katotohanang ito, upang ang sambayanang Pilipino'y mahikayat na patuloy na kumilos tungo sa ikapagtatatag ng isang ganap na malaya at tunay na makatarungang lipunan.
IKALAWANG HIMPILAN: CONSPIRACY

Dapat ay si Mang Gelas Guillermo ang kauna-unahang tutula sa poetry reading namin sa Kilometer 64 nitong Oktubre 19. Kaya lang ay hindi raw siya handa, pagkat noon lang niya nalamang kasama siya sa aming mga patutulain--at kauna-unahan pa nga sana.

At doon namin nalamang wala pala sa aming nakaalaalang ipaalam sa kanyang siya'y balak nga naming patulain.

Subalit sapagkat tila gumagana nang maayos ang aming creative juices nang mga oras na iyon (kalaliman na ng gabi noon), agad naming naisipang magpailalim sa kapangyarihan ng mantra ng pleksibilidad sa pagpapadaloy ng programa. Na sa wari'y isang foreshadowing ng mga mangyayari pa, pagkat may ilan pang nasa aming line-up na sa mga kadahilanang hindi inaasaha'y nabigong makarating.

Ang sana'y tig-i-tig-isang tula mula sa bawat bibigkas ay naging tiga-tigalawa nang makumpirma naming lubhang marami ang inasahan naming pahihintulutan ng mga pagkakataong lumahok sa aming aktibidad. At ang tiga-tigalawang kanta mula sa bawat banda o musikero ay ginawa naming tiga-tigatlo.

Marami-rami man ang hindi nakarating, labis pa ring naging masaya ang okasyon, kaya't ngayo'y kami ang nanghihinayang para sa mga hindi nakapunta. Sa susunod sana'y makarating na sila.

At para naman sa mga naroon, hindi ko tatanggihan ang winika ni Kapi na "hanep" ang lahat ng mga tumula at umawit doon (kabilang ang inyong lingkod, hehehe--at kabilang maging ang nagsabi). Nagkaroon ng mga kawili-wiling performance mula kina Psy, Prex, Rustum, Babes Alejo, Jonar, Abet Umil, Katcha (na talagang gayon ang baybay ng pangalan at ang apelyido'y hindi Santos kundi Ragos), at Kurimaw; at sa Earth Fish Fish, Orgasm Addict, at ND Go Girls (hehehe).

Sa isang bahagi ng programa'y hinihika-hikayat naming tumula si Mang Gelas, ngunit nagbiro siyang hindi siya makatutula ngunit maaari siyang kumanta. Ngunit sa kadulu-duluha'y pinaunlakan niya ang aming kahilingang magbigay ng "mahabang" (termino ni Rustum) pananalita.

Matapos ang programa, saglit kaming nagdaos ng open-mic session, at masasabi na ngayon ni Psy na siya'y nakaranas nang tumugtog at kumanta sa Conspiracy, kung saan mga regular sina Joey Ayala at Bayang Barrios na mga iniidolo ng mga aficionado ng alternatibong musika.

Thursday, October 14, 2004

DI NAMIN TUTUNTUNGAN ANG HIGANTENG ALON

Pagpapatiwakal na kung sasakyan namin ang ihip ng hangin.
Pagpapatiwakal na kung kami'y paaanod sa ragasa ng ilog.
Kami'y mga artista
ng bayang nakasalagmak sa tambak ng basura.
Di namin tutuntungan ang higanteng alon
ng di-pagsaling sa putik ng katotohanan,
pagkat aming tangan ang tungkod ni Moises--
tungkod na hihiwa sa palalong dagat.

Saturday, October 09, 2004

TUGON NG GOBYERNO NG PILIPINAS SA KRISIS PISKAL NA ITO RIN ANG MAY KAGAGAWAN

Walang matipid,
pinapagtitipid pa
ng mga waldas.
ANG MGA 'ARTISTANG' FIL-AM AT ANG KONSEPTO NG PAGKA-PILIPINO

Sa press conference na ginanap sa kanyang pagdating sa Pilipinas nitong Miyerkules, sabik na sabik na sinabi ni Jasmine Trias na bagama't siya'y lumaki sa Estados Unidos, isa naman siyang Pilipino sa kaibuturan ng kanyang puso. At upang patunayan ito'y ibinahagi niya sa mga panatikong "mamamahayag" na dumalo sa kanyang kumperensiya na alam niya ang mga awiting "Ako ay Pilipino," "Mula sa Puso," at "Maalaala Mo Kaya."

Bagama't may kaibhan sa mga susunod na babanggiting halimbawa, ito'y nagpagunita sa amin ng madalas na pagkakalarawan ni Joyce Jimenez at ng magkapatid na Montero (Troy at KC)--mga Pilipinong laking-Estados Unidos na umuwi sa Pilipinas at dito'y sumikat bilang mga taga-showbiz--sa kanilang mga sarili bilang mga "Pilipinong-Pilipino rin naman," sapagkat sila raw ay mahihilig sa adobo't sinigang.

At ang kanilang mga panatiko sa pabatirang madla ay tuwang-tuwa naman sa tuwing maririnig sa kanila ang ganito, na kanilang ginagawang dahilan upang paliguan ng papuri ang mga taong nabanggit. At tayo'y makikiawit naman niyaong mga "Hosana."

Maraming dayuhan ang sa tuwing nakaririnig ng mga kantang likha ng mga Pilipino, o nakatitikim ng putaheng Pilipino, ay labis na natutuwa. Sila ba'y Pilipino na niyon?

Maaaring dahil sa tinukoy ni Renato Constantino na "lisyang edukasyon ng Pilipino," maaari rin namang dahil lamang sa ating labis na pagkapanatiko sa ating mga aktor at aktres na lumaki sa ibang bansa--at malamang na sa parehong dahilan--hindi natin nakikitang ang konsepto ng pagka-Pilipino ay may lubhang malalim na pinagmulan--higit pa sa mga insidental na binabanggit nina Trias at Jimenez at ng magkapatid na Montero upang ilarawan ang mga sarili bilang mga taong Pilipinong-Pilipino diumano.

Dati'y yaong Kastilang "Filipino" pa ang ginagamit, wala pa yaong salita sa isina-Pilipinong baybay na "Pilipino." Yaong "Filipino," sa kalakhan ng pananakop ng Espanya sa Pilipinas, ay ginamit upang tukuyin ang mga insulares o creole, o yaong mga Kastilang isinilang sa Pilipinas; ang mga katutubong mamamayan ng Pilipinas ay "indio" kung tawagin noon.

Ang paggamit ng salitang "Filipino" upang tukuyin maging ang mga indio ay nagsimula sa Kilusang Repormang pinamunuan nina Marcelo del Pilar, Jose Rizal, at Graciano Lopez Jaena. Nakaangkla ito sa kanilang panawagang ang Pilipinas ay maging lalawigan ng Espanya sa halip na kolonya, upang ang mga orihinal na mamamayan ng kapuluan ay magkaroon niyaong mga karapatang tinatamasa ng mga Kastila. Ito, sa kanilang pananaw noon, ang magpapalaya sa mga Pilipino.

Ang pagpapatapon kay Rizal sa Dapitan noong 1892 dahil sa diumano'y pagiging isang rebelde ay itinuring ng ilang kasapi ng Kilusang Reporma, tulad ni Andres Bonifacio, bilang kabiguan nito. Ito'y nanganak ng isang rebolusyonaryo namang kilusan, na ang adhikain ay ang paghiwalay ng Pilipinas sa Espanya.

Ang konsepto ng pagka-Pilipinong hinulma ng Kilusang Reporma ay dinala na rin ng rebolusyon nina Bonifacio, na sa kalauna'y tinangkilik ni Del Pilar.

Nakaugat ang konsepto ng pagka-Pilipino nating mga Pilipino sa makasaysayang pakikibaka ng ating mga ninuno para sa kalayaan. Ito'y pakikibakang nagpapatuloy magpahanggang sa mga araw na ito, ulit-ulitin mang ikatwirang noon pang 1998 natin ipinagdiwang ang sentenaryo ng ating "kalayaan."

Mismong si Hen. Dionisio Santiago, dating pinakamataas na opisyal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ang umamin nang siya'y magretiro sa serbisyo noong 2003 na ang Pilipinas ay "tuta ng Amerikano." At siyang totoo.

Mismong ang ekonomistang si Hilarion Henares, Jr., na naging opisyal sa gobyerno ni Diosdado Macapagal, ay kumikilala at tumutuligsa sa hanggang ngayo'y paghahari ng mga Amerikanong kapitalista sa ating ekonomiya, bagay na nagsimula lamang na mangyari sa Pilipinas nang tayo'y sakupin ng Estados Unidos noong 1899.

Walang naging saysay ang pagkakaloob ng Estados Unidos ng "kalayaan" sa Pilipinas noong 1946. Sa pamamagitan ng iba't ibang "kasunduan," nanatiling tali ang kabuhayan ng Pilipinas sa dikta ng Estyados Unidos, na pumipigil sa ating industriyalisasyon upang walang makalaban ang mga empresa nito sa ating lupain.

Ang mga empresang ito ay malakas umubos ng ating kapital. Umaangkat lamang ang mga ito ng hilaw na materyales, at pagkatapos ay magbibili sa atin ng mga semi-processed good na sapagkat may higit nang lakas-paggawang nakapaloob ay higit nang mahal. Higit ang ating ginagastos sa pag-aangkat ng mga semi-processed good kaysa kinikita sa pagluluwas ng mga hilaw na materyales.

Dahil patuloy ang pagkalagas ng ating kapital sa ganitong proseso, napipilitan tayong mangutang sa mga ahensiyang multilateral tulad ng International Monetary Fund at World Bank (IMF-WB) upang mapunan ang nawawala. Ginagamit naman ng IMF-WB ang ating mga utang upang patawan tayo ng mga patakarang higit na magtatali sa atin sa mga interes ng mga kapitalistang Amerikano. Ang Estados Unidos ang pinakalamaking donor ng WB at siyang pinakamaimpluwensiyang kasaping bansa nito.

Awtomatikong impluwensiyado ng Estados Unidos sa ganito pati na ang ating pulitika. Nakikialam pa nang tuwiran ang Estados Unidos sa pamahalaan upang tiyakin ang paghahari ng mga kampon ng mga ekonomikong interes nito. Gunitain natin kung paanong muntik nang matanggal sa Malacañang si Carlos P. Garcia, dahil sa isang kudetang tinangkilik ng Estados Unidos, nang siya'y magpatupad ng Patakarang Pilipino Muna sa ekonomiya.

Iniimpluwensiyahan din ng Estados Unidos ang ating kultura sa paraang mangingibabaw sa pambansang kamalayan ang pagtataguyod sa neokolonyal na disenyo nito sa Pilipinas.

Ang kanila mismong mga transnasyunal na korporasyon ay tumatangkilik, sa pamamagitan ng mga anunsiyo, sa mga proyektong kultural at pampabatirang kundi man tahasang nagtataguyod sa "pilosopiyang" neokolonyalista ay hindi naman bumabangga rito. Nariyan din ang mga patakarang may kinalaman sa edukasyon na kailangang ipatupad ng pamahalaan upang makapangutang ito sa IMF-WB.

Ang kanilang mga foundation tulad ng Ford at Rockefeller ay nagbibigay ng mga akademiko at kultural na grant sa mga tao't institusyong napipisil nilang maaaring magkaroon ng malaking impluwensiyang intelektuwal sa madla. Sa mga naturang grant ay hinuhulma ang mga tao't institusyong ito sa doktrinang makaneokolonyalismo.

Sa gitna ng lahat nito, nananatili ang makasaysayang hamon ng pagka-Pilipino: ang ipaglaban sa anumang paraang makakaya ang paglaya ng Pilipinas sa isang kolonyal na kaparaanan ng pag-iral. Ito'y hamong unang isinatinig nina Del Pilar, Rizal, at Lopez Jaena; ito'y hamong ipinagpatuloy nina Bonifacio. Naglalagablab hanggang ngayon ang hamong ito, at ang pagtalima o di-pagtalima rito ang magpapasya kung ang isang taga-Pilipinas ay tunay nga bang Pilipino o hindi.

Sa katunaya'y may mga taong walang dugong Pilipino na napatunayan nang higit pang Pilipino kaysa maraming tagarito mismo. Halimbawa ng mga ito'y sina Dr. Wim de Ceukelaire ng Belgium, Fr. Peter Geremia ng Italya, at Sr. Mary Grenough ng Estados Unidos: sila'y matatapat na kaisa't malalapit na kaibigan ng mga mamamayang Pilipinong nakikipaglaban para sa kalayaan ng Pilipinas.

Isang nagsusumigaw na kaistupiduhan ang ikupot ang konsepto ng pagka-Pilipino sa sala't kusina.

Thursday, September 30, 2004

SI JASMINE TRIAS AT ANG WORLD-CLASS NA PILIPINO

Madalas kong mapansin ngayon, tuwing maluluwas ako ng Kamaynilaan, ang isang malaking billboard ni Jasmine Trias. Ang naturang billboard ay karugtong ng kanyang patalastas sa telebisyon para sa Smart IDD, kung saan inaawit niya ang "Kailangan Ko'y Ikaw" na naunang pasikatin ng kompositor nitong si Ogie Alcasid at pagkatapos ay ginawan ng bersiyon ni Regine Velasquez.

Isang Pilipinang taga-Estados Unidos, si Trias ay matatandaan nating sumikat sa kanyang pagsali--at pagiging finalist--sa American Idol, isang palatuntunan doon na tumutuklas ng mga bagong bituin at ngayo'y masugid na ginagaya ng mga nangungunang istasyon sa telebisyon sa ating bansa--ang GMA 7 at ang ABS-CBN.

Sa totoo lamang, marami rin naman ang maaaring ipagkapuri ni Trias.

Kawili-wili siyang pagmasdan. Mayroon siyang magandang mukhang tila hindi nauubusan ng ngiti. Mayroon din siyang hubog na kaaya-aya para sa kanyang gulang na wala pang 20.

Bukod pa'y kawili-wili din namang pakinggan, pagkat sa pagkanta'y may magandang boses, di tulad ng marami sa mga kasinggulang niyang taga-showbiz sa Pilipinas na upang kumita lamang nang karagdagan ay magpapanauhin sa mga variety show at aaginalduhan ng dahilan upang mairita ang tainga ng mga manonood na naghahanap ng katinuan sa munting tabing, na wala na nga halos makitang dahilan upang manood ng telebisyon ay bubuwisitin pang lalo.

Sa pinapagsama-samang katangiang ito ni Trias, masasabing nararapat lamang na siya'y naging finalist sa American Idol: at kung pagiging karapat-dapat lang ang pag-uusapan ay hindi namin maiwasan ang mapamura sa pag-iisip na ang isang Jasmine Trias ay naging finalist lamang gayong nakuha nilang papanalunin ang isang William Hung, na diumano'y kumakanta.

Tama lang na purihin si Trias sa kanyang naabot sa American Idol. Ayos lamang ang ipagbunyi natin ang nagawa niya roon.

Ngunit sa ating pagsasaya tungkol dito, sana'y huwag nating kalimutan ang esensiya ng mga bagay-bagay.

Sa pagiging finalist ni Trias sa American Idol, muling lumantad ang ating tendensiyang mabaluktot ang tunay na halaga ng pagiging world-class.

Ilang artikulo ang naglabasan sa mga pahayagan tungkol kay Trias? Ilang ulit siyang ginawan ng mga segment sa mga programang pambalitaan sa telebisyon?

Sa mga naglabasang artikulo't dokumentaryo tungkol kay Trias, isang tema ang nangibabaw: isa na namang Pilipino ang lumitaw na maaaring ipagmalaki ng kanyang mga kababayan, pagkat lumikha siya ng pangalan sa pandaigdigang larangan--talagang ang Pilipino'y magaling, world-class!

Ito'y nagpagunita sa amin ng kung paano inilarawan sa mga pahayagan sa Pilipinas at tinanggap ng madla ang pagiging Miss Saigon ni Lea Salonga sa mahabang panahon.

Bagama't mahirap papaghambingin pagkat magkaibang landasin sa musika ang tinugpa, sina Salonga't Trias ay parehong Pilipinong sumikat sa larangang ibang bansa ang nagtakda ng mga hangganan. Ang pagkakakuha ni Salonga sa papel ni Miss Saigon at ang pagiging finalist ni Trias sa American Idol ay parehong bunga ng kanilang tagumpay sa pag-angkop sa banyagang panlasa.

Sa kanilang mga tagumpay ay hindi ang pagka-Pilipino ng Pilipino ang naitampok. Ngunit sila pa ri'y ating ipinamamarali bilang mga halimbawa ng Pilipinong world-class.

Ito'y tanda ng kolonyal na kamalayang hinubog sa matagal na panahon ng ating mga mananakop--sa pamamagitan ng paglalako ng kalisyahan sa edukasyon, likhang-sining, at pabatiran--upang tanggapin ng mga mamamayan ang katarantaduhang pagyurak nila sa ating kalayaan nang dahil sa kanilang hangaring magpayaman nang magpayaman.

Ano ang Pilipinong world-class? Siya ang Pilipinong mapababantog sa ibang bansa sa kabila ng katingkaran ng pagka-Pilipino sa kanyang katauhan at mga gawa. Siya ang Pilipinong magtutulak sa buong daigdig upang bigyan ng masusing pagtingin ang hitsura ng Pilipinas.

Hindi tayo salat sa mga ganyang Pilipino. Nariyan ang mga Carlos Bulosan, Jess Santiago, at Heber Bartolome--na ang mga akda at kanta'y naisalin na sa iba't ibang wika kahit na ang mga ito'y pangunahing nakatuon sa partikularidad ng Pilipinas. Matagumpay nilang naiugnay sa kanilang sining ang kalagayan ng Pilipinas sa pandaigdigang paghahangad ng kalayaan at katarungan, kaya't may nasaling sila maging sa mga mambabasa't tagapakinig na hindi Pilipino.

Sila'y katulad ng makatang si Pablo Neruda at maninitik/musikerong si Victor Jara ng Chile. Halos ay pulos na Chile ang mababasa't maririnig sa kanila, ngunit sila'y pinahahalagahan ng buong mundo pagkat nagawa nilang ilarawan ang Chile sa konteksto ng mga unibersal na pangarap.

Hindi masama ang purihin natin ang mga Jasmine Trias at Lea Salonga. Ngunit iba pa ang pagiging world-class.

Tuesday, September 21, 2004

MAY PAKPAK ANG BALITA

(Alay kay Rolando Rosario at sa iba pang welgista sa mga bodega ng San Miguel Corporation, na ipinasara nitong Hunyo 12 upang, ayon mismo sa kumpanya, papasukin ang mga pribadong kontratista. Sila'y di man lamang pinaaabutan ng abiso, at inaalok pa ng separation package na hindi tatagal sa panahong kapantay ng haba ng serbisyo ng karamihan sa kanila. Ang isang "mamamayahag" na magbabalita sana ukol sa kanila ay tumahimik matapos na abutan ng sobre ng isa sa mga guwardiya sa main office ng kumpanya.)

"Ako, halimbawa, 40 years old na ako. Kung makakapagtrabaho ako nang 20 years pa, mapapagtapos ko lahat ng anak ko. Pero y'ong ino-offer nilang (separation na) P1.6 million, hindi aabot nang 20 years 'yon." -- Rolando Rosario, welgista sa bodega ng San Miguel Corporation sa Pureza Extension, Sta. Mesa, Maynila, sa isang interbiyu ng Bulatlat nitong Setyembre 14

Nangungupas na
ang mga titik sa inyong mga plakard
nang di man lamang nakapag-iiwan ng bakas
sa mga pahayagan.
Kundi pa ako kumain sa piketlayn
ng inyong ulam na isdang
makapal pa ang balat sa laman,
hindi ko pa mababalitaan
ang tangkang panunuhol sa inyo
ng mga Haring Creso ng korporasyon
upang
piliin ang pagsuko't kawalang-katiyakan
kaysa igiit ang karapatan sa buhay.

Ngunit may pakpak ang balita:
makalilipad ito,
pigilin man ng mga mambabalitang suhulan.
Ang sigaw ng inyong mga plakard
ay nakapunit na
sa katahimikan ng gabi.

Thursday, September 16, 2004

ANG DIYALEKTIKANG HINDI NAMAN DIYALEKTIKA NG ANYO AT NILALAMAN SA PANULAAN

Totoong isang maapoy na pagtatalo ang pinasiklab ng artikulong "Espasol vs. Nilupak" ni Gelacio Guillermo, na kanyang sinulat bilang sagot sa isang sanaysay ni Dr. Virgilio Almario--Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan sa taong 2003.

Sa sanaysay ni Almario, tinuligsa niya ang mga makatang pumapaksa sa mga usaping panlipunan sa kanilang mga akda, at ang sabi niya'y bagahe ang pulitika sa pagtula: nakasisira raw ito sa kalidad ng tula. Nagbanggit pa siya ng ilang halimbawa, kabilang ang tig-isang akda ng mga makabayan at makalipunang makatang sina Jess Santiago at Jose Lacaba. Tinukoy niya ang ayon sa kanya'y mga kahinaan ng mga tulang ito, ngunit hindi naman niya mapatunayang ang mga ito'y bunga ng pampulitikang mensaheng taglay ng mga tula.

Ito'y nagpapagunita sa amin ng isang narinig naming kuwento, kung saan sa isang inuman ay sinabi raw ni Almario na kanyang "pinagdududahan" ang pagkamakata ni Amado V. Hernandez--isang labis na hinahangaang makabayan at makalipunang makata.

Sa "Espasol vs. Nilupak," ikinatwiran ni Guillermo na ang pulitika ay hinding-hindi bagahe sa pagtula--na siya namang tama. Sapagkat ano nga ba ang tula?

Namnamin natin ang depinisyon ni Dr. Austin App, isang propesor ng Ingles, Wika, at Panitikan sa Estados Unidos noong ika-20 dantaon: "Ang tula ay lubhang maguniguning wikang mayaman sa mga kasangkapang artistiko na ang natatanging salik ay ang pataludtod na pagkakasulat. Ang taludturan ay metrikong wikang kung literal ay nananatiling taludturan lamang, subalit kung lubhang maguniguni ay tula."

Pakinggan naman natin ang pilosopong Pranses na si Voltaire: "Isang kanais-nais na katangian ng tula na kaunting tao ang kakaila; iyo'y lalong maraming sinasabi at sa lalong kaunting salita lamang kaysa sa tuluyan."

Narito naman ang isa mismong makata, si Samuel Taylor Coleridge: "Tuluyan--mga salita sa kanilang pinakamabubuting kaayusan; tula--pinakamabubuting salita sa kanilang pinakamabubuting kaayusan."

Sa tatlong pagpapakahulugan sa tula na nasipi, wala kaming makitang isa mang nagsasabing ang makata'y bawal na makisangkot sa pulitika. Dito'y kitang-kitang walang batayan--at sa katunaya'y isang insulto sa talino--ang sinabi ni Almario na ang pulitika ay bagahe sa pagtula.

Ang tula ay bahagi ng panitikan, kaya't ang pagtatalo tungkol sa panlipunang pakikisangkot ng mga makata ay sakop ng kabuuang debate tungkol sa panlipunang pakikisangkot ng mga manunulat.

Matanda na ang pagtatalo sa pagitan ng mga manunulat tungkol sa paksa ng kung dapat nga bang masangkot sa lipunan ang panitikan. Ang isang panig ay nagsasabing walang tungkulin ang manunulat kundi lumikha ng "mabubuting" akda, habang ang kabilang panig ay nagtuturan namang tungkulin ng manunulat ang sumulat tungkol sa mga karanasan ng kanyang bayan at ng sangkatauhan, kabilang--at lalung-lalo na--ang mga karaniwang mamamayan ng bansa at daigdig (na ang mga kasaysayan ay bihirang-bihirang masulat).

Sa Pilipinas, nagsimula ang gayong pagtatalo noong dekada 1930: ang kumatawan sa unang panig ay si Jose Garcia Villa, samantalang ang sa ikalawa nama'y si Dr. Salvador Lopez. Ayon sa manunulat na si Abet Umil, ang debate'y nagwakas noong 1940 nang sabihin ni Lopez ang ganito:

"Sa kadulu-duluhan, ang mahalaga sa manunulat, ipagpalagay nang kinikilala niya ang halaga ng panlipunang kalamnan sa panitikan, ay ang katiyakang ang kanyang pagsusulat ay magbubunga ng anumang maituturing niyang mabuti at may katuturan. Pagkat siya'y tiyak na may karapatang umasang kapag natugunan niya ang kahingian ng lipunan sa kanyang talino't kakayahan ay may mga partikular na nasusukat na kapakinabangang dadaloy mula sa kanyang akda na tangi pa sa lubos na suhetibong kasiyahang karapatan niya bilang alagad ng sining at likas na kakambal ng malikhaing pagpapahayag."

Totoo naman ang sinabi ni Lopez na tungkulin ng manunulat ang makisangkot sa lipunan. Lahat ay bahagi ng lipunan kaya't lahat ay nakaaapekto sa lipunan. Lalo na ang mga manunulat, na may matinding kakayahang impluwensiyahan ang pag-iisip ng mga mamamayan.

Kung ang isang manunulat ay susulat sa dahilang walang iba kundi upang magsulat lamang, walang ipag-iiba ang mundo sumulat man siya o hindi. Para na rin siyang hindi sumulat kung gayon, at mabuti pang hindi na lang siya sumulat upang ang papel na kanyang gagamitin ay maipanggatong man lamang ng mga namamatay na sa ginaw ng gabi ay wala man lamang pambili ng kahit manipis na kumot.

Ipinagpapalagay ng ilang mag-aaral ng panitikan na ang pagtatalong ito, na gusto pang ulitin ng ilang matandang manunulat sa panig na dati'y kinatawan ni Villa, ay diyalektika ng anyo at nilalaman.

Si Guillermo, na isang nangungunang alagad ng makabayan at makalipunang panitikan, ay walang anumang sinabing basta't may matinong mensaheng pampulitika ay ayos na ang isang akda kahit na pangit ang porma. Ang sinasabi niya'y walang silbi ang isang akdang pampanitikan, gaano man kaganda ang pagkakasulat, kung wala itong itutugon sa mga kaapihan ng masa sa isang lipunang nakahubog upang makalamon ng kayamanan ang iilang makapangyarihang bansa sa hindi nila lupa, upang payamanin nang payamanin ang iilang mayayaman mamatay man sa gutom ang nakararami.

Ganito ang sinabi ni Jose Maria Sison sa UP Writers Club nang siya'y mahingan ng naturang organisasyon ng isang mensahe ng pakikiisa noong siya'y nakapiit pa sa Fort Bonifacio: "Ngunit iba ang yumakap sa wasto at progresibong intelektuwal at pampulitikang pagtingin. Iba pa ang lumikha ng mahuhusay na pampanitikang akda."

Ibig sabihin, hindi dahil tama ang pilosopiya't pulitika ng isang akdang pampanitikan ay agad nang masasabing maganda ito. Sayang naman ang isang napakagandang mensahe kung hindi ito gaanong tatagos sa sinasabihan sapagkat pangit ang pagkakasabi.

Hindi kalaban nina Guillermo at Sison ang porma sa panitikan. Ang kanilang mahigpit na kinukundena ay isang uring panitikang wala nang inintindi kundi ang anyo, kasakdalang lunurin nito sa kahangalan ang mambabasa.

Ang banggaan ng mga kampong "panitikan para sa sarili nito" at panitikang makabayan at makalipunan ay sumasalamin sa pangkalahatang pagtatalo ng mga kampong "sining para sa sining" at "sining para sa tao."

Ang banggaang ito, paulit-ulit na isinasatsat ng mga alagad ng "sining para sa sining," ay banggaan ng estetika at nilalaman, ng makasining at makalipunan. Isang ganap na kabuhungan, sapagkat ang anyo--tulad ng nilalaman--ay esensiyal na bahagi ng sining.

Ano ang sining? Sa Ingles ay sinasabi ng Webster's New World Dictionary tungkol sa sining ang ganito: "Malikhaing paggawa o ang mga simulain nito; paglikha o paggawa ng mga bagay na nagpapamalas ng anyo, kagandahan, at pambihirang pananaw: kabilang sa sining ang pagpipinta, iskultura, arkitektura, musika, panitikan, dulaan, sayaw, atbp."

Walang sinasabi ang mga alagad ng "sining para sa tao" na ang sining ay dapat na tumiwalag sa pagiging sining: ang sinasabi nila'y dapat na tumingin ang alagad ng sining sa kalagayan ng lipunan at sangkatauhan. Hindi ito kataliwas ng anyo at kagandahan; sakop ito ng paglalahad ng tinatawag na "pambihirang pananaw."

Ngunit patuloy ngang inilalarawan ng mga alagad ng "sining para sa sining" ang pagtatalo nila ng kampo ng "sining para sa tao" bilang banggaan ng anyo at nilalaman, ng estetika at mensahe, ng makasining at makalipunan--upang ang huli'y palitawing kalaban ng sining--na ang ibig sabihi'y mga huwad na artista ang mga nasa kampong ito. Sa kadulu-duluhan, ang talagang pakay ng mga alagad ng "sining para sa sining" sa ganitong paglalarawan sa nasabing debate ay palitawing sila lamang ang tagapamandila ng sining--pailalim na pagsasabi sa madlang: "Huwag n'yo nang pansinin 'yang mga nasa kabila, mga wala namang alam 'yan, e."

Ito'y sapagkat kundi man sila tahasang alaga o kadikit ng mga sektor sa lipunan na nakikinabang sa pananatili ng kaayusan--na sa kadulu-duluha'y tinutulungan ng mapagtakas na diwa ng "sining para sa sining"--ay wala naman silang sapat na kakayahang tugunan ang malalalim na kahingian ng paglikha ng "sining para sa tao."

Sa dakong huli, nananatiling tumpak ang mensahe ni Jess Santiago sa mga makata mula pa noong 1976:

Kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita,
nanaisin ko pang ako'y bigyan
ng isang taling kangkong
dili kaya'y isang bungkos
ng mga talbos ng kamote
na pinupol sa kung aling pusalian
o inumit sa bilao
ng kung sinong maggugulay,
pagkat ako'y nagugutom
at ang bituka'y walang ilong,
walang mata.
Malaon nang pinamanhid
ng dalita ang panlasa
kaya huwag,
mga pinagpipitaganang makata
ng bayan ko,
huwag ninyo akong alukin
ng mga taludtod
kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita.

Thursday, May 27, 2004

MALILINIS AT MALILINIS ANG BANGA

Wala kang damit, Kamahal-mahalang Emperatris.
Nagtatago ka sa ilalim ng damit
na habi sa hanging sinulid:
di pa rin maikakaila ang iyong kahubaran.
Ang iyong paglapastangan sa hatol ng bayan
ay parang bulok na karne ng baboy
na isinilid sa banga:
isinisigaw ng alingasaw na nasa tabi-tabi lamang
ang kubling kabulukan.

Malilinis at malilinis ang banga,
Mahal na Emperatris.
Mene thecel phares.

Thursday, May 13, 2004

HINDI NADISKUWALIPIKA SI EDDIE GIL

Sa Txtube kaninang makalampas ang madaling-araw, isang mensahe tungkol kay Eddie Gil ang lumitaw: "Bakit na-disqualify si Eddie Gil? Wala nang pambansang pagtatawanan ang Pilipinas. Malungkot na ang Pilipinas."

Si Eddie Gil ang dating kandidato sa pagkapresidente ng Partido Isang Bansa Isang Diwa. Naging katawa-tawa siya sa paningin ng madla dahil sa kanyang mga ipinahayag na pananaw hinggil sa iba't ibang isyung kinakaharap ng bansa o maging ng kanyang sarili.

Nariyan, halimbawa, ang ipagyabang niyang kaya niyang bayaran ang lahat ng utang ng Pilipinas, gayong ang balita'y talbog na tseke ang kanyang ibinayad sa isang otel at ang kanyang opisina sa Quezon Avenue ay napakatagal nang nakatayo bago nagkaroon ng kuryente, at madalas pa ngang maputulan nito.

Sinabi pa niya minsan na ang solusyon sa pang-ekonomiyang problema ng Pilipinas ay gawing dolyar o dollar ang ating pananalapi tulad daw niyaong sa Tsina. Nang sabihin sa kanya ng reporter na kumakapanayam sa kanya noon (si Vicky Morales ng GMA 7) na ang pananalapi ng Tsina ay yuan, ipinakli niyang: "Dollar din 'yon."

Ni hindi alam ni Gil kung ano ang ibig sabihin ng net worth: "Ano y'ong net worth?" ang balik niya nang tanungin ni Vicky Morales kung magkano ang kanyang net worth.

Di magtatagal ay ididiskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) si Gil sa kadahilanang pagiging isang nuisance candidate, na sa pinakatapat na pagsasalin sa Pilipino ay nangangahulugang isa siyang kandidatong walang dadalhin sa eleksiyon kundi kabuwisitan. Nakabatay ang desisyon sa isang petisyong inihain ni Bro. Eddie Villanueva, kalaban niya sa pagkapresidente.

Ipinahayag ni Gil na hindi niya igagalang ang pasya ng Comelec sapagkat ang pinagbatayan daw nito ay petisyon ng isang "komunista." Halatang hindi niya nalalamang matagal nang nasa labas ng kilusang "komunistang" dating kinabilangan si Villanueva.

Umapila si Gil hinggil sa naturang desisyon ng Comelec, subalit sa dakong huli'y nanaig ang pagkakadiskuwalipika sa kanya. Bilang tugon ay sinabi niyang "ipabibitay" niya ang Comelec commissioner na nagdiskuwalipika sa kanya.

Iyan si Eddie Gil.

Isang pastor sa isang simbahan sa Maynila ang minsa'y nakatalakayan ko tungkol sa noo'y takbo ng kampanya, at ang sabi tungkol kay Eddie Gil ay: "Parang kulang dito," habang itinuturo ang kanyang sentido. "Baliw" naman ang pagkakalarawan kay Gil ng isang kaibigang nagtatrabaho sa isang call center.

Magkaugnay naman ang dalawang pagkakalarawan. Maliwanag pa sa isang laser beam na naipakita ni Eddie Gil ang pagkakataglay ng pinapagsamang di-kasapatan ng talino at ganap na kakulangan ng katinuan.

At nadiskuwalipika nga sa pagkandidato si Gil. A, siyanga?

Kung isang hangal at baliw si Gil, hindi ba't napakalaking kahangalan at kabaliwan din ang naging takbo ng kampanya ng karamihan sa mga kalaban niya sa panguluhan--mga kampanyang walang laman kundi pakikipaglandian ng kani-kanilang tiket sa panauhing mga artista't mananayaw?

Hindi ba't isang napakalaking kahangalan at kabaliwan ang isiping kung mapasasayaw ng isang kandidato sa ruweda ng panlilinlang ang mga botante sa pamamagitan ng mga kampanyang palabas na walang kinalaman sa mga usapin ng kanilang dangal at kinabukasan--at nakamit niya ang pinakamalalaking bilang ng mga boto sa pamamagitan nito--ay may karapatan siyang mamuno sapagkat "inihalal" ng nakararami? Ilan sa mga kandidato sa eleksiyong ito ang nakita nang ganyan mag-isip?

Hindi nadiskuwalipika si Eddie Gil sa halalang ito. Nadiskuwalipika lamang ang pagsasatao ng pinakamasasahol na antas ng ilan sa pinakanakadidiring katangian ng kasalukuyang sistemang elektoral sa ating bansa.

Subalit may bahagi ni Eddie Gil sa karamihan sa mga kumandidato, at sa kasalukuyang sistema kung saan sadyang pinalalayo sa mahahalagang pambansang isyu ang diskursong elektoral upang huwag matutunan ng mga botanteng kuwestiyunin ang pangkalahatang kalagayan ng ating bayan (na pinangingibabawan ng mga kapitalistang dayuhan at ng mga basalyos nilang ilang mayayamang kababayan natin), lagi't laging nariyan ang mga katulad ni Eddie Gil.

Sunday, May 09, 2004

SUKATAN NG PANGULUHAN

Ang artikulong ito ay siya kong kolum sa bagong isyu ng Tinig.com. Ang naturang isyu ay naglalaman din ng isang binagong bersiyon ng aking pahayag tungkol sa pagyao ng dakilang manunulat na si Nick Joaquin.

Habang sinusulat ito (Mayo 7), may nalalabi na lamang na tatlong araw bago maganap ang eleksiyong pampanguluhan. Lima ang kumakandidato sa pagkapangulo ng republikang itong tinawag na "mapanglaw" ng makata sa Ingles na si Eric Gamalinda: sina Gloria Macapagal-Arroyo, Fernando Poe, Jr., Panfilo Lacson, Raul Roco, at Eddie Villanueva.

Bawat isa sa kanila'y nagsasabing siya at walang iba ang karapat-dapat na maging susunod na okupante ng Malacañang. Subalit sino sa kanila ang talagang karapat-dapat?

Noong 1957 ay may isang henyong makabansang estadistang tumakbo sa pagkapangulo. Ito'y si Claro M. Recto--senador na noon, bukod pa sa pagiging abugado, makata, mandudula, at mananalumpati. Dangan nga lamang at hindi siya nanalo sapagkat sa kanyang panunungkulan bilang opisyal publiko ay may nasagasaan siyang makapangyarihang mga interes, na kumilos laban sa kanya sa pamamagitan ng sopistikadong pagdungis sa kanyang pangalan. Gumana ito at siya niyang ikinatalo sa nasabing eleksiyon.

Naging kongresista si Recto sa ilalim ng pamahalaang Komonwelt ni Manuel L. Quezon. Bilang Kinatawan ng Batangas sa Kapulungang Pilipino, nakasama si Recto sa mga misyong pangkasarinlan sa Estados Unidos.

Noong 1933, naiuwi nina Sergio Osmeña at Manuel Roxas mula sa isa sa mga misyong pangkasarinlan ang Batas Hare-Hawes-Cutting. Diumano'y isa itong pangkasarinlang batas, datapwat itinadhana nitong sa loob ng sampung taon mula sa pagpapatupad ng naturang batas ay sasaklawan ng pangulo ng Estados Unidos ang sistema sa pananalapi at ang ugnayang panlabas, ang mga produktong Amerikano ay malayang makapapasok sa Pilipinas habang ang mga iluluwas ng Pilipinas sa Estados Unidos ay papatawan ng mga restriksiyon, at ang Estados Unidos ay makagagamit ng lupa ng Pilipinas ukol sa mga "reserbasyong militar at iba pa."

Halos isumpa ni Don Claro sina Osmeña at Roxas dahil dito. Ang Batas Hare-Hawes-Cutting ay tinawag niyang isang "obra maestra ng kolonyalismo" at sinabi niyang pinahihintulutan nito ang "buo at walang hanggang pananalasa" ng Estados Unidos sa ating ekonomiya, ang "habang panahong panghihimasok sa pagsasakatuparan ng ating soberanya," at "ang pagkalusaw ng ating pambansang pamana kahit na maipahayag na ang kasarinlan."

Ibinasura ng Lehislatura ang Batas Hare-Hawes-Cutting at si Quezon ay naatasang pamunuan ang isang panibagong misyong pangkasarinlan. Ang Batas Tydings-McDuffie na naiuwi ni Quezon mula sa nasabing misyon ay tinangkilik ni Don Claro, bagama't sa pangkalahata'y wala namang ipinagkaiba ito sa Batas Hare-Hawes-Cutting liban sa pagtatadhana nito ng pagtatatag at pagpapairal ng isang pamahalaang komonwelt sa loob ng sampung taon mula sa pagpapatupad nito bago ipahayag ang kasarinlan.

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay kinasuhan siya ng pakikipagsabwatan sa mga Hapones. Tinanggihan niya ang amnestiyang alok ng noo'y Pangulong Roxas at sa Hukumang-Bayan ay kanyang ipinagtanggol ang sarili. Ipinaliwanag niyang ang kanyang paglilingkod sa pamahalaang tinangkilik ng mga Hapones ay sa layuning makatulong upang kahit paano'y maibsan ang pinsalang dulot ng pananakop ng mga Hapones sa bansa. Naipagwagi niya ang usapin.

Noong 1946, nanguna si Recto sa pagtutol sa Amyendang Parity sa Saligang Batas, na hiningi ng Estados Unidos bilang kapalit ng bayad-pinsalang pandigmaan. Sinabi niyang ito'y magpapahintulot sa paghahari ng mga dambuhalang korporasyong Amerikano sa ating ekonomiya, bagay na aniya'y walang buting idudulot sapagkat ang kikitain ng mga ito'y lalabas lang nang lalabas ng bansa sa halip na magamit upang paunlarin ang ekonomiya.

Ipinaglaban ni Recto ang makabansang pag-iindustriya. Aniya, kung isasaalang-alang ang lawak ng ating mga yamang-bansa, walang alinlangang kakayanin natin ang magtatag ng mga pambansang industriya. Sa ilalim ng isang programa ng makabansang pag-iindustriya, ayon kay Recto, makalalalang tayo ng sarili nating mga kalakal sa halip ng walang patumanggang pag-aangkat, at ang ating kapital ay di na lalabas nang lalabas ng bansa.

Naging tagapagsulong din siya ng malayang pakikipag-ugnayang panlabas. Dapat daw na nakabatay ang ugnayang panlabas sa ikabubuti ng bansa at hindi sa kapakinabangan ng Estados Unidos. Kaugnay nito, mariin niyang tinutulan ang pananatili ng mga base militar ng Estados Unidos sa Pilipinas. Nagbabala siyang sa pamamagitan nito'y di malayong masangkot ang Pilipinas sa mga digmaan kung saan wala itong kinalaman dahil maaari itong gamiting lunsaran ng mga puwersang sasalakay sa kung aling bansang Asyano. Nagkatotoo naman ang kanyang hinala sapagkat noong mga dekada 1960 at 1970, marami sa mga pananalakay ng Estados Unidos sa mga bansang Biyetnam, Laos, at iba pa ay inilunsad mula sa Subic at Clark. Nagiong kaaway natin sa gayon ang mga bansang hindi natin kinailangang makaaway.

Pinakamadaling nagugunita si Recto sa kanyang pag-akda, bilang senador, ng Batas Rizal, na nagtatadhanang ipababasa sa lahat ng mga Pilipinong mag-aaral ang talambuhay at mga akda ni Dr. Jose Rizal na noon pa'y siya nang pambansang bayani, bilang pagkilala at pagsulong sa kanyang diwang makabansa.

Lumaban nga sa halalang pampanguluhan si Recto noong 1957 ngunit natalo. Datapwat di roon nagwakas ang makabansang pakikipaglaban ni Don Claro. Sa mga pahayagan, sa mga paaralan, at sa iba't ibang mga pagtitipon ay patuloy niyang isinulong ang diwang makabansa hanggang sa huling araw ng kanyang buhay.

Isa ring masugid na tagapagtanggol ng demokrasya si Recto. Bilang tagapangulo ng Kumbensiyong Konstitusyonal ng 1934, malaki ang papel niya sa paglalatag doon ng mga probisyong nangangalaga sa mga kalayaang sibil.

Kung may masasabi mang naging kakulangan ni Recto, iyo'y ang kanyang hindi pagkakakilala sa kahalagahan ng repormang agraryo at ang naging pagtingin niya sa mga dayuhang institusyong multilateral tulad ng International Monetary Fund at World Bank o IMF-WB.

Hindi nakilala ni Recto na bago maisagawa ang makabansang industriyalisasyon ay dapat na munang pabutihin ang kabuhayan ng mga magsasaka, sa pamamagitan ng totohanang repormang agraryo--yaong repormang agraryong titiyak na lubusang pakikinabangan ng mga mnagbubungkal ng lupa ang kanilang mga ani. Mahalaga ito sapagkat bilang pinakamalaking uri sa kasalukuyang kaayusang panlipunan sa Pilipinas, ang mga magsasaka ang magsisilbing pinakagulugod ng programang pang-industriyalisasyon bilang pinakamalaking seksiyon sa sektor ng mga konsiyumer.

Nanawagan din si Recto para sa mga pautang mula sa IMF-WB na gagamitin sa pagsasagawa ng makabansang industriyalisasyon. Hindi siya nagkaroon ng sapat na panahon--bata-bata pa lamang noong panahon niya ang Kambal ng Bretton Woods--at hindi niya nahulaang magiging kasangkapan ang mga ito upang palakasin ang pagkakasakal ng mga dayuhang kapitalista, lalo na ng mga multinasyunal na korporasyon ng Estados Unidos, sa ating ekonomiya tulad din ng sinapit ng mga bansang Mehiko at Argentina.

Datapwat sa kabuuan, si Claro M. Recto ay isang tunay na kapuri-puring estadista: makabansa at masugid na tagapagtanggol ng kalayaang sibil. Dahil sa kanyang pambihirang talino at masikhay na pag-aaral sa mga pangangailangan ng bansa, tiyak na kung mahigpit nang hiningi ng mga pagkakataon ay malalim niyang mauunawaan ang kakulangan ng kanyang naging mga pagtingin sa mga usapin ng repormang agraryo at dayuhang pautang. Kung naging pangulo sana siya, napakalaki ng kanyang magagawa upang paunlarin ang bansa.

Sa pagkakaroon ng ganitong kumbinasyon ng mga katangian, walang kapantay si Claro M. Recto sa lahat ng kumandidato sa pagkapresidente ng ating bansa--nauna man sa kanya o sumunod sa kanya. Dahil sa kanyang mataas na kakayahan at kahandaang tugunan ang mga pangangailangan ng bansa, siya lamang--sa lahat ng kumandidato sa pagkapresidente ng Pilipinas--ang may karapatang maging presidente ng bansa, sapagkat siya lamang sa kanilang lahat ang may ganitong katangian.

Kung kaya naman lubhang nararapat na isipin natin si Claro M. Recto bago natin sulatan sa balota ang espasyong nakalaan sa pangalan ng pipiliin nating maging susunod na pangulo. Siya ang dapat na maging sukatan ng sinumang kandidato sa pagkapangulo. Kung walang makapapasa sa mga pamantayan, makabubuti pang huwag nang bumoto ng sinuman sa mga kandidato sa panguluhan. Ganoon din naman iyon.

Friday, January 02, 2004

DALIT SA BAGONG TAON NG ELEKSIYON

Trapo'y 'wag nating ihalal
sa bagong taong daratal;
manapa'y doon ilagay
sa sahig kung sa'n s'ya bagay.